Ngayon na dalawampu’t dalawang taon na si Ryan at kumulang dalawang dekada na noong nangyari ang trahedya na sumira sa kanyang pamilya. Matapos ng trahedya noon ay napunta si Ryan si bahay-ampunan. “Ryan” na lang ang binansag sa kanya marahil walang datos ang gobyerno sa kanya. Sanggol na pinanganak lamang sa estero si Ryan noon at hindi naasikaso ang kanyang birth certificate.
Kasalukuyan, nagtatrabaho bilang waiter sa isang bar si Ryan. Lumaki siyang matipuno at marangal. Bilang pasasalamat narin niya sa umampon sa kanya ay nagtrabaho na lang siya sa pag-aari nilang bar.
“Ryan, ito na ‘yung sahod mo ngayong buwan,” abot ni Victor, ang kanyang ama-amahan.
“Ay tay kahit sa inyo po muna. Mas kailangan niyo po iyan para sa mga gamot niyo po.”
“Anong gamot ang pinagsasabi mo? Malakas pa tay Victor mo no!”, habang sabay umubo nang malakas si Victor at napahiya sa harap ng kanyang anak.
“Hay nako tay, kung hindi niyo po iinumin ang maintenance niyo po, ay mas lalo lang lalala ang diabetes at emphysema niyo,” mahigpit na paalala ni Ryan sa ama.
“Gusto niyo po bang bumalik ulit sa ospital dahil sa karamdaman niyo po?
“Ay huwag na. Ito iinumin ko na! Kita mo ‘yan? May kasama pang panulak,” sagot ng naiinis na ama.
“Tay, tubig po ang panulak, hindi beer.”
“Ay susmaryosep, anong kakainin at iinumin ko? T*e? Lahat bawal na eh!”
“May mga prutas at gulay pa tay, at kung makulit pa po kayo, aba magagalit ako.”
Hindi na nakasabat si Victor sa kanyang anak at nanahimik na lang sa loob ng kusina. Kinailangan na ulit maghanda ng bagong pampulutan sa mga manginginom. Habang nagbabantay si Ryan ay nakita niya ang isang babae na napakaganda. Mag-isa lamang ang babae at sinubukang kunin ni Ryan ang order nito.
“Miss ano po sa inyo?”
“Isang bote ng alak. Dagdagan mo na rin ng mani at chicharon kuya.”
“Sige po, at matanong ko lang, bakit kayo lang po mag-isa?”
“Bakit? Gusto mo ba ako samahan?” biglang ngiti ng babae kay Ryan.
Bighani ang abot ng munting imahe nung babae kay Ryan. Kaya matapos mabigay ni Ryan ang order nito, nagkuwntuhan sila habang hindi pa marami ang tao.
“Oh doon ka pala dati nakatira sa Tondo? At ngayon, sa Taguig ka na tumitira? Ang layo ng naabot mo ma’am ah!” hindi lang sa ganda kung hindi sa tagumpay ng babae nabighani si Ryan.
“Lora. It’s Lora, and you are?” tanong ni Lora kay Ryan.
“Ryan, Ryan lang din,” na parang natutuwa ang binatilyo.
“Great! I had a wonderful time here, Ryan. Baka sa susunod na Biyernes, I might come back here.”
Laking tuwa ni Ryan na nalaman niya ang pangalan ni Lora. Ngayon lamang niya kasi nakita si Lora sa kanilang bar. Ngunit hindi ganun katuwa ang amang si Victor. Imbis na magtrabaho si Ryan ay lumiligoy isip nito at napupunta doon sa babae, sa isip ni Victor. Pinatunayan ni Ryan na kaya niyang paghusayan ang trabaho kahit na madalas nang bibisita si Lora.
Lumipas ang mga linggo, at unti-unti nagkakapalagayan na ng loob si Ryan at si Lora. Chief Executive Officer si Lora sa isang clothing line sa Taguig City at marami na ring investment ang napagkasunduan ni Lora sa iba’t ibang kumpanya. Ang taglay na impluwensiya at kapangyarihan ni Lora ay malawak sa buong lungsod. Kaya napatanong na lang din si Ryan kung anong rason kaya napapamahal sa kanya si Lora.
