Inday TrendingInday Trending
Tumibok ang Puso ng Isang Play Girl

Tumibok ang Puso ng Isang Play Girl

Maraming nagkakagusto at nahuhumaling kay Gette dahil sa angking kagandahan na taglay niya. Dahil sa kabataan pa, nakahiligan ng dalaga ang hindi magseryoso sa mga bagay-bagay lalo na sa relasyon. Naging libangan na rin niya ang pagkolekta at pang-iiwan ng mga lalaking nagkakagusto sa kanya.

Nagagawa niyang pagsabay-sabayin ang mga kalalakihang nahuhumaling sa kanya. Kung minsan ay hindi maiiwasan na may makahalata na para bang pinaglalaruan na sila ng dalaga, pero agad naman itong nalulusutan ni Gette.

Madali kay Gette na mapaikot ang mga lalaki sa kanyang palad, para bang hindi nahihirapan ang dalaga kahit lagpas na sa kanyang daliri ang magiging nobyo niya.

Pag naman pinipilit ng kanyang mga nobyo na may iba ang siya, agad niyang uunahan ito ng galit at hahamunin ng hiwalayan. Nagmamadali namang tatanggi ang lalaki dahil para sa kanilang mga mata, kayamanan si Gette na pwedeng ipagyabang sa lahat.

Madami na siyang pinaluhang mga lalake. May pagkakataon pa nga na may lumuluhod pa sa kanyang harapan para lamang huwag niya itong hiwalayan.

“Ang ganda-ganda ko!” wika ng dalaga habang nakatingin sa salaming hawak. “Lahat ng mga lalaki ay kayang-kaya kong paikutin sa aking mga kamay sa isang kumpas lamang,” natatawang saad pa niya.

Tuwang-tuwa siya sa pagiging ‘play girl.’ Wala na siyang pakialam kung may masasaktan siya, basta ang mahalaga, masaya siya. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla palang magbabago ang mundo niya sa isang iglap.

Nakilala niya ang gwapong binata na nagngangalang Jeff. Nakilala niya ang lalaki nang minsang magkabungguan sila sa isang mall. Dahil sa pag mamadali ng binata, nabunggo niya ang dalaga dahilan para mapaupo ito sa sahig.

“Aray naman! Ano ba?!” sigaw ng magandang dalaga.

“Sorry miss, nag mamadali lang ak-.” hindi na natapos ang sasabihin ng binata dahil natulala siya sa kagandahan ng dalaga.

Napansin ni Gette na natulala sa kanya ang lalaki kaya napangiti siya at napabulong ng “pagkakataon na ito!”

“It’s okay, hindi naman ako nasugatan. Medyo sumakit lang yung paa ko, gawa ng heels ko. Sige, mauna na ako,” malambing na sabi ng babae habang binibigyan na nakakaakit na tingin ang binata.

Alam na alam ni Gette ang paraan upang makuha ang puso ng mga lalaki. Tumalikod ang babae at saka dahan-dahang naglakad. Makatapos ang ilang hakbang ay umarte itong nawalan ng balanse kunwari at muling napaupo.

“Aray ko!” pag-iinarte ni Gette.

Tumakbo naman agad ang lalaki papunta sa nakaupong dalaga. “Miss, mukhang napasama yung pagbagsak mo kanina. Kung ayos lamang sa’yo pumunta muna tayo sa clinic para masuri kung ayos ka lamang,” pag-alok ng binata.

“Sa coffee shop na lang siguro para makapagpahinga ako. Okay lang ba?” tanong naman ng babae habang binibigyan ng mga nagpapaawang titig ang lalaki.

“Sure. Aalalayan muna kita,” kinuha ng lalaki ang kamay ni Gette at tinulungang tumayo.

Nang makatayo ay biglang sinadya ni Gette na matumbang muli sa binata, kaya napayakap siya dito. Parte pa rin ito ng plano ng dalaga. Sa dami ng lalaking dumaan sa kanya, maliit na bagay na lang ito sa kanya dahil sanay na sanay na siya.

Nang makarating sila sa isang coffee shop ay agad na bumili ng makakain at maiinom ang binata.

“Kuya sigurado ka ba? Baka may magalit sa akin ha. Ayoko ng gulo ha?” pag-uusisa ni Gette.

“Nako, wala. Binata at single na single,” natatawang sagot naman ni Jeff habang inilalapag ang mga inumin at pagkain na binili.

Napangiti lamang ang dalaga dahil mayroon na naman siyang bagong mapaglalaruan.

“May pupuntahan ka ba pagkatapos nito?” tanong ng babae.

“Wala naman…” humigop ng kape ang binata at saka muling nagsalita, “actually, meron pala. Doon nga dapat ako pupunta. Gusto mo ba sumama?”

