Inday TrendingInday Trending
Tula ng Pagmamahal at Yaman

Tula ng Pagmamahal at Yaman

“Sa wakas ay makakauwi na ako sa aming probinsya!” ang masayang iniisip ng isang dalagang lumaki sa siyudad ng Quezon.

Puno si Emilia ng pananabik at ligaya marahil makakasama na niya ulit ang kanyang pamilya sa Pampanga. Higit sa lahat, muli ulit niyang makikita ang pinakamamahal niyang amang si Deogracia. Limang taon na rin ang nakakalipas noong nagtapos ng mataas na paaralan si Emilia at nag-aral sa malaking siyudad ng Quezon.

Kasama ang kanyang pinsan, si Anne, sabay silang sumakay ng bus. Habang nasa daan, maligayang nakikipagkwentuhan ang mga dalaga.

“Kumusta na kaya si Tito Dio? Ilang taon na rin kasi ang nakalipas noong umalis tayo mula sa bukid, Emil,” tanong ni Anne.

“Maganda raw ang kalagayan ni ama. Noong isang taon lang daw nakipagharutan pa siya sa mga alagang baboy eh!” sabik na tumugon si Emilia.

“Hala, bigla kong naalala mga alaga kong baboy, sina Tony at Tina! Gaano na kaya sila kataba?”

“Hindi ko lang alam, Anne, pero siguro pagbalik natin ay mas matimbang ka pa kaysa kila Tony at Tina! Wala kang inatupag sa Manila kung hindi ang kumain sa Mcdonalds,” sabay malakas na halakhak ni Emilia.

“Bully ka! nagdadayet yata ako no!”

“Hindi halata, Anne!”, at sa buong biyahe ay sila ang pinakamaingay sa mga pasahero.

Maraming dahilan kung bakit pinakamamahal ni Emilia ang kanyang ama. Mula noong maliit pa lang siya ay madalas nagpapatugtog ng gitara si Deogracia at panay sayaw at kanta naman si Emilia. Tuwang-tuwa naman ang kanyang ina na si Linda marahil masaya at mapayapa ang kanilang munting pamumuhay.

Madalas, habang papauwi na nang gabi si Deogracia mula trabaho ay nag-uuwi siya ng mga makukulay na salagubang at mga tutubi. Tuwang-tuwa na minamasdan ni Emilia ang mga ito. Sa umaga, nakikipaglaro naman si Emilia sa mga alaga nilang baka, baboy, manok, at kabayo kasama ang kanyang ama.

Ganun na lamang ang tuwang naranasan ni Emilia sa probinsya ngunit mapapalitan ito ng masidhing trahedya.

“Emil! Halika na, sumakay na tayo ng traysikel! Mahahamugan na tayo kapag naglakad pa tayo!”

“Sige Anne, ayusin ko lang mga bagahe at gamit ko.”

Habang pababa na sila ng sasakyan, nakasalubong nila ang ilan sa kanilang mga kapitbahay, pati na rin ang kabesa ng kanilang barangay.

“Manong Matales, bakit ang dami pong tao? Bakit po kayo nakapaligid sa bahay namin?” nag-aalalang tanong ni Emilia.

“Emil…buti nakabalik ka na. Pumasok ka sa bahay, mas mabuti pang malaman mo nang personal,” malungkot na sagot ng kabesa.

Nagtataka, dali-daling pumasok sa loob sina Emilia at Anne. Hindi mapinta sa kanilang mga mukha ang dalamhati na kanilang naramdaman pagpasok. Pumanaw na si Manong Deogracia.

Buong gabi ay nagkulong sa kwarto si Emilia, humahagulgol at nahihirapang huminga. Tagos sa kahoy na dingding ang kanyang pighati. Tinanong naman ni Anne kay Aling Linda kung bakit namatay si Manong Deogracia.

“Naaksidente siya sa pangangaso. May hinahabol siyang baboy ramo sa mga talahiban, ngunit hindi niya napansin ang mabatong bangin sa harap niya. Dumulas siya at unang tumama ang batok niya sa mga bato,” nanginginig na sagot ni Aling Linda.

“Huli na noong nalaman namin ang balita…ilang oras na raw kasing nawawala si Dio… at noong nakita namin na kumakahol ang mga aso sa bangin, doon na namin natagpuan…si Dio…” hindi na makapagsalita si Aling Linda at niyakap na lamang ni Anne ang nagluluksang asawa ng nasawi.

“Totoo ba ang nangyari, ma? Wala na raw si da Dio? Totoo ba?” unti-unting lumabas ng silid si Emilia na tila hindi naaaninag ang labi ng ama na nasa kabaong.

“Anak…”

“Totoo ba! Kanina lang…kanina lang may dala na akong paborito niyang chicharon at suka, at sana magsasalo tayo ngayong gabi…totoo ba?” tila parang mababaliw na wika ni Emilia.

“Emil…huminahon ka, parang-awa mo naman anak…” sinabi ng nagluluksang ina sa anak.

“Bakit ako hihinahon sa pangyayaring ito! Inaasam-asam ko nang bumalik po dito, tapos ito agad ang tatambad sa akin?” hindi na napigilan ni Emilia ang mga luha. Dali-dali namang niyakap ni Anne si Emilia para mabawasan ang lungkot na nadarama nito. Wala na ring nagawa si Aling Linda kung hindi ang yakapin ang magpinsan. Buong gabi, nasa silid lang sila kasama ang pumanaw na pinakamamahal na ama.

