Maghahating-gabi na pero nasa opisina pa rin si Dazy at pilit na tinatapos ang tambak niyang mga trabaho. Isa kasi siyang manager ng isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa. Napakabata pa ng dalaga para sa posisyon pero madali niya itong nakuha dahil sa kanyang angking galing sa trabaho at hindi matatawarang kasipagan at dedikasyon sa kompanyang kanyang pinagtrarabahuan, kaya naman labis na natutuwa sa kanya ang kanyang mga boss.
Napaka-responsable rin naman kasi ng dalaga, kaya kahit kailan ay hindi pa nabigo sa kanya ang kompanyang kanyang pinagtratrabahuan. Sa katunayan, ay isa siya sa mga itinuturing na asset ng nasabing kompanya.
Naagaw ang atensyon ng dalaga ng biglang tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag na naman ang tiya niya. Itinigil niya na muna ang ginagawa at lumabas muna para kausapin ang tiya. Bumuntong hininga muna ang dalaga bago sinagot ang tawag.
“Hello Dazy iha? Kumusta ka na?” bati ng tiyahin sa kanya.
“Mabuti naman po ako Tiya, nasa trabaho pa po ako ngayon,” sagot niya naman sa ginang.
“Sa katapusan pala ay kaarawan na ni Totoy, alam mo naman na medyo gipit kami ngayon, pwede bang ikaw na muna ang gumastos para sa party niya? 7th birthday kasi ng pamangkin mo eh,” saad ng kanyang tiya. Muling napabuntong hininga ng mahina si Dazy bago sumagot.
“Sige po tiya, ako na po ang bahala sa lahat ng gagastusin,” sagot niya sa tiyahin.
“Nako, maraming salamat talaga iha! Hulog ka talaga ng langit sa’min! O siya, yun lamang ang tinawag ko. Mag-iingat ka sa iyong pag-uwi ha?” masiglang tugon ng kanyang tiya sa dalaga.
Napahilot nalang sa kanyang sentido si Dazy. May bago na naman siyang paglalaanan ng pera, mukhang maaantala na naman ang plano niyang pagbabakasyon sana sa ibang bansa, bagay na matagal ng pangarap ng dalaga.
Kakapasok pa lamang ni Dazy sa high school ng mam*tay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente. Nabangga kasi ang sasakyan ng mga ito sa isang rumaragasang malaking truck. Hindi na umabot sa ospital ang kanyang mga magulang at agad na binawian ng buhay.
Simula noon ay para siyang asong pinagpasapasahan ng kanyang mga tiyahin at tiyohin. Sila na din ang nagpalaki at bumuhay sa dalaga kapalit ng pagtulong sa kani-kanilang mga bahay kung nasaan man nakatira ang dalaga.
Kaya naman nagsikap talaga ng mabuti si Dazy upang makapagtapos siya at maiahon ang sarili sa hirap. Gusto niya na talagang makatakas sa kanyang masalimuot na buhay kasama ang kanyang pamilya.
Hindi naman siya nabigo dahil sa sipag at talino niya ay agad siyang nakapagtapos ng maraming karangalang natanggap. Agad din siyang nakahanap ng trabaho sa isang malaking kompanya sa Maynila. Umasenso naman agad ang buhay ni Dazy dahil sa laki ng sahod na kanyang natatanggap sa kanyang trabaho, ngunit kung inaakala niyang nakatakas na siya sa kanyang pamilya ay nagkakamali siya.
Nang mabalitaan ng kanyang mga tiyahin at tiyohin na umaasenso na siya sa buhay ay kanya-kanya na ito ng hingi sa dalaga. Noong una ay ayos lamang kay Dazy dahil konti lang naman at kayang-kaya niyang ibigay, kaso habang tumatagal ay palaki ng palaki at padalas ng padalas ang paghingi ng mga ito ng pera sa kanya. Minsan nga, pakiramdam niya ay sa kanila lang napupunta lahat ng pinagtratrabahuan niya.
“Huwag mo kasi silang kinukunsinti. Kaya ka nila inaabuso eh, kasi pinapabayaan mo lang sila. Alam mo kasi babe, walang mang-aapi kung walang pagpapa-api,” madalas na linya sa kanya ng kanyang nobyong si Arjean.
“Eh anong magagawa ko, utang ko daw sa kanilang kung nasaan ako ngayon eh. Ayoko namang matawag na walang utang na loob o ingrate,” madalas niya ding sagot sa nobyo.
Parating ibinibigay ni Dazy ang lahat ng hinihingi ng pamilya niya sa kanya, hanggang sa inalok siya ng kasal ng nobyo niyang si Arjean.
Bago sila magsimulang bumuo ng sariling pamilya ay nangako muna si Dazy na simula ngayon ay hindi na siya magpapaabuso sa kanyang pamilya at magsisimula na talaga siyang mag-ipon para sa kinabukasan nila ni Arjean at ng mga magiging anak nilang dalawa.
Nagalit ang pamilya ni Dazy nang magsimulang tanggihan na sila ng dalaga sa tuwing hihingi sila ng tulong pinansyal dito. Lumipas ang ilang taon na hindi siya kinausap ng sino man sa kanilang pamilya. Ikinasal si Dazy na wala ni isa sa kanyang pamilya ang dumalo. Nalungkot man ay hindi na lamang ito inintindi ng dalaga dahil mas mahalaga naman sa kanya ang kanyang asawa at magiging mga anak.
Dumaan ang ilang taon at masayang namuhay si Dazy sa piling ng kanyang asawa at mga munting mga anak.
“Dazy,” tawag sa kanya ng isang pamilyar na tinig pagkalabas niya sa building ng kanilang opisina. Nakita niya ang isang petite na babaeng nakasout ng pulang bestida, lumapit ito sa kanya at niyakap sya.
“Patawarin mo sana kami sa mga maling nagawa naming sa’yo,” umiiyak na sambit ng babae.
Pinatahan muna ni Dazy ang pinsang si Monica bago ito pinagsalita. Nalaman niyang nagkasakit pala ng malubha ang kanya tiya Anetta, sakit sa bato. Naisipan nilang humingi ng tulong sa kanya pero kinakain daw ng hiya ang kanyang tiyang kaya hindi nalang ito umimik at hindi siya ginambala. Hindi naman matiis ni Monica ang paghihirap ng kanyang ina kaya kusa na itong lumapit kay Dazy para humingi ng tulong.
Bukas palad na tinulungan ni Dazy ang kanyang tiya kaya naman agad din itong gumaling agad. Muling naging maayos ang pagsasama nila ng kanyang pamilya. Madalas na rin silang mag bonding na kompleto at masaya, upang mapanatili ang kapayapaan at sigla ng pagmamahalan nila sa isa’t isa.