“Ay nako. Wag mong sabihing motmot yan ha? Masyado ka namang mabilis!” natatawang biro ni Gette.

“Motmot?” naguguluhang tanong ni Jeff.

“Hindi mo alam ang motmot?”

“Sorry, hindi eh,” nahihiyang tugon naman ng lalaki.

“Oh my God!” natawa lamang ang dalaga at napakapit sa noo.

Nagkwentuhan ang dalawa at nagpalitan ng kung anu-anong impormasyon tungkol sa kanilang mga sarili. Para bang matagal na nilang kilala ang isa’t isa sa sobrang dami ng kanilang pinagkwentuhan.

Matapos ang mahabang usapan, umalis ang dalawa upang magtungo sa lugar na tinutukoy ni Jeff. Walang pag-aalinlangan namang sumama ang dalaga.

“Dito? Dito ka pupunta?” mataas na tinig na tanong ng dalaga na tila ba hindi makapaniwala.

“Oo. Bakit parang gulat na gulat ka?” natatawang tanong naman ng binata.

“Eh bakit? Bakit simbahan? Magbabawas ka ba ng kasalanan?” muling tanong ni Gette.

“Dito kasi ako nakakasumpong ng katahimikan. Lahat payapa. Bawat puso may mga naisin na hindi kayang usalin ng mga labi.

Napakagulo na ng kamunduhan. Kaya isa o dalawang araw bawat linggo ay dito ako nagtutungo,” nakangiting pahayag ni Jeff.

Napatingin lamang ang dalaga sa kanya at napangiti ng kaunti. Ibang-iba ang lalaking ito sa lahat ng nakatagpo niya noon. Si Jeff ang unang lalaki na nagdala sa kanya sa simbahan.

“Akin na yung kamay mo!” mahinang bulong ng lalaki. “Sabayan mo akong magdasal, dali!” pag-aaya niya sa dalaga.

Magkahawak kamay habang nakapikit silang nagdasal. May kung anung nararamdaman naman si Gette sa kanyang sarili, pakiramdam na ngayon lamang niya nadama. Para bang may kumikiliti sa sikmura niya kasabay ng kuryenteng dumadaloy sa kanyang buong katawan.

Matapos magpunta sa simbahan, nagpresinta ang lalaki na ihatid si Gette pauwi sa kanila. Magalang na tinanggihan ng dalaga, subalit nagpumilit pa rin ito, upang makasiguro daw na ligtas na makakauwi ang magandang binibini.

Hatinggabi na subalit ayaw pa ring dalawin ng antok si Gette. Hindi matanggal sa isipan niya ang mukha ng gwapong binata, ang pagiging maginoo at mabait nito. Hindi niya mapigilan mapangiti sa tuwing inaalala ang pagtatagpo ng kanilang kamay nang sabay silang magdasal. Ibang-ibang talaga si Jeff sa lahat ng lalaking nakilala niya.

“Hindi, Gette! Hindi ka maaaring mahulog sa lalaking iyon. Hindi mo hahayaang masaktan ang sarili mo dahil lang umibig ka! Hindi pwede ito!” matinis subalit mahinang sigaw ng dalaga habang mahinang sinasampal-sampal ang sarili.

Nasundan pa ang kanilang paglabas-labas. Kumain sa masasarap na restawran, gumala sa mall, tumambay sa parke at humanap ng katahimikan sa loob ng simbahan. Naging gawi nila ito hanggang sa naging paborito nilang tagpuan ang payapang simbahan.

“Gette, alam ko naman na matagal na tayong lumalabas, at hindi na rin lingid sa iyong kaalaman na umiibig ako sa’yo. Mapagbibigyan mo ba ang pag-ibig ko? Maaari ba kita maging kasintahan?” seryoso tanong ni Jeff sa dalaga habang nakatayo sa harapan ng bahay nito.

Napalunok naman si Gette at tila ba nahila papasok ang kanyang dila. Parang sasabog ang kanyang dibdib sa naghahalong saya at kaba na nadarama. Pero may isang bagay pa rin na pumipigil sa kanya. Kaya na ba niyang magtiwala at magmahal ng totoo?

“H-hindi. Ayoko. Umalis ka na! Ginawa lamang kitang pampalipas oras kasi bored ako. Pero ngayong in love ka na, ayoko na sayo!” matigas na tugon ng dalaga.

“Pero Gette, hindi mo man lang ba ako hahayaan na ligawan ka? Na patunayan ang sarili ko sa’yo?”

“Hindi mo ako lubusang kilala. Ilang lalaki na ang dumaan sa buhay ko. Kaya mo pa ba akong tanggapin ha? Kaya mo bang tanggapin lahat ng nakaraan ko?” naluluhang tanong ng dalaga.

