Isang Lalaking Dancer ang Mahuhumaling sa Isang Matrona Ngunit Ang Mapaglarong Tadhana ay May Dalang Pasabog
“Girls, are you having fun tonight?”, tanong ng host sa loob ng bar.
“Yesssss!”, hiyawan ng mga nakaupong parokyano habang hinihintay ang susunod na machong lalabas sa stage.
“P’re yung lotion paabot nga, itong bagong salta natin sasabak na.”, tawanan ang mga ibang kasamahan na lalake habang pinapahiran niya ng lotion ang matipunong katawan niya.
“Wag kang kabahan, bigay todo mo lang” payo ng isa sa mga lalake.
“Handa na ba kayong malaglag ang mga panty niyo at itapon dito, dahil ito na ang pinakasariwa, pinakabatang miyembro ng Santol Squad, please welcome Big Bad Boy Ricky!!”
11 taon gulang pa lang si Ricky ay lumayas na ito sa kanila, madalas siyang bugbugin ng tatay niyang babaero, ang masama pa dito ay lumaki siyang hindi nakilala ang nanay. Tanging mga naiwang litrato lang ang pinanghahawakan niya nung sila’y layasan ng ina.
Kung ano-anong klaseng trabaho ang pinasok niya habang lumalaki hanggang kupkupin siya ni Tata Conrad; ang may ari ng bar.
“Pwedeng-pwede ka bata, kumpletos rekados mula ulo hanggang paa, marunong ka bang sumayaw?”, tanong ni Tata.
“Opo”, nahihiyang sagot ni Ricky.
“Tara sumama ka, ako na ang bahala sa iyo.”
Matapos ang sayaw niya, isang matrona kaagad ang nakapansin sa kanya. Pinatawag niya ito para mai-table. “Oy, grabe may customer ka kaagad, bilis pumunta ka na dun.”, bungad ng floor manager.
“Good evening po Madam Ethel, ito po pala si Ricky bagong-bago po ‘yan dito.”
“Sige makaalis ka na”, sagot ng babae.
Halos kainin na ng buhay ng matrona ang lalake, nilapitan niya ito para mas makita ang hubog ng katawan ng binata, sabay himas at amoy na parang bagong labang damit.
“Easy lang, mukha ba ‘kong pulutan?”, pagbibiro ng lalake.
“Gutom na kasi ako, napansin mo ba puro drinks lang ang nasa lamesa ko, by the way I’m Ethel.”, nakaka-akit na pakilala nito.
Sobrang yaman ng napangasawa ni Ethel ngunit madalas umaalis ng bansa ito upang pagtuunan ng pansin ang kanilang business kaya hindi na lubos nitong nabibigyan ng sapat na oras ang asawa. Ang anak niyang babae na si Kara ang tanging karamay nito sa buhay, malapit ang mag-ina sa isa’t isa pero lingid sa kaalaman ng anak ang ginagawang mali ng ina.
“Cheers pa!”, lasing na saad ni Ethel.
“Naku, tama na yan ma’am, nakakarami na tayo”, hirit ng lalake.
“G*go, ako naman ang magbabayad niyan, gusto mo take home pa kita eh, hikk-hikk..”
“Next time na lang, balik ka dito.”, sabi ni Ricky.
Simula noon ay madalas nang balikan ng matrona ang lalake at hindi na ito pinapa table pa sa ibang customer. Naging iba na ang pakiramdam ni Ethel sa lalake, mas lumalim ang kanilang mga usapan at tuluyang nahulog ang loob nito sa binata.
“Condo, kotse, pera, name it, you got it.”, mayabang na bungad ng babae.
Nadura ni Ricky ang iniinom na beer, “Ughhh, daming pera ah.”sagot nito.
“Syempre galing sa bugok kong asawa na wala nang ginawa kung hindi lumayas at magbuhay binata. T*rantado ‘yon! Akala niya’y ‘di ko alam na nangbabae siya, oh well patas lang kami ngayon.” Inis na sagot nito.
Binigay halos lahat ng matrona ang luho ng binata, pinag-aral pa ito sa isang law school dahil pangarap ni Ricky na maging abogado. Sobrang nahumaling ang babaeng nangungulila sa pagmamahal at init ng katawan na kay Ricky lamang niya natagpuan.
Ngunit dito biglang magbabago ang lahat sa samahan ng dalawa.
