Hindi Pinaniwalaan ng Ina at Pinagbintangan pang Nagsisinungaling ang Anak, Nanlumo Siya nang Malaman ang Katotohanan
“Basty, gising na anak! Male-late ka na,” sabi ng antok na antok na si Arlene habang ginigising ang kanyang anak, alas singko y medya ng madaling araw.
“Okay po, mama,” sagot ng labinlimang taong gulang na si Basty.
Akala ni Arlene ay tumayo na ito kaya natulog na siya ulit. Naihanda na niya kasi ang mainit na tubig na gagamitin ng anak sa paliligo, ang uniporme nito, ang almusal at baon pagkatapos ng kanyang trabaho ng alas kuwatro ng madaling araw.
Mula nang umalis para magtrabaho ang kanyang asawang si Benjie sa ibang bansa, nagresign si Arlene sa kanyang pinapasukang bangko at nagtrabaho na lamang online upang mabantayan ang kanyang anak. Ang yaya kasi nito ay biglang nabuntis at umuwi ng probinsiya isang buwan bago tumungo sa Singapore ang asawa. Nais sana ni Benjie na hindi na ituloy ang pag-alis ngunit nakapirma na ito sa kontrata.
Mula alas otso ng gabi hanggang alas kuwatro ng madaling araw ang oras ng kanyang trabaho. Pagkatapos nito ay inihahanda na ni Arlene ang mga kakailanganin ng anak para sa paaralan bago ito matulog. Gigising na lamang siya ng alas singko y medya para gisingin ang anak.
Naalimpungatan si Arlene ng alas siyete ng umaga at napansin niyang hindi pa tumatayo ang anak sa kama.
“Basty anak, alas siyete na. Bakit tulog ka pa? Ginising na kita kanina. Akala ko tumayo ka na?” malakas na sabi ni Arlene sabay upo sa kama.
“Masakit po kasi ang tiyan ko Mama. Hindi na lang po ako papasok,” sagot ng anak nito habang nakahawak sa tiyan.
Naisip ni Arlene na nagdadahilan na naman ang kanyang anak dahil tinatamad na naman itong pumasok. Napuyat kasi ito kagabi kakalaro sa kanyang bagong gadget na ipinadala ng kanyang ama. Nais niya sanang papasukin ang anak pero dahil antok na antok pa siya, hinayaan na lang niya itong lumiban sa klase at natulog na muli ang mag-ina.
“Bakit hindi na naman pumasok si Basty? Palagi na lang absent sa klase ang apo ko. Hindi ka nagising ng maaga?” tanong ni Aling Linda sa anak na si Arlene.
Tuwing hapon kasi ay nagpupunta ang kanyang ina sa kanilang bahay upang dalhin ang kakainin nila para sa hapunan sa gabi at tanghalian kinabukasan. Naglilinis at naglalaba rin ito. Hindi kasi marunong sa gawaing bahay itong si Arlene. Mula ng magpakasal sila ni Benjie, mayroon silang katulong sa bahay. At sa mga panahong wala silang kasambahay, si Benjie ang gumagawa ng mga ito.
Ito ang dahilan kaya ayaw na sanang ituloy ni Benjie ang pagtatrabaho sa abroad ngunit dahil wala silang perang pambayad sa penalty dahil nakapirma na ito sa kontrata, nakiusap na lamang si Benjie sa biyenan sa ganitong set-up. Dahil mahal na mahal ni Aling Linda ang anak at apo nito at gusto din niyang umasenso ang mga ito, agad-agad itong pumayag.
“Nagising po ako ng maaga. Masakit daw ang tiyan,” sagot ni Arlene sa kanyang ina habang inilalagay sa refrigerator ang mga pagkain.
“Patingnan mo na ‘yan sa doktor. Nadadalas ang pananakit ng tiyan,” puno ng pag-aalalang wika ng ina.
“Napatingnan ko na po si Basty dati sa doktor. Wala naman daw po,” sagot niya.
“Dati wala. E kung may sakit talaga ang anak mo? Madalas na sumakit ang tiyan niyan,” naiiritang sabi ng matanda.
“Ay naku ‘nay, umaarte lang ‘yan kasi tinatamad pumasok.”
“At hinahayaan mo naman kasi tinatamad ka ring gumising. Matanda ka na, Arlene. Kinse anyos na nga ang anak mo. Tigilan mo ‘yang katamaran mo. Kapag nalaman ni Benjie ‘yan… Naku!” pasigaw na sa sabi ni Aling Linda sa anak.
Dahil ayaw na ni Arlene na humaba ang usapan, ngumiti na lamang ito sa ina sabay kibit ng balikat.
Kahit hindi marunong sa gawaing bahay si Arlene, inaalagaan naman niyang mabuti si Basty. Napapakain niya ito sa oras, tinutulungan sa mga takdang-aralin, kinukumusta ang araw-araw na gawain ng anak at naipapasyal niya ito tuwing araw ng Sabado at Linggo. Nahihirapan lang talaga siyang gumising ng maaga tuwing pumapasok ito sa paaralan gawa ng oras ng kanyang trabaho. Nadalas lang ang pagliban nito sa klase noong ito ay naging pang-umaga.
Tinawagan si Arlene ng kanyang kasamahan sa trabaho isang oras bago magsimula ang kanyang shift upang makipagpalit ng day-off. May importanteng lakad daw ito sa Sabado. Pumayag naman si Arlene.
Dahil wala siyang trabaho ngayong gabi, maaga silang natulog na mag-ina. Bago ito matulog ay naisip niya ang sinabi sa kanya ng kanyang nanay kanina. Bigla siyang nag-alala para sa anak kaya nagdesisyon siyang dalhin sa doktor ang anak kinabukasan.
Pagkagaling ni Basty sa paaralan, dadalhin na sana siya ni Arlene sa doktor. Ngunit bigla itong tinamad. Naisip niyang mapupuyat na naman siya sa trabaho kaya matutulog na lang siya. Sa susunod na araw na lamang niya ito dadalhin sa doktor dahil wala namang nararamdamang sakit ang anak.
Nakalimutan na ni Arlene dalhin sa doktor ang anak hanggang isang araw…
“Hello. Maaari po bang makausap si Ginang Arlene San Antonio?” nanginginig sa takot ang boses ng tumawag sa telepono ni Arlene.
“Ito na nga. Sino po ito?” nag-aalalang sagot ni Arlene sa kabilang linya ng telepono.
Dinala si Basty ng guro nito sa ospital dahil sa sobrang sakit ng tiyan. Dali-daling nagpunta si Arlene sa ospital kung saan dinala ang kanyang anak.
Napag-alaman na si Basty ay may ulcer. Madalas pala itong hindi nakakain nang maayos at nagsusuka. Hindi ito napapansin ng ina sapagkat madalas ay tulog ito pag dumadating ang anak galing sa paaralan. Inihahanda nga ni Arlene ang pagkain ni Basty bago ito matulog ngunit hindi na niya napapansin na hindi ito kinakain ng anak. Madalas ay puro chichirya at softdrinks ang kinakain nito.
Hindi makapaniwala si Arlene sa sinapit ng anak at sinisi nito ang kanyang sarili.
“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo anak. Wala na tayong magagawa. Nandiyan na ‘yan. Pagtuunan mo na lang ng pansin ang pagpapagaling ni Basty,” payo ni Aling Linda.
Mula noon ay pinagtuunan na ni Arlene ang pag-aalaga sa kanyang anak. Nakiusap ito sa kanyang amo na palitan ang oras ng kanyang trabaho at ikinuwento dito ang sinapit ng anak. Agad naman itong pumayag.
Naiisip ni Arlene ang lahat ng mga kamaliang nagawa niya bilang ina. Pinilit niyang matutong gumawa ng gawaing bahay. Nagpaturo din siya sa kanyang ina kung paano magluto. At dahil nabago na ang oras ng kanyang trabaho, maaga na siyang nakakatulog kasabay ng anak at maaga na din siyang gumigising. Mas marami na siyang oras para alagaan at asikasuhin si Basty.
Sinunod ni Arlene ang lahat ng bilin ng doktor at regular na niyang dinadala sa klinika ang anak upang masubaybayan. Dahil dito, naging mabilis ang paggaling ni Basty. Gumanda ang pangangatawan nito at hindi na din siya lumiliban sa eskwelahan.
Pagkalipas ng ilang buwan ay umuwi ng Pilipinas si Benjie upang magbakasyon. Laking gulat nito sa pagbabagong nakita niya sa kanyang asawa. Nakita niyang naglalaba, namamalantsa, naglilinis ng bahay at maagang gumigising si Arlene. Nagulat din siya ng mapansin niyang hindi na nagpupunta si Aling Linda sa kanilang bahay upang maghatid ng pagkain sapagkat si Arlene na ang nagluluto ng kanilang pagkain.
Nakatanggap ng imbitasyon si Arlene mula sa paaralan ni Basty. Tuwang-tuwa sila sapagkat si Basty ay makakakuha ng medalyang ginto sa kanilang recognition day bilang first honor sa buong grade 8.
Hindi maialis ni Benjie ang ngiti sa kanyang mga labi kahit tapos na ang programa sa paaralan ng kanyang anak. Tuwang-tuwa siya sa pagbabagong naganap sa kanyang mag-ina kaya napagdesisyunan niyang dalhin ang kanyang mag-ina sa Cebu upang magbakasyon.
Nang masolo na ni Arlene ang kanyang asawa, ikinuwento nito ang nangyari sa kanyang anak. Ayaw niyang mag-alala si Benjie kaya ngayon na lamang niya nasabi ito sa kanyang asawa. Noong una ay nagalit ito. Ngunit nang makita niya ang malaking pagbabago sa asawa, pinatawad na niya ito at sinabing makakapagtrabaho na siya nang maayos at payapa sa ibang bansa sapagkat hindi na siya mag-aalala sa kanyang mag-ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!