Hindi naman makapagsalita ang binata. Tila ba hindi pa rin niya lubusang maintindihan ang sinasabi ng dalaga.

“Di ba? Hindi mo matatanggap. Kasi kahit ako hindi ko na matanggap ang sarili ko sa mga ginagawa ko. Isa akong play girl at wala nang makapagpapabago nun. Tapos na ang papel mo sa buhay ko. Umalis ka na! Hindi na kita kailangan,” muling pagmamatigas ng babae.

Nang hindi pa rin sumagot si Jeff ay tuluyan nang tumalikod si Gette upang pumasok sa loob, subalit ang mga sumunod na salita ng binata ay nagpatigil sa kanya, pati na ng kanyang mundo.

“Wala akong pakialam Gette. Wala akong pakialam kung una o pang isang libong lalaki pa ako sa buhay mo. Ang nais ko lamang ay maging huli. Totoo ang nararamdaman ko para sa’yo at handa akong patunayan ‘yon kahit na ano pa ang mangyari,” lumuluhang saad ng binata.

“P-pero…” di naman makapagsalita ang dalaga.

“Tatanggapin kita ng buong-buo. Kahit na ano pa ang nakaraan mo. Ang mahalaga sa akin ay yung ngayon. Ikaw ang mahalaga sa’kin, Gette. Mahal kita!” pagtatapat pa ng lalaki.

Napatakip naman ng bibig si Gette at tuluyan nang humagulgol. Alam niyang umiibig din siya sa binata. Iyon ang malakas na isinisigaw ng kanyang puso, pero pinapangunahan pa rin siya ng matinding takot.

“Umalis ka na!” muling sabi ng dalaga at saka tumalikod at pumasok sa loob ng kanilang bahay.

Buong gabi siyang umiyak at nag-isip kung tama ba ang ginawa niya. Labis siyang nasasaktan sa piniling desisyon, pero paano nga ba kung takot na ang mismong pumipigil sa kanya na umibig?

Halos dalawang linggo niyang hindi kinausap si Jeff kahit na tawag ito ng tawag at madalas na dumadalaw sa kanilang bahay.

Nagtungo si Gette sa simbahan kung saan parati silang nagpupunta ni Jeff. Doon ay binuhos niya lahat ng sakit at luha na naipon sa kanyang dibdib. Nasa kalagitnaan na siya ng sobrang pagluha nang mapagtanto niya na wala pala silang panyo.

Ilang saglit pa ay may mga kamay na dumampi sa kanyang mukha at nagpunas ng mga luha niya.

“Huwag ka nang umiyak. Wag kang iiyak kapag wala ako sa tabi mo, wala kasing magpupunas ng mga luha mo. Pero wag kang mag-alala, maganda ka pa rin,” biro ni Jeff habang pinupunasan ang basa sa luhang mukha ni Gette.

“J-Jeff…” salitang tanging nabanggit na lamang ng dalaga.

Tumayo si Gette at saka yumakap sa binata. “Patawad kung pinagtulakan kita palayo. Patawad kung nasaktan kita, pero ang totoo niyan, mahal din kita,” pagtatapat ng babae.

Lumabas ang dalawa ng simbahan at doon sa isang sulok nag-usap. Hindi naman sinasadyang nagtama ang kanilang mga mata. At ang bawat titig ay para bang nag-aanyaya na magdikit ang kanilang mga labi.

Pumikit na si Gette, senyales na maaari siyang halikan ng binata subalit ang maiinit na labi ng binata ay dumampi sa noo niya.

“Hahalikan ko lamang ang mga labi mo sa panahong ihaharap na kita sa altar ng simbahang ito,” matamis na wika ni Jeff.

Napangiti lamang si Gette sa ligayang nadarama. Mayroon pa pala talagang lalaki na katulad ni Jeff. Handang maghintay ng tamang oras at higit sa lahat, marunong rumespeto sa mga babae.

Nang araw na iyon ang naging simula ng pagbabago ni Gette. Niligawan siya ng binata sa kanilang tahanan at pormal na nagpakilala sa kanyang mga magulang.

At tulad ng ipinangako ni Jeff, sa loob ng simbahan, sa harapan ng Diyos at ng mga tao, sa tapat ng altar matapos ang sumpaang magmamahalan panghabangbuhay, doon niya hinalikan sa labi ang babaeng papakisamahan niya magpakailanman.

Ngayon ay nagsasama na ang dalawa ng matiwasay kasama ang una nilang anak. Sino nga naman mag-aakala na ang dating play girl ay titibok din pala ang puso at matututunan na magmahal ng tunay.

Pakitandaan lamang natin sa buhay nating ito, may taong darating na babago sa atin. Ang mga maling gawi at pananaw ay maitatama din. Darating din ang taong magpapatotoo sa atin na mayroon pala talagang “forever.”

Advertisement