Simula ng pumasok ang binata sa kolehiyo ay may nakilala itong dalaga na lagi niyang nakikita sa library. Na love at first sight ang lalake at hindi niya tinantanan ang pagsuyo sa dilag hangggang sa napapilit niya itong makipag date sa kanya.
Mula noon ay lagi na silang lumalabas at naging magkasintahan na din sila.
“Nasa’n ang manager niyo?”, tanong ni Ethel.
“Yes Ma’am ano po yun?”, sagot nito.
“Ilang araw ko nang ‘di nakikita si Ricky dito ah, may balita ka ba sa kanya? “Naku Madam, wala po kaming alam hindi naman din po nagpapasabi sa amin kung anong ganap sa kanya.”, paliwanag ng manager.
Lumipas ang ilan pang linggo at walang anino ni Ricky ang nagparamdam sa matandang babae. Pinuntahan niya ito sa binigay na condo pero walang tao doon at hindi rin niya makontak ang telepono nito. Halos mabaliw ang matrona sa paghahanap kay Ricky na sobrang napamahal sa kanya sa maiksing panahon na sila’y nagsama.
“Hayop kang lalake ka, nasaan kaaa?!!!” Umiiyak at galit na galit na sambit ng babae habang pinahaharurot nito ang kotse niya sa kahabaan ng highway.
“Malaman ko lang na iba na ang kasama mo, isusumpa ko kayo”, sabi nito.
Hindi na napansin ng matrona ang isang paparating na trak, sinalpok ang sasakyan nito at tuluyan siyang nawalan ng malay.
Nag-aagaw buhay na ito nang dalhin sa ospital.
“Kara, gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita”, bigkas ng lalake.
“Ako din Ricky, hindi ko akalain na ma-iinlove ako sa iyo ng ganito.”, sagot ng dalaga.
Nagyakapan ang dalawa at tanging mga ungol at langitngit ng kama ang maririnig sa loob ng kuwarto nila.
Hanggang sa may biglang tumawag sa cellphone ni Kara, “Istorbo naman yan”, wika ni Ricky.
“Wait lang ‘wag kang aalis diyan” sagot ng babae.
“Si Mama naaksidente!”, mangiyak-ngiyak ang dalaga. Nagmamadaling nagbihis ang dalawa at sumugod na sa ospital.
Pagdating sa ospital ay naunang umakyat si Kara. “Mamaaaa”, naghihikahos na yumakap sa ina ang dalaga.
“Ma’am, matindi po ang natamong pinsala ng mother niyo, tinamaan po ang spinal cord niya pati ang ulo niya dala siguro ng malakas na pagkakabangga, I am really sorry to tell you this but your Mom is in coma right now, we don’t know if she will still wake up or even if she does lantang gulay na po siya.”, mabigat na paliwanag ng doctor.
“Ahuuuuu…”, walang tigil ang tangis ng luha ng anak.
Maya-maya’y dumating na si Ricky at nakasalubong pa niya ang doktor at tinanong kung saan ang kwarto ng pasyente.
Pagpasok ng kuwarto’y nakita nito ang iyak ng iyak na nobya.
“Mahal”, tawag ng binata.
Biglang lumapit at yumakap si Kara, “Si Mama baka hindi na siya magising.”
“Lakasan mo ang loob mo, nandito lang ako”, saad ng nobyo.
“Gusto pa naman na kitang ipakilala sa kanya pero nangyari ito, madalas pa naman kitang ikinukwento sa kanya at hindi na siya makapaghintay na makita ka.”
“Huwag kang mawawalan ng pag-asa, halika lapitan natin siya.” Nakailang hakbang pa lang si Ricky ay naaninag na niya ang hitsura ng ina ng nobya, kumunot ang noo nito at tila bang pamilyar sa kanya ang babaeng ito.
Biglang nanigas ang katawan ng binata, hindi ito makagalaw.. “Ethee-lllll” pabulong nito sa isipan niya para hindi mahalata ng nobya na kilala niya ang ina. Biglang tumulo ang luha ni Ricky at hindi na nakapagsalita.
Simula ng ilibing ang ina, malaki na ang pinagbago ni Ricky sa nobya. Madalas na itong hindi nagpapakita kung magkikita man lang sila ay tila itong nanlamig sa dalaga. Nalaman na lang din ng babae na sa ibang law school na ito nag-aaral.
“Aghhhhh, bakittttt?”, sabay suntok sa pader.
