Inday TrendingInday Trending
Ang Kinahinatnan ng Kaniyang Pagsuway

Ang Kinahinatnan ng Kaniyang Pagsuway

Inikot na lamang ni Sidney ang mga mata nang marinig ang sinabi ng ama.

“Hindi. Hindi ka sasama. Bad influence ‘yang mga kaibigan mo, lagi ka na lang inaaya sa mga gimikan. Nag-aalala ako na baka mapahamak ka sa kakasama mo sa kanila,” kunsumidong sagot ng kanyang ama nang magpaalam siya rito na makikitulog siya sa bahay ng kaibigan na si Jade.

“’Tay, matutulog lang ho kami. Payagan niyo na po ako, please.”

“Nung huling nakitulog ka sa kanila, nakita namin ng nanay mo ang mga picture niyo sa Facebook. Kahit pinakatago-tago niyo, alam kong lumabas kayo. ‘Wag mo akong lokohin, Sidney, at kilalang-kilala na kita!” matigas na sabi ng kanyang ama.

Walang nagawa si Sidney kundi ang i-text ang mga kaibigan na hindi sila makakasama sa gala nilang magkakaibigan.

“Nakakainis talaga sila tatay masyadong mahigpit!” Buringot na sambit ni Sidney habang nagmumukmok na nakatalukbong ng kumot.

Maya-maya ay tumunog ang cellphone niya. Napangiti siya nang makita ang text ng kaniyang nobyo na si Riley.

Riley:

Babe, bakit hindi ka sumama?

Sidney:

Hindi ako pinayagan nila tatay.

Riley:

Bakit hindi ka tumakas?

Sidney:

Baka mas lalong hindi ako makasama sa mga susunod pag nalaman nilang tumakas ako. Delikado. Next time na lang!

Riley:

Sayang naman babe…

Hindi niya na sinagot ang text ng nobyo. Pin*tay niya na din ang cellphone bago pa siya makumbinsi nito na tumakas.

Kinabukasan, masayang nagkukwentuhan ang mga kabarkada niya tungkol sa mga nangyari nung nagdaang gabi. Halatang masayang-masaya ito, bagay na nagdulot ng inggit kay Sidney.

“Sana hindi rin mahigpit ang parents ko…” wala sa loob na nasabi niya.

Napalingon ang mga kaibigan sa kanya.

“Alam mo kung anong problema sa’yo, Sid?” tanong ni Jeff, kabarkada ng kaniyang nobyo.

Nilingon niya ito.

Ngumisi ito. “Masyado kang masunurin sa magulang mo. Tingin mo ba lahat kami dito ganun kabait ang magulang na hahayaan lang kami sa mga kalokohan namin?”

Namilog ang kaniyang mata. Ibig sabihin?

“Oo.” Kumpirma ni Jeff sa hinala niya. “Tumatakas lang din kami minsan.” Sabay halakhak.

Hanggang makauwi ng bahay ay nagmumuni muni si Sidney. Talaga bang naging masiyado siyang masunurin?

Kinabukasan, habang kumakain sila ng tanghalian ay muling nag-usap-usap ang mga kaibigan niya tungkol sa mga gagawin nila sa nalalapit na sembreak.

“Guys, may rest house kami sa Batangas, pwede tayo mag-stay dun para mag-beach!” Nagniningning ang mga mata ni Janice, isa sa kanyang mga kaibigan.

“Yun naman pala!” Sigawan ng mga kalalakihan.

Maging ang mga babae ay excited na excited. Tanging si Sidney ang sambakol ang mukha.

“Game!” Sigawan ng lahat matapos mag-set ng araw ng pag-alis.

“Ikaw, babe?” Tanong ni Riley nang mapansing napakatahimik ng nobya.

“Alam mo naman ang sitwasyon ko. Hindi ako papayagan, Riley.” Malungkot na tugon niya sa nobyo.

“Hindi na ako sasama kung hindi sasama si Sidney!” Maya-maya ay maktol ni Riley.

“Sidney, sasama ka. Kaming bahala sa’yo.” May misteryosong ngiti sa mga labi ni Jeff.

“Oh, anak. Nakapag-empake ka na ba?” Tanong ng ina ni Sidney.

“Opo ‘nay.” Nakangiting sabi ni Sidney sa jna.

“’Nak, eto pala ang waiver mo. Napirmahan na ng tatay mo. Magpakabait ka dun ha? Medyo matagal ang 3 days kaya i-text mo kami para may balita naman kami sa’yo,” sabi ng kanyang ina.

Tumango naman si Sidney bilang pagsang-ayon.

Hinaplos ng ina ang kanyang buhok. “Anak, pasensiya ka na, ha? Alam kong masyadong mahigpit kami ng tatay mo. Gusto ka lang namin gabayan at masigurong ligtas ka sa lahat ng kapahamakan.” Masuyong sabi ng kanyang ina.

Hindi nakapagsalita si Sidney. Bahagyang nakaramdam ng kurot sa kaniyang konsensiya.

“Mabuti na lamang at mabait kang anak at hindi mo kami minsan mang sinuway. Mag-enjoy ka sa retreat niyo, ha?” Hinalikan pa ng ina ang kaniyang noo bago ito lumabas sa kaniyang kwarto.

Inignora ni Sidney ang kurot sa kanyang puso at pumikit na upang matulog. Maaga pa siyang magigising kinabukasan.

“Sidney!” Tili ni Janice nang bumaba siya sa sinasakyang taxi.

Masaya niya itong nginitian. “Tara na! Excited na ako!” Masiglang sabi niya sa kaibigan. Pagpasok niya ng sasakyan ay kumpleto na ang barkada nila, at siya na lamang ang hinihintay.

“Ano, Sid? Bilib ka na sa’kin? Sabi ko sa’yo eh, magtiwala ka lang sakin eh!” Pagyayabang ni Jeff. Ito kasi ang may ideya na palabasin nilang may school retreat sila.

Masaya ang naging biyahe nila. Puro kalokohan ba naman ang mga kaibigan niya.

Nahigit ni Sidney ang hininga nang marating ang Isla Bughaw. Tinawag daw ito sa ganung pangalan dahil sa bughaw na kulay ng tubig, kahit ang mababaw na parte ng tubig.

Namangha rin si Sidney nang masilayan ang resthouse na pagmamay-ari ng pamilya nina Janice. Malawak ito, may modernong disenyo na tulad ng sa mga mamahaling hotel. Mayroon din itong balkonahe kung saan tanaw na tanaw ang malawak at bughaw na dagat.

“O, eto ang magkakasama sa kwarto ha!” Narinig niyang sigaw ni Janice.

“Ako at si Audrey, si Aaron at Dustin, at syempre ang lovebirds na sina Jeff at Chynna at Riley at Sidney ang magkasama sa kwarto.” Sumipol ang mga lalaki habang namula naman sina Sidney at Chynna nang kantiyawan ng mga kaibigan.

“Sa wakas! Makaka-score na si Riley!” Sinagot lang ito ni Riley ng halakhak.

Hindi komportable si Sidney na ang nobyo ang kasama niya sa kwarto. Alam naman niya ang mga posibleng mangyari. At alam niyang masasaktan ang magulang niya pag ginawa niya ‘yun. Subalit ayaw niyang sirain ang masayang atmospera.

Mapapagkatiwalaan naman si Riley, kumbinsi niya sa sarili.

Masayang masaya si Sidney sa buong durasyon ng kanilang bakasyon. Nag-island hopping sila, snorkelling, scuba diving, fishing, at marami pang aktibidad. Sa huling gabi ay nag-bonfire sila habang pinagsasaluhan ang iba’t ibang klase ng alak.

“Riley, ‘wag ka magpakalasing!” Paalala niya sa kasintahan.

Ngumisi lamang ito habang pulang-pula na ang mukha.

Maya-maya pa ay nagkayayaan na matulog. Inalalayan niya ang kasintahan na pumasok sa kanilang kwarto.

“Riley, ‘wag ka makulit!” Saway niya sa nobyo nang simulan nitong pupugin siya ng halik sa leeg.

Hindi ito nagpasaway. Mas naging mapusok. Walang nagawa si Sidney kundi magpatangay.

Nang gabing iyon, nangyari ang hindi dapat nangyari. Nagising na lamang si Sidney nang walang suot na kahit na ano.

Tulala si Sidney habang pauwi. Nang makauwi na siya ay nagtext sa kanya ang nobyo.

Riley:

Mahal na mahal kita. ‘Wag kang matakot.

Makalipas ang ilang linggo, nakumpirma ni Sidney ang kinatatakutan. Napaiyak na lamang siya nang makita ang resulta ng pregnancy test kit na binili niya.

“Riley… buntis ako.” Umiiyak na sabi niya sa katipan.

Namutla ang mukha nito. “Ano? Masyado pa tayong bata, Sidney! Pap*tayin ako ng magulang ko pag nalaman nilang nakabuntis ako!” Galit na sigaw nito.

“Ano ang gusto mong gawin ko?” Ganting sigaw niya.

“Ipalaglag natin ‘yan!” Walang kurap na sabi nito.

Napaurong siya. Hindi ito ang lalaking minahal niya.

“Hindi ako kagaya mo na mamamat*y tao.” Mariing sabi niya dito at tinalikuran ito.

“Sidney!” Galit na sigaw nito.

Umiiyak na umuwi siya sa bahay. “Anak, napaano ka?” Tarantang tanong ng kanyang ina.

“’Nay!” Palahaw niya sa ina.

Pinakalma siya ng ina. Binigyan ng tubig. Pinagkwento.

“’Nay…” Bago pa man siya makapagsimula ay dumating na ang kanyang tatay. Nagbago agad ang ekspresyon nito nang makita ang mugtong mata ng anak.

“Anong nangyari sa’yo?” Dumagundong ang boses nito sa kanilang sala.

Nagsimula na naman tumulo ang luha ni Sidney. Sa paputol-putol na salita ay sinabi lahat ng nangyari. Walang inilihim.

Matapos magkwento ay inihanda ni Sidney ang sarili. Sa galit na magulang. Sa paninisi. Sa panunumbat. Ngunit wala siyang narinig.

Nang mag-angat siya ng tingin ay wala siyang galit na nakita sa mukha ng ama. Bagkus ay hilam sa luha ang mga mata nito. Gayon din ang kaniyang ina.

“Anak… hindi ko naman alam na nahihirapan ka pala sa paghihigpit namin. Patawarin mo kami. Kasalanan namin ang lahat.”

Sa sinabi ng ama ay mas lalong nadurog ang puso ni Sidney. Hindi. Siya ang may kasalanan.

“Hindi po ‘tay. Ako po ang may diperensiya. Sorry po, naging matigas ang ulo ko.”

“’Wag kang mag-alala, ‘nak. Hindi ka nag-iisa. Hindi ka namin pababayaan.” Hinaplos ng kanyang ama ang kanyang buhok.

Wala nang nasabi pa si Sidney. Wala din siya ibang madama kundi pagsisisi. Sa hindi niya pakikinig sa mga magulang. At pasasalamat. Sa maluwag pagtanggap ng mga ito sa pagkakamali niya.

Tunay nga na iiwan ka ng lahat, ngunit hindi ng dalawang tao na unang nagmahal sa’yo. Ang iyong mga magulang. Iyon ang napagtanto ni Sidney.

Advertisement