Pang sampung subok na ata ni James ito sa pag aaplay sa trabaho, subalit tila ba napakailap sa kanya ng tadhana. Kung hindi siya natatanggap, lagi namang hindi na bakante ang posisyong nais makuha.
Huminga lamang siya ng malalim habang binibilang ang kakarimpot na pera sa kanyang pitaka.
“Isang daan…” mahinang bulong niya sa sarili, “mukhang himala ang kakailanganin ko para makauwi sa amin ng may laman ang sikmura ah?” dagdag pa niya habang nakatingin sa isang daang piso.
Kumakalam na ang sikmura niya dahil hindi pa siya kumakain ng umagahan at tanghalian. Kung gagastusin naman niya ang natitirang pera, malamang hindi na siya makakauwi pa sa kanila.
Tanging itong huling interview na lamang ang pag-asa niya para makakuha ng trabaho. May malalang sakit ang kanyang kapatid, nagbebenta lamang sa palengke ang kanyang ina at tricycle driver naman ang kanyang ama, kaya nakahirap ng kanilang buhay.
Mabuti na lamang at nakapagtapos ng kolehiyo si James ng walang binayaran na kahit ano. Pursigido talaga siyang maihaon mula sa kahirapan ang pamilya. Kaya kahit na mahirap, ibinigay niya ang lahat upang maigapang ang pag-aaral.
“Diyos ko, kapag hindi pa ako nakapasa sa final interview na ‘to, baka sa kangkungan na talaga ako pulutin,” malungkot niyang bulong sa sarili.
Habang naglalakad, napagdesisyunan niyang pumunta muna sa isang mall upang doon gumamit ng banyo at mag-ayos ng kaunti upang maayos siyang tignan sa susunod na interbyu.
Dahil isang cubicle lamang ang mayroon sa banyo, nag-intay muna siya ng ilang minuto bago lumabas ang naunang gumamit sa kanya.
Ilang saglit lamang ay lumabas ang isang lalaking parang nasa edad na limampu pataas. Nakangiti itong lumabas na sinuklian naman din ng binata ng magandang ngiti.
Matapos gumamit ng banyo at mag-ayos ay napansin ni James ang isang makapal na pitakang nakakalat lamang malapit sa pintuan ng kyubikel. Agad niya itong pinulot ang tinignan.
“Aba, wallet nga ito!” gulat na gulat naman siya nang makita ang laman nito, “sa halagang ito, tapos na ang problema ko,” natatawang sabi niya.
Napakalaking halaga ang laman ng pitakang nakakalat. Lutas na ang problemang pampinansyal nila sa pagpapagamot ng kapatid niya sa laki ng halagang nakapaloob dito.
Napansin niya na mayroon mga credit card at ATM na nakaayos din doon. Pero ang nakapukaw ng atensyon niya ay lisensya ng lalaki na mayroong litrato.
“Teka, eto yung matandang kalalabas lang kanina ah?”
Nagmadali siyang lumabas ng banyo at hinanap sa paligid kung nandoon pa sa malapit ang matandang lalaki, ngunit bigo siya. Sa laki ng mall, hindi niya alam kung saan pa ito matatagpuan.
Binuksan niyang muli ang pitaka at saka humanap ng paraan kung paano at saan pwedeng matunton ang matanda. Swerte naman niyang nakakita siya ng isang calling card.
“Buti na lamang at may load pa ako,” agad niyang kinuha ang lumang cellphone at agad na tinawagan ang numerong nakalakip sa calling card.
“Hello, who’s this?” pagbati ng lalaki mula sa kabilang linya.
“Magandang hapon po, si James po ito, gusto ko lang po sanang ipaalam sa inyo na ako po ang nakapulot ng pitaka ninyo. Nandito pa po ko ngayon sa mall kung saan kayo nanggaling,” saad naman ni James.
“Nako, maraming salamat at tinawagan mo pa ako para lamang ipaalam sa akin na nawawala ang pitaka ko. Sige at babalik ako,” tugon naman ng matanda.
“Iintayin ko na lamang po kayo dito sa may upuan sa labas ng CR. Pasensya na sir, mauubos na po kasi ang load ko, mag-iintay na lamang po ako dito.”
