Sa isang tahimik na barrio sa Metro Manila ay nabulabog ang angkin nitong kapayapaan. May isang binatilyong nagmamarakulyo at paliguy-ligoy sa lansangan. Sa unang tingin ay aakalain mong baliw o may saltik ngunit isa lamang siyang inosenteng bata na hindi na kinaya ang mga suliranin niya.
“Ayaw ko na! Ayaw ko na! Saksi ka, Panginoon sa lahat ng mga pagdurusa ko! Napapaisip na lang ako kung bakit hinayaan mong mangyari itong lahat sa akin! Ayaw ko na! Ayaw, ko na…” isinigaw ni Jomar habang papatalon na sa ilong Pasig.
Hindi napansin ni Jomar na may biglang napadaan na construction worker, at pilit nitong pinigilan si Jomar sa pagtangka niyang pagtalon.
“Hoy, bata! Anong gagawin mo? Tigilan mo ‘yan!” sigaw ni Manuel, ang construction worker. Ngunit hindi pinakinggan ni Jomar si Manuel at tumalon na nga sa ilog.
Walang pagdadalawang-isip at sinugod ni Manuel si Jomar sa ilog. Mabuti na lamang ay nailigtas ni Manuel si Jomar bago sila malunod.
Habang pag-ahon sa dalampasigan, sinubukan ni Manuel na kausapin si Jomar ngunit bigo ito.
Dinala ni Manuel sa isang karinderya malapit sa kalsada si Jomar. Pinagtitinginan silang dalawa ng mga kumakain rito sapagkat basa ang kanilang mga damit at ang baho nila.
“Hay nako, hijo. Kumain ka na ba? Anong gusto mong kainin?” tanong ni Manuel ngunit walang tugon si Jomar.
“Ah ate, dalawang lugaw, may kasama nang sahog at tig-isang nilagang itlog,” sinabi ni Manuel doon sa tindera ng karinderya.
“Ah sir, pwede po ba doon kayo sa labas kumain? Kumakalat na kasi ‘yung amoy eh. Pasensya na po,” habang nakatakip ang ilong ng tindera.
“Ah sige po, lilipat na lang kami.”
Halatang nangingnig at tulala lang si Jomar. Binigay ni Manuel kay Jomar ang kanyang suot na jacket na pantrabaho para mabawasan ang panginginig nito.
“Ma-maraming salamat po…” mahinang tugon ni Jomar.
“Walang anuman! Anong pangalan mo, hijo?”
“Jomar, Jomar Regoloso po.”
“Ako ay si Manuel, Manuel Castro.”
“Hmm, Jomar. Matanong ko lang, bakit mo naman nagawang tumalon sa ilog? Baka malunod ka roon at isang araw, makita na lang namin na wala ka ng buhay na lumulutang sa tubig!”
“Sana nga po, ganoon na lamang ang nangyari.”
“Hoy, tigilan mo ako. Huwag ganyan. Ano bang bumabagabag sa’yo?”
“Wala.”
“Hmm wala nga ba? Talaga ba hijo?”
“Wala nga!” dito ay napatawa na lamang si Manuel kay Jomar
“Anong nakakatawa, Manong Manuel?” tanong ni Jomar.
“Manny na lang, Manong Manny, parang si Pacquiao! At natatawa ako dahil kung wala ngang bumbagabag sa iyo, ay hindi ka dapat maiinis!” sabay tawa pa rin ang construction worker.
Wala nang maitugon pa si Jomar kay Manuel at saktong nakarating na rin ang kanilang pagkain. Noong nakita ni Jomar ang lugaw, kumalam agad ang sikmura niya at hindi na kinaya ang gutom. Masaya naman si Manuel dahil bumalik ang gana ni Jomar.
Habang kumakain ay nagkwentuhan ang dalawa patungkol sa kanilang mga buhay. Nakuha rin ni Manuel ang tiwala ni Jomar at unti-unti, nagiging komportable nang kausap ni Jomar si Manuel. Dito na rin nasimulan ni Jomar ang mga sanhi ng kanyang ikinilos kanina.
“So, bakit mo naman nasabing mahina mama mo?” tanong ni Manuel kay Jomar.
“Napakahina niya. Araw-araw na lang ay nag-aaway ‘yung dalawa, ina at ama ko. Wala silang tigil. At sa bawat pagkakataong susubukang makipaghiwalay ni dad, iiyak at magmamaka-awa naman itong mama ko.”
“Natanong mo na kung bakit ganoon na lamang silang dalawa?” tanong ni Manuel.
“Walang kwenta kasi ama ko,” tugon ni Jomar.
“Bakit naman?”
“Kung saan-saan pumupunta nang walang paalam. At kung uuwi, lagpas hatinggabi na. Palagi ring galit sa akin at sa amin si dad nang walang rason.”
