Inday TrendingInday Trending
Ang Pinakamahalagang Bagay na Hindi Nabibili ng Pera

Ang Pinakamahalagang Bagay na Hindi Nabibili ng Pera

“Ang dami naman niyan! ‘Yan ba lahat ng order?” Tanong ni Esme kay Rico na trabahador niya.

“Oho, Ma’am! Nakita na po ito ni Sir at inaprubahan na rin.”

Tumango siya kaya agad itong umalis. Nagpatuloy sa pagsasakay ng mga inaning hinog na mangga para dalhin sa bayan.

Iyon ang kanilang negosyo ng asawa. Naging patok ito dahil sinigurado nila ang mga ito sa kalidad ng mga produktong mangga. Mas mababa rin ang kanilang presyo kaysa sa mga kakompetensiya dahil mayroon silang sariling lupa na ilang ektarya rin ang laki.

“Eto ho bayad nung isang pinagdeliver-an ko, Ma’am. Sa uulitin daw ho.”

Tinanggap niya ang bungkos ng pera. Malaking halaga galing sa malaki ring kompanya na kliyente nila.

“Salamat. Nasaan nga pala ang ser mo?” tanong niya rito.

Kumunot ang noo nito sandali, “Nasa taniman ho, mam. Nag-aasikaso.”

Tumango siya. Normal na normal. Sa kanilang mag-asawa ay higit na mas masipag ito magtrabaho.

“Kumain na ba ‘yun?”

Nauna kasi ito magising at hindi niya na naabutan. Sa gabi naman ay hindi na sila nakakapag-usap sa sobrang pagod. Hindi na nakakakain, dahil mas gusto na lang na magpahinga.

“Hindi ko napansin, Ma’am. Pero kanina pa kasi siya nandoon,” kumakamot ito sa ulo nang sabihin iyon.

Tumango naman si Esme. Ano pa nga ba ang aasahan niya?

“Kung ganoon, pwede bang tawagin mo siya doon para makakakain?”

Sumunod naman ito sa kanyang sinabi, naghain siya ng pagkain. Ngunit lumamig ang pagkain ay hindi bumalik ang asawa para kumain.

“Sobrang abala,” naisip niya na lamang.

Hapon na, pinapanood niya ang mga trabahador na nag-aani pa rin ng prutas. Hindi lang mangga ang kanilang binebenta, kundi iba pang prutas.

Gabi na ay hindi pa rin umuuwi ang asawa kaya kahit paano ay nangamba na siya. Ngunit pinigilan niya ang sarili dahil baka magalit ito kapag pinuntahan niya. Ayaw nitong naiistorbo.

“Salamat.” Ngumiti siya ng bahagya sa kasama sa bahay na naghain.

Tahimik siyang kumain. Tahimik ang paligid, walang ingay na nagmumula sa marangya nilang bahay.

Hindi kagaya noong mga bata pa ang anak. Hindi man ganito kalaki ang tahanan ay labis ang kanyang saya.

“Mam! Mam! May nangyari ho! Si ser ho dinala ng mga tauhan sa ospital! Bigla na lang raw hong nawalan ng malay!” sigaw ng isang empleyado.

Nabitiwan niya ang hawak na baso nang tumayo. Nanginig ang kaniyang kamay. Mistulang may naghahabulang daga sa kaniyang dibdib.

“Saan ‘yan? Halika at samahan niyo ko!” Walang patumpik-tumpik. Dali-dali ay tumakbo siya at sumakay sa sasakyan.

“Dalian mo!” utos niya sa tagapagmaneho.

Malamig ang kaniyang pawis nang makarating sa pampublikong ospital kung saan ito naroroon.

“Madalas ho ba kayo na nalilipasan ng gutom?” Tanong ng doktor.

Iyon ang naabutan niya. Kaya dali-dali niyang nilapitan ang asawa na may malay na ngayon. Si Dr. Armando na kaibigan rin nila ang tumitingin dito.

“Madalas ho, kakatrabaho,” siya na ang sumagot.

Tumango naman ito at tinignan na seryoso ang asawa niya.

“Mr. Cruz, hinay hinay lang ho. Hindi na maganda ang estado ng inyong baga. Lagi kayong pagod at hindi pa kumakain ng tama.”

Tumango siya sa sinabi ng doktor.

“Kung magpapatuloy pa ito baka isang araw ay mawalan na lang kayo ng malay at hindi na magising. Iwasan nyo na rin yang alak at sigarilyo. Alam nyong hindi ‘yan makabubuti.”

Walang nagsalita. Tanging ang mabibigat lamang na paghinga ang namayani.

“Payo ko lamang sa’yo bilang doktor at bilang kaibigan na rin, tama na ang kakatrabaho pare. Saan ba kayo dadalhin ng pera na yan? Hindi na iyan kailangan ng mga anak n’yo. ‘Wag niyong sagarin ang mga katawan n’yo. ‘Wag abusuhin.”

“Kayo? Sa dami ng pera niyo ni hindi na kayo nagkikita at nag-uusap kahit na magkasama lago sa bahay. Wala na kayong oras para sa isa’t-isa.”

Tinapik nito ang balikat ng asawa at matapos silang gawaran ng ngiti ay umalis ng kwarto.

Nang balikan niya ng tingin ang asawa ay may kaunting luha na ito sa mga mata. Tila naiisip ang sinabi ng doktor na kaibigan.

“Kumain ka na muna, bibili lang ako sa labas.” Paalam niya.

Akmang lalabas na siya nang hawakan nito ang kanyang kamay para pigilan siya.

“Pasensya na, mahal. Pasensya na at nawalan ako ng oras sayo at sa mga anak natin noon.”

Ngumiti siya rito. “Naiintindihan ko. Alam mong pinatawad ka na ng mga anak natin noon pa.”

Tumango ito at tumulo ang luha.

“Tama ang sinabi niya. Para saan ba itong pagpapakahirap natin? Hindi naman natin ito kailangan na. Nakapagtapos na ang mga anak natin. Maayos na ang kanilang buhay kaya paraa kanino pa itong pagtatrabaho natin?”

Nang makalabas ito ng ospital ay inasikaso nila ang pagpapatayo ng isang charity kung saan naglalayon na suportahan ang mga taong kailangan ng tulong pinansiyal. Doon nilalagak ang karamihan sa perang kinikita ng negosyo.

Habang ang mag-asawa ay huminto na sa pagtatrabaho. Lumipad sa iba’t-ibang bansa para bumisita sa mga magagandang lugar at sa mga anak at mga apo.

“Masaya ka ba?” tanong ng kaniyang asawa sa kaniya. Ngayon ay maputi na ang mga buhok nito dahil sa katandaan, ang mga balat nila ay pareho ng kulubot ngunit ang ngiti sa kanilang labi ay walang katulad.

“Oo.” ngiti ni Esme.

Ito ang kanyang natutunan sa buhay. Mahalaga ang mga materyal na bagay ngunit ang saya na idinudulot ng pamilya ay hindi matatawaran.

Advertisement