“Okay sige. Saglit lamang at pabalik na ako,” muling sagot ng lalaki sa kabilang linya.
Alas kwatro ang kanyang huling interbyu subalit halos dalawampung minuto na lamang ay mahuhuli na siya. Napapatingin na lamang siya sa kanyang orasan habang nag-iintay sa pagbabalik ng matandang lalaki.
Makalipas ang sampung minuto, dumating din ang matanda. Suot-suot pa rin nito ang ngiti sa mga labi.
“Sir, eto po ang wallet ninyo. Check niyo na lamang po para makasigurong walang kulang,” pag-aabot ni James ng pitaka.
“Hindi na hijo. Sapat na sa akin ang katapatang ipinamalas mo para magtiwala na wala kang ginalaw o binawas dito,” tugon naman ng matandang lalaki.
“Salamat po kung ganoon. Mauna na po ako dahil may interview pa po kasi ako,” pagpapaalam ng binata.
“Sandali, tanggapin mo itong munting pabuya ko sa iyo,” kumuha ng limang libo ang matanda at saka inabot sa binata.
“Nako, bukal po sa loob ko ang pagbalik ng wallet ninyo. Wala po akong hinihinging kapalit. Yun po kasi ang natutunan ko sa aking mga magulang,” magalang na pagtanggi naman ni James sa alok na pabuya.
“Kung ganoon, baka may iba pa akong maitutulong sa iyo?” muling tanong ng matanda, “sandali, kunin mo itong calling card ko, tawagan mo ako pag kailangan mo ng kahit anong tulong, bilang gantimpala sa kabutihang loob mo,” sabay abot ng isang piraso ng papel sa binata.
“Salamat po ng madami, sir. Mauna na po ako. Sa may San Miguel pa po kasi yung pupuntahan ko, medyo mahaba-habang lakarin din po simula dito,” pagpapaalam ng binata.
“San Miguel ba kamo? Halika at sumabay ka na sa akin. Doon din ang daan ko hijo,” pag-anyaya ng matanda.
Hindi naman na tinanggihan pa ni James ang alok ng matanda. Mas makakatipid siya sa oras kung sasabay na siya.
Nang makasakay sa kotse ng matanda ay labis ang pagkamangha ng binata. Mamahalin at sosyal na sosyal ang looban ng kotse. May sariling drayber din ang matanda, pagpapatunay na napakayaman nito.
Nang makarating na sa may San Miguel, nagpababa lamang si James sa isang kanto malapit sa kompanya na inaaplayan.
“Maraming salamat po sa pagsabay ninyo sa akin. Mag-ingat po kayo sa inyong byahe,” pagpapaalam ng binata.
“Ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo. Teka, ano nga ulit ang iyong pangalan?”
“James po. James Victorino,” nakangiting tugon naman ni James.
“Maraming salamat muli sa iyo, James. Dahil sa katapatan at kabaitan na ipinamalas mo, gagantimpalaan ka ng langit ng sobra. Malayo pa ang mararating mo, James. Paalam at salamat muli,” kumaway lamang ang matanda at saka isinarado ang bintana.
Mabilis namang naglakad si James patungo sa opisina. Limang minuto na lamang at magsisimula na ang kanyang interbyu.
“Welcome po Sir James. Punta na lamang kayo sa room 407 para sa final interview,” nakangiting bati sa kanya ng isang babae.
“Salamat miss.”
“Tsaka pala sir, si Mr. Torres po ang mag-iinterview sa inyo. Siya po ang presidente ng kompanyang ito. Kaya galingan ninyo po!” paalala sa kanya ng babae.
“Maraming salamat ulit,” magalang na tugon sa kanya ng binata.
Naglakad na si James at kumatok sa pinto ng room 407. Nagpagpag muna siya ng polo at saka marahang pumasok.
Napansin niya kaagad nakatalikod na lalaki habang nakaupo sa isang silya. Nakaramdam siya ng matinding kaba dahil huling pagkakataon na niya ito upang makuha ang trabaho.
“Mr. James Victorino. I have 30 applicants para sa position na gusto mo, pero based dito sa resumé mo, wala ka pang kahit anong job experience. Tingin mo ba tatanggapin kita?
