Inday TrendingInday Trending
Babaeng Masyadong Pasikat Kaya Bumibili ng Mamahaling Gamit sa Online Shop, Nanlumo ng Malamang May Kakaiba sa Shop na Ito

Babaeng Masyadong Pasikat Kaya Bumibili ng Mamahaling Gamit sa Online Shop, Nanlumo ng Malamang May Kakaiba sa Shop na Ito

Hilig ni Maria ang mag-online shopping. Noong una ay nagustuhan niya ang mga damit na nakikita niyang binebenta sa Facebook. Kaya naman bili siya ng bili dito basta mamahalin.

Nang tumagal ay hindi lamang basta damit ang kanyang nabibili. Bumibili na rin siya ng mga sapatos, maging mga mamahaling bag at relos.

Ang totoo niyan, isang social climber si Maria. Kung ano ang makita niya sa kanyang mga kaibigan ay siya namang gaya niya.

Para kay Maria, kailangang mayroon siya palagi ng kung ano ang uso.

Hindi naman mahirap na mabili niya ang kanyang mga gusto dahil isang mayamang negosyante ang kanyang tatay.

“Pa, gusto ko ng MK na watch. Yung bago po, please…” pagmamakaawa niya sa kanyang tatay.

“Oh, eh di ba kakabili mo lang ng watch noong nakaraan, watch ulit ngayon?” pagtatakang tanong ng kanyang tatay.

“Eh kasi pa hindi siya terno doon sa iba kong damit,” paawa niya sa kanyang tatay.

“Oo na sige na bumili ka na. Ikaw pa ba, anak?” sagot naman ng kanyang mapagbigay na tatay.

Ngunit kahit binibigyan siya ng pera ng kanyang tatay na pambili ng kung anu-ano, palagi rin niyang pinapaalala sa kanyang anak na huwag mahumaling sa materyal na bagay dahil gamit lamang ang mga ito.

Pero kahit sobra-sobra na ang paalala ng kanyang tatay ay wala lang ito para sa dalaga. Mas importante pa rin sa kanya ang kanyang mga “outfit of the day” na ina-upload niya sa kanyang social media accounts. Mas importante pa nga ito sa kanya kaysa sa kanyang pagkain.

Lingid sa kaalaman ng lahat na wala namang sariling kakayahan ang dalagang makabili ng mga magagarang luho bagkus, hinihingi niya lamang ang mga iyon sa kaniyang ama.

“Pa, gusto ko ng bagong heels, please!” hiling na namang muli ng dalaga sa kanyang tatay.

“Anak naman, okay lang ba na wag muna ngayon? May kailangan kasi akong pagkagastusan na mga gamot,” hiling rin ng kanyang ama.

“Eh! Ano ba naman yan pa! Simpleng sapatos lang naman yan, ayaw mo pa ‘kong pagbigyan!” pabalang na sagot ng dalaga.

“Hindi kasi pwedeng hindi ako makapag-gamot, anak,” malungkot na sagot ng kanyang ama.

“Eh hindi rin pwedeng wala akong sapatos pa, ano na lang sasabihin ng mga kaibigan ko sa akin!” naiiyak na sagot ni Maria sa inis.

Hindi man lang naitanong ng dalaga kung para saan ba ang mga gamot ng kanyang tatay at bakit kailangan niya ang mga ito.

Dahil sa pagkalugi ng kumpanya ng kanyang tatay ay labis itong naapektuhan. Hindi inaasahang biglang nagkaroon siya ng sakit sa puso kaya naman ang mga gamot niya ay pagkamamahal.

Ngunit nanatiling sikreto lamang ang lagay ng kanyang tatay at hindi na ipinaalam pa kay Maria sa pag-aalalang baka maapektuhan rin ang dalaga.

Napapadalas na ang pag-tanggi ng kanyang tatay tuwing siya’y hihiling ng panibagong mga gamit.

“Pa, ano ba, kailangan ko na talaga ng bago!” pagpupumilit ng dalaga sa kanyang tatay.

“Anak, pasensya na hindi pa talaga kakayanin,” naiiyak naman na sagot ng kanyang tatay.

“Paano bang hindi kakayanin?! Eh ano ba kasing meron?!” inis na inis na sagot naman ng dalaga.

“Anak, ayaw ko sanang sabihin dahil ayaw kong mag-alala ka. Pero may sakit kasi ako sa puso at mahal masyado ang mga gamot ko,” wika ng kanyang ama.

“Eh bakit ka namamahalan marami naman tayong negosyo di ba?” naguguluhang sagot ng dalaga.

“Iha, nalulugi na ang negosyo natin, ilang buwan na lang at tuluyan nang mawawala ang negosyo. Kaya ginagawan ko na rin ng paraan ngayon, anak,” sagot naman ng kanyang tatay.

Hindi alam ni Maria kung papaano sasagot sa kanyang tatay. Hiyang-hiya siya sa kanyang ama dahil hindi man lang niya inalam kung ano ba ang tunay na nangyayari sa kanyang tatay at pabili pa siya ng pabili ng kung anu-ano.

Dahil wala siyang trabaho at nag-aaral pa lamang, hindi niya alam kung paanong paraan siya makakatulong sa paglutas ng kanilang problema.

Hanggang sa naalala niyang bigla ang mga mamahalin niyang gamit na binibili online.

Matagal din siyang napaisip.

“Ibebenta ko ba ‘tong mga ito?

“Sayang kasi eh…”

“Wala na akong magagamit kung ibebenta ko ‘to..”

“Magkano ko kaya ibebenta kung sakali?”

At kahit nahihirapan ay nakapagdesisyon din siya sa huli na ibenta na lamang ang mga gamit niya.

Nilagay niya sa kanyang Facebook ang mga litrato ng kanyang mga binebentang gamit.

Tuwang-tuwa siya ng maraming nagtatanong kung magkano ang mga ito. Ibig sabihin ay maraming interesadong bumili.

Ngunit, may isang mensaheng naka-agaw ng kanyang pansin.

“Fake naman yung binebenta mo. Hindi yan authentic quality,” saad ng babae sa mensaheng nakuha niya.

“Naku, mahal ang bili ko sa mga yan kaya sure akong authentic at original ang mga binebenta ko, “ sagot niya rito.

“Check mo muna girl, kasi alam ko kung paano tumingin ng authentic, sa hindi,” sagot naman ng kanyang kausap.

Para makasiguro ay minabuti niyang magtanong sa mismong mga nabilhan niya, ngunit hindi na niya mahagilap ang mga taong ito. Ang tanging nakita niya lamang ay ang ibang mga reklamo laban sa nagbebenta ng mga gamit dahil napatunayan ngang peke ang mga ito.

Nanlulumo si Maria at hindi alam lalo ang gagawin. Humingi siya ng kapatawaran sa kanyang ama dahil mas inuna pa niya ang pagbili ng mga gamit na ito na inakala niyang totoo kaysa sa alagaan ang kanyang ama.

Ngayon, hindi niya alam kung papaano tutulong sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga pekeng gamit na naipon niya!

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement