Inday TrendingInday Trending
Para, Para sa Tabi!

Para, Para sa Tabi!

“Pare, pasabay ha,” nakangiting wika ni Dreco sabay mabilis na sumakay sa harapan ng dyip ni Binong.

“O, pare. Wala ka bang biyahe?”

“Coding ako ngayon. Heto pupunta lang ako sa talyer ni Mang Obin. Kukunin ko iyong pina-vulcanize ko.”

Mag-aalas kuwatro na ngunit tirik pa rin ang araw sa kalangitan. Dahil dito ay kakaunti lamang ang mga taong nasa labas. Kakaunti rin ang pasahero ni Binong. Apat na tao lamang ang nakasakay sa kanyang dyip na labing-dalawahan.

“Kamusta naman si Misis? Okay lang ba kayo dun sa tinitirhan niyo?” tanong ni Binong.

“Ayos naman, pare. Salamat sa iyo at nakalipat kami dito. Salamat din at nakakuha ako ng prangkisa dito.” ani Dreco.

Ilang minutong kuwentuhan ang lumipas ng mapansin ni Dreco ang isang lalaking tumatalon-talon sa di kalayuan. Mahaba ang gulu-gulong buhok nito at marungis ang kasuotan. Ang mukha, mga braso, at mga binti at paa ay nangingitim sa dumi. Isang taong grasa.

Nang papalapit na sila ay biglang humarap ang taong grasa sa kanila. Itinaas nito ang kaliwang kamay, na tila pinapara ang dyip. Bigla namang bumagal ang sasakyan at huminto sa harapan ng taong grasa. Napatingin si Dreco sa kaibigan, ang mga noo’y nakakunot. Hindi naman umimik si Binong.

Sumakay ang taong grasa sa dyip. Umupo ito malapit sa estribo. Ang apat na pasahero naman ay mabilis ngunit tahimik na umusog palapit sa harapan, nagsiksikan sa likod ng dalawang lalaki. Pagkatapos ay umarangkada ng muli ang sasakyan.

Bahagyang pumihit si Alberto at sinilip ang mga pasahero sa likuran. Ang taong grasa ay nakatingin sa labas, tumatawa habang tinuturo ang kung anong bagay. Ang apat na pasahero naman ay pawang nakatakip ng mga ilong. Hindi maiwasan ni Dreco na magtaka kung bakit walang isa man lang sa mga pasahero ang nagreklamo sa drayber.

Mayamaya ay isa-isang nagbabaan ang mga pasahero hanggang isang malakas na boses ang kanilang narinig.

“Para, Para sa Tabi!”

Itinabi ni Binong ang sasakyan at patalong bumaba ang taong grasa. Sinundan naman ito ng tingin ni Dreco hanggang sa makita niyang pumasok ito sa isang maliit na kalye.

“Pambihira ka naman, pare. Bakit mo naman isinakay yung taong grasa?” tanong ni Dreco ng umandar na muli ang dyip. “Hindi mo ba nakita yung mga pasahero mo. Buti walang nagalit.”

“N-Naku, wala iyon,” sagot ni Binong sabay tawa.

“Anong wala?”

“H-Ha? Eh, taga-rito talaga iyon.”

“Talaga? E, bakit mo nga sinakay pa?” patuloy na pangungulit ng lalaki.

“Basta,” sagot naman ni Binong.

“Anong basta?” Napansin ni Dreco na parang hindi mapakali ang kanyang kaibigan.

“B-Basta. Kaugalian na dito na isakay ang taong grasang iyon.”

Biglang napaisip ni Dreco. “Teka, huwag mong sabihing galing sa mayamang pamilya ang taong iyon?”

“H-Ha?”

“Iyong taong-grasa? Galing ba sa mayamang pamilya kaya sinasakay niyo?”

“A-Ah, oo. Tama. Tama ka!” sagot ni Binong sabay muling tawa. “Mayaman nga ang pamilya nun. Pinapabayaan lang nilang mag-gala gala,” anito.

Parang hindi kumbinsido si Alberto ngunit naisip niyang hayaan na lamang.

“Basta pare,” biglang dugtong ni Binong, “kapag pinara ka nun, siguraduhin mong isasakay mo ha.”

“Ano? Bakit ko naman gagawin yun?”