Natuliro si Ricky sa kanyang sitwasyon, hindi niya alam kung paano aaminin kay Kara na kahit pa nagkaroon sila ng relasyon ng ina nito, sa puso niya’y mahal na mahal niya ang dalaga. Gusto niyang umamin pero natatakot siya na kapag nalaman ng dalaga ang katotohanan ay kamuhian siya nito ng sobra.
Anibersaryo ng pagkamatay ng ina ni Kara, may dala itong bulaklak at naglalakad na papunta sa puntod ng ina. Sa di kalayuan ay may natanaw itong lalakeng nakatayo malapit sa puntod, habang papalapit ito ay narinig niya na umiiiyak ang lalake habang nakatungo na para bang kinakausap ang nasa puntod.
Nagulat ang dalaga sa narinig, “Sorryyy Ethel hindi ko alam na anak mo siya, sorry din at hindi na ‘ko nagparamdam sa iyo. Hirap na hirap na ang dibdib ko kaya’t naglakas loob na akong pumunta dito. Mahal na mahal ko si Kara, pero takot na takot ako na mawala siya pag nalaman niya ang katotohanan na isa akong dancer at naging tayo. Pero pupuntahan ko na siya ngayon bahala na kung tanggapin niya ako o hindi. Ang importante ay malaman niya ang totoo. Sumalangit nawa ang kaluluwa mo.”
Paglingon ni Ricky ay nakita niya ang isang kubol ng bulaklak, nagtaka pa ito kung saan ito galing at nilagay na lang sa puntod ni Ethel. Bago mahanap ng binata si Kara, napagalaman na lang niya na ito’y pumunta ng Estados Unidos at doon tatapusin ang pag-aabogasya.
Makalipas ang mahigit na 6 na taon, ganap na abogado na si Ricky at handa na ito para sa kanyang unang kaso sa korte.
Maaga siyang dumating dito, mga ilang minuto lang ay nagdatingan na ang mga tao ngunit laking gulat niya nang bigla siyang napalingon sa pinto…
“Karaa-aa”, di makapaniwala ang binata sa kanyang nakita. Ang dalaga pala ang makakatunggali niya sa unang kaso niya. Sinubukan niya itong kamayan pero dinaanan lang siya nito.
Nagwagi ang panig ni Kara sa kaso, ngunit hindi na palalagpasin ng binata ang pagkakataong makausap ang dalaga.
Hinabol niya ito sa parking lot, “Karaaa, sandali kausapin mo ko.” hingal na sabi nito.
“Ugh! yan ang bagay sa iyo” Isang napakalakas na sampal ang binitawan ng dalaga.
“Kulang pa yan Kara, sige pa sampalin mo pa ako, saktan mo pa ako pero hindi natin mabagago na mahal na mahal pa rin kita.”
“Hinanap kita anim na taon na ang nakaraan pero umalis ka, may gusto dapat akong sabihin sa’yo.”
“Na ano, na macho dancer ka at binabanatan mo ang nanay ko, ano? Yon ba ang sasabihin mo?”, galit na galit na sigaw ng dalaga.
“Pa-paano mo nalaman?”, takang taka na tanong ng lalake. “Narinig ko lahat, lahat-lahat Ricky”, habang ito’y napapaluha na sinusuntok ang dibdib ng binata.
Niyapos ng mahigpit ni Ricky ang dalaga.
“I am so so-sorryyy, alam ko hindi mo na ‘ko mapapatawad. Pero pakinggan mo ko, naunahan ako ng takot na mawala ka pero mali pala ako na hindi ko kaagad inamin sa iyo ang totoong pagkatao ko, hindi ko rin alam na nanay mo pala siya. Handa naman akong tanggapin na pagtabuyan mo ‘ko dahil sa ginawa ko, pero hindi na kaya ng puso ko na itago ang lahat sa iyo. Mas pipiliin ko na masaktan tayo ng katotohanan kaysa mamuhay ng naglolokohan.”
“Makita lang kita masayang masaya na ko, hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko sa’yo pero kahit hindi maging tayo, hindi ka na mawawala dito sa puso ko.” Pagtatapat ni Ricky habang hawak-hawak ang mukha ng dalaga.
Hindi nagpadaig sa pangamba si Ricky na suyuin ulit si Kara ngayong alam na nito ang katotohanan, sa katagalan lumambot din ang puso ng dalaga sa kanya. Marahil naisip ni Kara na hindi rin makakabuti ang panghawakan ang galit at poot sa puso niya, dahil ang tunay na lunas sa sugat ng isang puso ay ang kapatawaran at wagas na pag-ibig.