Yung mga kasabayan mo experienced na sa ganitong trabaho, mas malaki ang lawak ng kaalaman nila kumpara sa’yo. Karamihan ay nakapagtapos pa sa sikat na unibersidad. Sa tingin mo kailangan ka ng kompanya ko?” nakakatakot na tanong ng nakatalikod na lalaki.
“S-sir…” nauutal na sagot ni James. “H-hindi po. Pero masinop naman po ako at nais ko rin pong matuto pa. Tapat at masipag naman din po ako sa trabaho kaya hindi po kayo magsisisi sa akin,” dagdag pa ng binata.
“Alam ko. Congratulations, you’re hired!”
“Po?!” di makapaniwalang tanong ni James.
Laking gulat niya ng biglang humarap ang sa kanya ang lalaking nag-iinterbyu.
“I am Mr. Torres, president of this company. Welcome, Mr. James Victorino,” pagbati ng matanda sa kanya.
Hindi siya makapaniwala na ang matandang tinulungan niyang maibalik ang pitaka ay siya rin palang presidente ng kompanyang inaaplayan niya.
“K-kayo po y-yung kanina?” utal-utal na sagot ng binata.
“Alam mo hijo, negosyante ako. Malalaking pera ang hinahawakan at pinapaikot ko. Kaya sa kompanyang ito, hindi mahalaga sa akin ang mga graduate sa mamahaling unibersidad at may matagal nang karanasan sa trabaho, ang kailangan ko sa kompanya ko ay yung tapat at mapagkakatiwalaan.
Ang pagbalik mo ng pitaka ko ay patunay lamang na karapat-dapat ka dito. Magsikap ka lamang at ipagpatuloy mo ang iyong katapatan, mas malayo pa ang iyong mararating,” nakangiting pahaya ni Mr. Torres.
Napaluha naman si James sa mga narinig. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari. Para bang panaginip lamang ang lahat.
“S-salamat po. Sobrang importante po sa akin ng trabahong ito, kaya taos puso po ang pasasalamat ko sa inyo, sir,” lumuluhang saad ng binata.
“Ako ang dapat magpasalamat sa’yo. Dahil alam kong may tapat akong empleyado sa kompanya ko, James. Napakalaking bagay mo sa akin,” tugon naman ng matanda.
Nagsimula si James sa mababang posisyon, subalit pagkalipas ng ilang buwan ay tumaas ito sa pagiging isang supervisor. Hindi lamang doon tumigil ang kanyang pag-angat, dahil makalipas lang ang anim na buwan, isa na siyang manager.
Hindi huminto si James na matuto. Nagsikap siya at nagsipag ng sobra kaya makalipas ang ilang taon, isa na siyang ganap na Vice President ng kompanya.
“Congratulations James! Ang layo na ng narating mo ha? Di ba sabi ko sayo noon, ang taong tapat ay mayroong gantimpalang matatanggap mula sa itaas?” nakangiting pagbati ni Mr. Torres. “Keep up the good work, James. Mas malayo pa ang mararating mo. I trust you!” dagdag pa ng matanda.
“Salamat po, sir. Huwag po kayong mag-alala, paghuhusayan ko pa po.”
Sa pagbabalik-tanaw sa ginawa ni James ilang taon lamang ang nakalilipas, sapat na ang halagang nasa pitaka upang magamit pangtustos sa pampinansyal na pangangailangan ng kanyang pamilya, subalit katapatan at katuwiran ang kanyang pinairal, at hindi naman siya nagkamali sa ginawa, dahil ngayon ay nakaahon na mula sa hirap ang kanyang pamilya. Napagamot na rin ang may kapatid na may karamdaman at higit sa lahat, napakaganda na ng kanyang posisyon sa kompanyang pinagtratrabahuhan.
Mga kaibigan, sa maliit o malaki mang bagay, nawa’y ugaliin natin na maging tapat tayo. Hindi man sa lupa matatagpuan ang gantimpala, pero asahan natin may isang gintong impok na tayo sa langit sa tuwing tayo ay magpapamalas ng katapatan.