“Oh, Emil. Nahalungkat ko kanina sa lamesa ni Dio. Para sa iyo raw ito, ilang araw niyang pinag-isipan kung anong ilalagay dito, at kamakailan lang niya naisulat,” habang inabot ni Aling Linda ang isang sobre na naglalaman ng isang sulat. Sa hindi inaasahan ni Emilia, ang sulat ay naglalaman ng isang tula.

“May tuwa sa aking mga mata,

Ginto ang tulad niya,

Sa isang malayong lugar kumuha ng aralin,

Ilalim pa rin ng langit at bituin,

Ng ikaw ay muli kong makita,

Bahay natin, babalik ang sigla.”

“Da…” at muling napaluha si Emilia sa sinapit ng kanyang pinakamamahal na ama.

Lumipas ang gabi at hindi makatulog si Emilia. Naisip din niya kung bakit naisulat ng ama itong tula para lang sa kanya. Napupuno ng isip ang diwa ni Emilia mg mga oras na iyon.

“Hay, bakit ito ang ginawa mo da? Anong nakapaloob sa tulang ito? Bakit parang alam mong may masamang mangyayari sa iyo?” at habang inuulit-ulit ni Emilia ang tula, may napansin siya ditong kakaiba.

“Ano ito? May…Ginto…Sa…Ilalim…Ng…Bahay? Ha?” nagtataka si Emilia kung bakit ang bawat unang salita sa mga linya ay nakabuo ng isa pang pangungusap.

“Ha! Anong ginto? Ma, Ma!” dali-dali niyang ginising si Aling Linda.

“Ma! Ano ibig sabihin nito? May ginto sa ilalim ng bahay?”

“Ginto, aba teka lang. Huwag mong sabihin ito ‘yung hinuhukay ni Dio magdamag noong nakaraang buwan pa?”sabi ni Aling Linda.

Wala nang oras pang sinayang ang mag-ina. Dali-dali nilang dinala ang flashlight, lampara, kandila at mga kasangkapang panghukay. Hinukay nila ang mga bagong lagay na lupa sa ilalim ng bahay nila. Makalipas ang kalahating oras ng paghuhukay, nadiskubre nila tatlong malaking kahon. Masyadong mabigat para mabuhat nilang dalawa, kaya puwersahang binuksan nila ang mga kandado ng kahon. Pagkabukas nila, tumambad sa kanila ang yamang walang katulad. Ginto, pilak, perlas, alahas, singsing, at may isang kutsilyong gawa sa ginto, mga kayamanang hindi mo matatagpuan basta-basta.

“Ma…si da Dio ang may kagagawan nito?” nalilitong tanong ni Emilia sa nabibighaning ina.

“Oo anak, at ayun! may papel na nakasingit doon. Kunin mo!”

Dali-daling binuksan ni Emilia ang nakatuping papel, at dito ay may isang liham.

“Sa aking pinakamamahal na Linda at pinakamamahal na anak, Emilia, Paumanhin sa nakita ninyo ngayon. Huwag kayong mag-alala, hindi ko ito ninakaw. Habang nangangaso ako sa bundok diyan malapit sa bayan, may nadiskubre akong maliit na kweba sa ilalim ng isang malaking nara. Noong una, akala ko, pugad ng baboy ramo o may namamahay na usa kaya sinilip ko ang loob. Sa aking gulat, may tatlong kahon na nakatago sa loob. Kinalawang na ang mga kandado nito kaya madali kong nabuksan, at sa aasahan ninyo, oo, tunay na mga ginto at alahas ang nasa kahon. May mga sulat na parang intsik ang nakalagay, ngunit hindi ko maintindihan. Kaya, minbuti ko na lang na ilihim itong nadiskubre ko, mula sa mga kaibigan ko, mula sa inyo. Kada-linggo, isa-isa kong dinala ang mga kahon sa atin bahay. Sinigurado kong tulog ka na, Linda, marahil hindi pa oras upang malaman mo ang aking natagpuan. at bawat gabi, bago sumikat ang araw, maingat kong inilibing ang mga kahon sa ilalim ng bahay natin. Kaya Linda, at Emilia, kayo na ang bahala yaman na ito. Humihina na si da Dio mo Emilia noong nakaraang mga taon at sabi na rin ng doktor na may malubha akong sakit. Hindi ko alam kung kailan ako mawawala nang tuluyan, kaya noong nadiskubre ko itong yaman, ito na lang ang tanging maipapamana ko sa inyo, lalo na sa’yo Emilia. Matanda na ang iyong ina, kaya sa’yo ko na ito tuluyang ipapamana. Kapag nabasa mo ito, ibig sabihin ay lumipas na ang oras ko. Mahal na mahal ko kayo, Linda at Emilia.” – Deogracia Manansala.

Ganoon na lamang ang tuwang naramdaman ni Emilia at lungkot sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal ng kanyang ama. Dahil sa isang tula, nagawang mairaos ni Deogracia ang pamilya mula sa kahirapan, at maiparamdam kung gaano niya kamahal ang kanyang pamilya.

Lumipas ang mga taon, at may sariling kumpanya na si Emilia na kanyang nabuo mula sa yamang isinakripisyo ng kanyang ama. At simula rin noon, araw-araw ay gumagawa ng tula si Emilia para sa kanyang yumaong ama.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement