
Pilantod Ang Nanay Mo!
“Edward!”
Nakita niya ang ina na humalo sa daloy ng taong patawid ng highway at paika-ikang lumapit sa kaniya.
“Hinatiran kita ng pagkain, ‘nak. Para hindi ka na umuwi.” Itinaas pa nito ang bitbit na lunch box.
Pilit ang ngiti na ibinigay ni Edward sa ina. Hindi kasi niya gustong pinupuntahan siya ng ina sa eskwelahan. Kasalukuyan siyang nag-aaral bilang isang grade 10 student.
Hindi nakaligtas sa kanya ang mahinang hagikhikan ng iilang bata sa kaniyang likuran.
“Pilantod! Pilantod!” Muling nagtawanan ang mga ito.
Bumakas ang galit sa mga mata ni Edward, naikuyom pa ang kaniyang kamao.
“’Nak, bakit?” Nagtatakang tanong ng kaniyang ina nang mapansin ang matinding galit na nakabalatay sa kaniyang mga mata.
“Wala po. Umuwi ka na ‘nay.” Matigas na sabi niya sa ina.
“Anak, gusto kong samahan ka habang kumaka—”
“Umuwi ka na sabi, ‘nay!” Bulyaw niya sa ina. Na agad niyang pinagsisihan nang makita ang bahagyang pag-atras nito mula sa kaniya.
“Sige, ‘nak. Kumain ka ng mabuti ha.” Iniwan siya nito ng isang pilit na ngiti bago lumakad sa kanya palayo. Nang paika-ika.
Naging “pilantod” kung tawagin ang kaniyang ina nang masangkot ito sa aksidente apat na taon na ang lumipas.
“Tingnan niyo siya maglakad, nakakatawa!” muling hagalpakan ng mga bata sa kaniyang likuran.
Hindi na nakapagpigil pa si Edward at madilim ang mukhang nilingon ang mga bata.
“Anong sabi niyo?” nangangalit ang bagang na tanong niya sa mga bata.
“Kuya, nakakatawa kasi maglakad ‘yung ale!” sagot sa kaniya ng batang bilugan ang mukha dahil sa taba ng pisngi nito.
“Ah, ‘yung nanay ko?” Nakataas ang kilay na tanong niya sa mga bata.
Nanlaki ang mga mata ng mga ito. Maya-maya ay kumaripas ng takbo.
“Mga bata ngayon, wala nang disiplina at galang.” Inis na napabuga siya ng hangin habang pilit na kinakalma ang sarili.
“O, sambakol na naman ‘yang mukha mo!” Puna ng kaibigan niyang si Rick nang makabalik siya sa classroom.
“Si nanay kasi pumunta na naman, alam mo na.” Napabuntong hininga siya.
Tila nakakaunawa naman na napatano ito. Tinapik siya sa likod.
“Class, sa susunod na Linggo na ang family day ha. Kung mayroong hindi makakasama, sabihin niyo agad sa akin para alam ko ‘yung dami ng magkaing kailangan natin ihanda,” pag-aanunsiyo ng kanilang homeroom teacher.
Agad na nagtaas ng kamay si Edward.
“Yes, Edward? Ano ‘yun?” Tanong ng guro.
“Ma’am hindi po makakasama ang nanay ko. Mayroon po siyang mahalagang pupuntahan na hindi niya raw pwede i-cancel.”
Nagkaroon ng bulung-bulungan. Ang iba ay nagtawanan. Hindi na iyon pinansin ni Edward. Nasanay na siya.
Tumango tango naman ang kanyang guro. “Sayang naman. Pero kung gusto niya humabol, sabihin mo pwede ha?”
Doon sumabog ang tawanan.
“Ma’am hindi makakahabol, pilantod eh! Hirap nga maglakad!” Sigaw ni Peter, isa sa mga kilalang bully sa school.
Napasigaw ang ilan nang tumayo si Edward at dire-diretsong lumapit kay Peter. Kinwelyuhan niya ito.
“Ano’ng sabi mo?” Parang sasabog sa galit si Edward ng mga sandaling iyon.
“Bakit, totoo naman ah? Kinahihiya mo ba na pilantod ang nanay mo?” Naghahamong sagot ng kaklase.
Tuluyan nang napatid ang pisi ni Edward. Inundayan ng sunod-sunod na suntok ang kaklase.
Napalitan ng sigawan ang kanina ay halakhakan.
Nahinto lamang si Edward nang may malakas na pwersang yumakap sa kanya at inilayo siya kay Peter.
“Bro, tama na ‘yan. Baka makick out ka na rito,” awat nito.
Doon lang natauhan si Edward. Nilibot ang tingin sa mga kaklase.
“Ano? Masaya kayo? Masaya kayong gawing katatawanan ang paghihirap ng iba?” Malakas na sumbat niya sa mga kaklase.