“At bakit naman hindi kinakaya ng mama mong makipaghiwalay sa ama mo?” tanong ni Manuel.
“Kasi mahal daw niya si dad.” sagot ni Jomar.
“Hmm, I see. Naiintindihan ko na,” habang tumutungo si Manuel at kausap si Jomar.
“Anong naintindihan? Napakawalang-kwenta nga eh! Lagi silang nag-aaway, hindi ba mas nakakaginhawa kung maghiwalay na lang sila at sumama ako sa mama ko?” pasigaw na tanong ni Jomar.
Sa puntong ito, pinagtitinginan na sila ng mga tao sa karinderya, ngunit hindi ito ininda ni Manuel.
“Oo, naiintindihan ko. Para rin naman sa iyo ang ginagawa ng mama mo. Mahal na mahal ka niya, Jomar.”
“Hindi ko maintindihan! Mas maginhawa kami kung wala na iyang walang kwentang hinayupak na amang ‘yan!” pinutol ni Jomar ang sinasabi ni Manuel.
“Maaari, maaaring ganun nga. Na mas maginhawa kung wala na siya. Pero. Mar, isa lang ama mo sa mundo. Sa isang punto ng buhay mo, tinulungan ka niya. Pinalaki ka niya. Kung wala talagang pakialam sa inyo ang ama mo, ay sanggol ka palang wala na ang ama mo. Lumayas na sana siya kung wala siyang pakialam,” sagot ni Manuel.
“Pero bakit ganoon? Bakit ganito na pagtrato niya sa amin?”
“Baka maaaring may nangyari dati at nahihirapan ang ama mo ngayon. At sa paglipas ng panahon, pag-inom at pag-alis ang nagiging kasagutan sa mga problema ng ama mo,” sagot ni Manuel.
“Ganun ba?” paiyak na tanong ni Jomar.
“Maaari, maaari ring hindi. Alam mo kung paano natin malalaman? Usap. Mag-usap kayo, tulad ng usapan natin ngayon.”
“Wala nang maisagot si Jomar kay Manuel.
“‘Di bale, ubusin na muna natin ang pagkain natin, baka lumamig na!” masayang sabi ni Manuel.
Lumipas ang mga minuto at nagkwentuhan ang dalawa sa tabi ng mga usok mula sa mga sasakyan. Hindi nila ito iniinda sapagkat masyadong masaya sila sa kanilang usapan.
Nang maubos na ang kanilang mga pagkain, tinanong ni Manuel kung saan nakatira si Jomar. Ihahatid na niya si Jomar pauwi.
“Ay, huwag na po, Manong Manny. Kaya ko na po kahit ako na lang mag-isa,” sagot ni Jomar kay Manuel.
“Sigurado ka? Ihatid na kita kahit hanggang sa kanto ninyo.”
Wala nang nagawa ang binata kung hindi ang tanggapin ang alok ng kanyang manong. Tahimik sila parehas habang papauwi, at nang nakarating na sila sa kanto, nagpasalamat nang marami si Jomar.
“Maraming salamat, Manong! Kung hindi dahil sa’yo, patay na ako ngayon. Susubukan ko pong intindihin ang aking mga magulang ngayon!” masayang sabi ni Jomar.
“Hindi, mali ka Jomar, may nasawi doon sa pinagtalunan mo,” sagot ni Manuel.
“Ay, sino po ‘yung nasawi?” laking gulat ni Jomar.
“Si Manuel, Manuel Castro.”
“Ha? Ikaw po?” litong tanong ni Jomar.
“Oo, dati kasi, naglayas ako sa pamilya ko noong binata pa lang ako, dahil na rin sa walang-sawang pag-aaway ng mga magulang ko. Hindi nila ako nahanap at paliguy-ligoy lang ako sa mga estero noon. Nawawala ako, hanggang sa may umampon sa akin. Hanggang ngayon hindi ko pa ulit nakikita mga magulang ko,” malungkot na sagot ni Manuel.
“Totoong nagpatiwakal si Manuel Castro, doon sa pwestong pinagtalunan mo kanina. Ngayon wala na siya, sapagkat, nandito na ako. Nabuhayan na ako ulit. Wala na akong pagsisisi. Hahanapin ko na ulit ang pamilya ko,” halata ang pangarap at pag-asa sa mga mata ngayon ni Manuel.
“Kaya, salamat, Mar. Sinubukan mong magpatiwakal doon sa saktong lugar na naroon ako. Tuluyan ngang nasawi na si Manuel Castro, at buhay na buhay ngayon ako, mas malakas, mas may pag-asa!” pasigaw na sabi ni Manuel.
Ngumiti naman si Jomar ky Manong Manny. At bago tuluyang umalis si Manuel ay may sinabi pa si Jomar.
“Manong Manny, hindi na ako tatalon doon. Ang baho ng amoy, eh!”
At tuluyang nagtawanan ang bagong magkaibigan habang papauwi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!