“Simple lang ang sagot, ikaw,” tugon ni Lora.
“Ako? Paanong ako?” nalilitong tanong ni Ryan.
“Oo, ikaw. Sa mga nanligaw sa akin dati, lahat sila ay maituturing na mga ‘elite’ at may mga malalalim na kapit, masyado silang nakadiin sa yaman, sa kapangyarihan, at sa akin dahil lang na maganda ako.”
“Ayaw kong makasama ang isang lalaki na mamahalin ako dahil maraming kondisyon,” medyo naiinis na sagot ni Lora.
“Sa totoo lang, nabighani rin ako sa angkin mong ganda, Lora. Pero, noong nagkakilala na tayo lalo, mas lumalim pa ang damdamin ko sa’yo. Hindi man pansin sa panlabas ang iyong kabutihan sa mga taong tulad namin na nasa laylayan ng kahirapan, okay lang. Napansin ko at ngayon, mahal kita dahil diyan,” mariin na pananalita ni Ryan.
“Sigurado ka hindi mo ako mahal dahil sa yaman at kapangyarihan ko?”
“Masaya ang buhay mo dahil maginhawa. Nakakatukso, oo, pero mas masaya ang buhay ko basta kasama ko mga taong pinapahalagahan ko at kung saan mahalaga ako.”
Tuluyang natuwa si Lora kay Ryan. Minsan lang ang taong alam kung sino at ano ang mahalaga, mas minsan lang din ang taong hindi lang panlabas ang kaakit-akit, kung hindi ang asal na rin. Kaya napagpasyahan na ni Lora, na si Ryan lang ang karapat-dapat niyang maging nobyo at gagawin niya ang lahat ng makakaya niya upang matulungan si Ryan sa estado niya.
Matapos ang isang linggo, ay may munting sorpresa si Lora para kay Ryan. Tinawagan niya ang nobyo at sinabing magkita sila sa lugar na sasabihin niya.
“Oh Lora, anong nangyari? Bakit ka biglang napatawag?” tanong ni Ryan kay Lora.
“Hmm, namimiss lang naman kita. Bakit, busy ka ba?” anito habang tinutukso si Ryan.
“Ah hehe medyo, hindi kasi pumasok ngayon si tay Victor ko, sabi may aasikasuhin daw na papeles kaya ako ang tumatayong head ng bar ngayong araw.”
“Ohh ganun ba? Sige hindi ko na papatagalin, ito, para sa’yo.”
“Susi? Para saan Lora?”
“Hulaan mo.”, habang nakangiti si Lora.
“Nako Lora, hindi ako marunong magmaneho ng kotse!”
“Ay hindi susi ng kotse iyan Ryan!” napalakas ang tawa ni Lora.
“Tara, sundan mo ako, may pupuntahan tayo Ryan.”
Dumaan sila sa ilang kalsada at eskinita, at pagliko nila sa huling kanto, ay nakita na ni Ryan ang sorpresa ni Lora.
“Surprise Ryan! Happy Birthday, anak!”, pasigaw ni tay Victor sa kanya.
“Tatay! Bakit po kayo nandito? Anong meron?”, nalilito na si Ryan dahil karamihan ng mga kasama niya sa trabaho ay naroon.
“Ryan, itong bagong bukas na bar na ito, sa iyo na iyan. May kasama na iyang kapital at sigurado akong sapat na kasangkapan sa loob. Ang titulo ay pinangalan ko na rin sa iyo. Happy Birthday, babe!”, masayang wika ni Lora para sa kanyang nobyo.
“Itong lahat…para sa akin?”, napapaluha na si Ryan sa mga nangyayari.
“Oo, lahat ito sa’yo, Ryan. Kaya ano pang hinihintay natin? Tara, iinom natin ito, Manager Ryan Dimaunahan!”
Dumiretso na rin sa loob ang tatay Victor niya marahil gusto nang makatikim ng alak na galing sa bagong bar ng anak niya. Sobrang laki ng pasasalamat ni Ryan sa kanyang nobya. Hindi man niya nakilala kung sino ang pamilya niya talaga, pero nakabuo siya ng bagong pamilya na minamahal siya nang sobra-sobra.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!