Walang nakapagsalita.
Kinabukasan ay pinatawag ang kanyang ina at ang ina ni Peter.
“Bakit ho parurusahan pati ang anak ko? Eh siya nga ang pinakanasaktan dito?” Nakapamaywang na kompronta ng ina ni Peter sa desisyon ng principal.
“Misis, considered bullying ho ang ginawa ng anak ninyo. Kung hindi siya mapaparusahan eh baka isipin ng mga bata na ayos lang umasta ng ganyan.” Tila nauubusan na ng pasensiyang paliwanag ng principal sa ina ni Peter.
“E nagbiro lang naman ho ang anak ko. Saka…” tiningnan nito ang kanyang ina mula ulo hanggang paa. “nagsasabi lang naman po siya ng totoo.” Pagak pa itong natawa.
Hindi na nakapagpigil pa si Edward. Kaya naman pala masama ang ugali ng Peter na ‘yun eh may pinagmanahan. “Hindi ho porket totoo eh kailangan niyo nang ipangalandakan, kahit alam niyong may masasaktan. Hindi ho pagsasabi ng katotohanan ‘yun. Kawalan ho ‘yun ng respeto sa nararamdaman ng iba.”
Namula naman ang mukha ng ina ni Peter. Dahil hindi makahanap ng isasagot, nagdadabog na lamang itong lumabas sa oipisina ng kanilang principal.
“Pasensiya na ho kayo sa gulo na nagawa ng anak ko.” Muling paumanhin ng kaniyang ina.
“Mapaparusahan naman ho siya misis, sana ho ay hindi na umulit. Ewan ko ba riyan kay Edward. Hindi naman ‘yan basagulero.” Napapailing na sagot ng principal.
“Ang balik niyo na ni Peter mula sa suspensiyon ay sa Family Day,” sabi sa kaniya ng guro.
Tumango na lamang siya at inalalayan na sa paglakad ang kaniyang ina.
Tahimik lamang ang kaniyang ina.
“’Nay…”
“May family day kayo? ‘Di mo sinabi sa’kin.” Hindi lumilingong sabi nito sa kanya.
“’Nay, pasensiya na po at napatawag pa kayo dahil sa akin…” hiyang hiyang sabi ni Edward sa ina.
“Anak, kinakahiya mo ba ako?” Maya-maya ay tanong nito na tila sumampal sa kanya.
Nanlaki ang mata ni Edward sa naiisip ng ina.
“’Nay! Bakit niyo naman po iniisip ‘yan?” Gulat na tanong ni Edward. Ni sa panaginip ay hindi niya minsang ikinahiya ang ina.
Tumulo na ang luha ng kanyang ina. “’Nak, hindi ako perpekto pero sinubukan ko naman maging mabuting ina sa iyo, hindi ba?”
Mahigpit na niyakap ni Edward ang ina. Hindi man lang niya naisip na baka nga isipin ng ina na kinakahiya niya ito. Lalo pa’t ayaw na ayaw niyang pinapupunta ito sa eskwelahan.
Tumulo na din ang pinipigilang luha ni Edward.
“’Nay, hindi po! Kahit bayaran pa ako ay hinding-hindi ko kayo ikakahiya? Paano ko ikakahiya ang taong lubos na nagmamahal sa akin?”
Hindi nakapagsalita ang ina.
“Gusto lang kitang protektahan sa lahat ng bagay na maaring makasakit sa’yo ‘nay. Gusto kong protektahan ka gaya ng ginawa mo at ginagawa mong pagprotekta sa akin.”
Napilay kasi ang ina niya matapos siya nitong isalba mula sa isang rumaragasang sasakyan. Kaya naman literal na utang niya ang buhay sa ina, paano niya magagawang ikahiya ito?
“Ayokong marinig niyo yung mga sinasabi nila sa inyo. Hindi naman nila alam kung ano ang mga sakripisyo mo, at ang mga pinagdaanan natin.”
Niyakap siya ng ina. “Hindi mo kailangan gawin ‘yun, ‘nak. Wala akong pakialam sa sinasabi nila.Diyos na ang bahala sa mga taong humuhusga ng mga bagay na hindi nila alam at naiintindihan. Ayoko nang napapahamak ka dahil sa pagtatanggol mo sa akin, maliwanag?”
Labag man sa loob niya ay tumango siya sa ina, marka ng pagsang ayon.
“Kaya pupunta tayo sa Family Day niyo,” nakangiting sabi nito.
Napapailing na lang na napangiti siya sa ina.
Family Day. May matamis na ngiti sa labi ng mag-ina. Bahagya pa rin niya naririnig ang mga bulung-bulungan ng iilan ngunit inignora niya ito. Hindi, hindi mahalaga ang sasabihin nila. Hindi sila ang nakakaalam ng mga sakripisyo ni nanay. Ako.