“Basta!” nanlalaki ang mga matang sabi niBinong. “Ipangako mo, pare!”

“O-Oo na. Sige, sabi mo, e.”

Napabuntong-hininga si Binong at pagkatapos ay ngumiti. “O, Pare. Heto na pala yung talyer ni Mang Obin.

Bumaba si Dreco sa dyip, ang isipan ay naguguluhan pa rin.

Kinagabihan, habang ibinabiyahe ni Dreco ang kanyang dyip ay may pumukaw sa kanyang atensyon. Nang ibaling niya ang kanyang tingin, nakita niya ang isang maruming lalaki ang nasa tabi ng kalsada. Ikinakampay nito ang dalawang kamay, pinapara ang kanyang sasakyan.

Itinodo ni Dreco ang pagkakatapak sa silinyador ng kanyang dyip. Malakas na umugong ang kanyang makina, at bumulusok ang kanyang sasakyan na parang pangarera. Nakangising tiningnan niya ang taong grasa ng madaanan niya ito.

“Hindi kita isasakay, g*go! Babaho lang ang dyip ko sa iyong hin*yupak ka!” sigaw ng lalaki sabay tawa nang malakas. Napailing lang siya ng maalala niya ang sinabi ni Binong. Hindi niya maintindihan kung bakit hinahayaan lamang ng mga tao na pagala-gala ang taong grasang iyon. Dapat rito ay dalhin sa pagamutan ng mga baliw, o kaya’y ikulong. Baka makasakit lamang ito ng iba kapag patuloy na hinayaang naglalakad-lakad.

Iniangat ni Dreco ang kanyang kanang paa mula sa pagkakatapak sa silinyador, ngunit isang malamig na bagay ang kanyang naramdamang pumigil dito. Agad niya itong sinilip at laking gulat sa kanyang nakita.

Isang kamay ang nakahawak sa kanyang paa, kamay na nangingitim sa putik. Mahahaba at madudumi ang kuko nito, na nararamdaman niyang bumabaon sa kanyang balat. Sinubukan niyang iaangat ang paa ngunit mahigpit ang pagkakakapit ng kamay dito.

“Dios ko, ano ito?” hintakutan niyang sabi.

Mabilis na napatingin si Dreco sa kalsada. Lalo siyang kinilabutan nang makita ang palikong kalsada. Agad niyang tinapakan ang preno ng sasakyan ngunit wala siyang naramdamang pwersa.Wala siyang preno.

“Nalintikan na!” aniya.

Muli niyang sinilip ang kanyang paa. Sa pagkakataong iyon ay napasigaw siya sa kanyang nakita. Ang taong grasang nilagpasan niya kanina, ngayon ay nakangising nakasilip sa kanyang paanan. Dahan-dahan itong gumagapang paakayat sa kanyang mga binti. Hanggang nakaakyat ito sa kanyang beywang, paakyat sa kanyang balikat.

Tinitigan siya nito sa mga mata at sinabing “Sabi ko para,di ba?” anito.

Hindi na nakita pa ni Dreco ang pagsalpok ng minamaneho niyang dyip sa poste ng kuryente.

Kinaumagahan ay usap-usapan na ang nangyaring aksidente.

“Grabe. Wasak na wasak yung dyip,” wika ng isang kapitbahay.

“Oo nga. Siguradong walang mabubuhay diyan,” sabad pa ng isa.

Tahimik na pinagmasdan ni Binong ang nakataob na dyip ni Dreco. Dinala na sa ospital ang nakuhang katawan ng kaibigan ngunit halos hindi na niya ito namukhaan. Nakumpirma lamang nila na si Dreco nga ang labi dahil sa lisensiya nito. Ngunit ang lalong nakabahala kay Binong ay ng makita ang kanang paa ng lalaki. Nangingitim ito sa dumi. Para bang lumusong ito sa putikan. At bigla nitong naalala ang paaalala niya sa kaibigan.

“Sabi ko naman kasi sa iyo, isakay mo ‘siya’ kapag pinara ka. Pero hindi mo ginawa,” napapailing na bulong ni Binong sa sarili.

Dahil sa ipinakitang kasamaan ng ugali ni Dreco ay ginantihan siya ng taong grasa. Kung anong hiwaga ang bumabalot rito ay nananatiling lihim sa isip ng mga tao sa lugar na iyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement