Nilayasan ng Lalaki ang Striktong mga Magulang Nang Manalo sa Lotto, Ngunit nang Maubos ang Perang Napanalunan ay sa Kanila Pa Rin ang Balik Nito
Bata pa lamang si Albert ay kilala na ang kaniyang mga magulang sa pagiging strikto at disiplinado sa kanya. Isang financial advisor ang amang si Nestor, na kilala sa pagtuturo sa mga tao kung paano ang matalinong paghahawak ng pera. Ang inang si Norma naman ay isang guro sa isang paaralan sa kanilang lugar.
Lumaki namang maayos si Albert dahil sa matinding pagtutok ng mag-asawa sa kanilang nag-iisang anak. Ngunit sa edad na 22, kahit may trabaho na si Albert ay hirap na hirap pa rin itong magpaalam kapag aalis upang makasama sa mga kaibigan.
“Mama, pwede po ba akong sumama sa Boracay? Pupunta po kasi kami ng mga ka-trabaho ko. Doon po ang team building namin.”, kabadong paalam ni Albert sa kanyang ina. Dalawang araw sana siyang magbabakasyon sa isla.
“Boracay? Napakalayo naman ata. Tapos dalawang araw? May kasama ka pang mga babaeng katrabaho. Hindi ko alam, anak. Pag-iisipan ko.”, sagot ni Norma.
“Dalawang araw sa Boracay? Hindi ba’t nagsisimula ka pa lamang magtrabaho? Ang gagastusin mo papunta diyan sa bakasyon ninyo e mas higit pa sa sinasahod mo. Saka ka na lamang sumama. Sa ngayon, hindi uubra.”, ‘ika ng amang si Nestor nang marinig ang nagpapaalam na anak.
Ganoon na lamang ang naramdamang pagkabigo ng binata. Sa totoo lamang ay sanay na siyang hindi payagan ng kaniyang ama’t ina. Umasa lamang siya na iba na ang sagot ng magulang dahil siya naman ay may trabaho na. Napabuntong hininga na lamang siya at tinawagan si Manny, isa sa mga katrabaho at kaibigan.
“Hindi ako makakasama. Hindi ako pinayagan nila Mama e. Magkaroon lang ako ng maraming pera, talagang aalis na ako rito sa bahay na ito.”, hiyang-hiyang sabi ng binata sa kaibigan. Siya lamang ang hindi makakasama nang dahil sa hindi pinayagan ng magulang.
“Ganon ba, bro? O sige. Sabihan ko na lang sila. Sayang, kasama pa naman si Trisha! Mapormahan mo na sana!”, ‘ika ni Manny.
“Kaya nga e. Pero siyempre lalong hindi papayag sina Mama pag nalaman yun.”, laking panghihinayang ni Albert dahil dati niya pa gustong ligawan ang dalaga.
Lumipas ang ilang buwan at ganoon pa rin ang pamumuhay ng pamilya ni Albert. Pumasok na ang binata sa kaniyang trabaho at tulad ng dating gawi, dumaan siya sa isang lotto outlet. Magmula pa noong ika-18 kaarawan niya’y may inaalagaan na siyang numero, ngunit inililihim niya ito sa bahay dahil ayaw ng kanyang ama ang pagsusugal.
Isang araw habang kumakain ng hapunan ang mag-anak, tumayo ang mga balahibo ni Albert nang maulinigan sa nakabukas na TV ang pag-anunsyo sa winning combination sa 6/55 lotto na kaniyang tinatayaan.
“18-54-01-26-44-31! Mayroon pong isang jackpot winner na mag-uuwi ng kalahating bilyong piso!”, sigaw ng announcer sa telebisyon. Parehong numero sa mga alagang kombinasyon ng binata.
“Ang mga tao nga naman, kapag tinamad na’y sa swerte kumakapit.”, umiiling iling pa ang kanyang ama.
Kalmado lamang ang binata sa labas, ngunit sa totoo lamang ay hindi na niya halos maitago ang lubos na kaligayahan na nararamdaman. Iniisip na niya agad kung ano ano ang mga bibilhin kapag nakuha na ang napanalunang pera. At dahil na rin ayaw niyang ipaalam sa mga magulang ang nangyari, sa takot na hindi siya bigyan ng kalayaan, napagdesisyunan niyang maglayas at iwan ang mag-asawa.
Kinabukasan, bumangon na si Norma upang ipagluto ang anak na papasok na sa trabaho. Ngunit halos himatayin ito nang makita ang sulat na naiwan sa mesa sa kanilang kusina.
“Mama at Papa,
Aalis na po ako. Huwag po kayong mag-alala, wala po akong nagawang kasalanan. Gusto ko lamang pong bumukod na, at dahil alam kong hindi kayo papayag kaya hindi na ako nagpaalam.
Albert”
Agad namang tinawag ni Norma ang asawa upang ipabasa ang sulat. Labis na nanlumo ang dalawa sa biglaang desisyon ng anak.
Ilang buwan ang lumipas at hindi na talaga nagparamdam ang milyonaryong binata sa mag-asawa. Halos gabi gabi ring hindi makatulog ang dalawa sa kaiisip kung saan sila nagkulang sa pagpapalaki sa anak at nagawa silang abandunahin nito ng biglaan. Nang makatanggap sila ng balitang gumimbal sa kanilang dalawa.
“Norma! Nestor! Balato naman diyan!”, pangangatyaw ni Aling Nena, isa sa kanilang mga kapitbahay.
“Balato? Bakit?”, tanong ng nagtatakang ina.
“Aba’y balita ko na ang anak niyo pala ang nanalo sa lotto ah! Kalahating bilyong piso? Nakaka-inggit naman kayo. Ang ginhawa na siguro lalo ng pamumuhay ninyo.”, ‘ika ng matanda.
“Lotto? Nanalo si Albert? Saan ninyo ‘yan nabalitaan?”, laking gulat ng ama.
“Nakita raw ng anak ko si Albert sa isang casino sa Maynila. Ibang iba na nga raw ho ang itsura ng anak ninyo. Mayamang-mayaman na! Kilalang kilala na rin daw siya doon dahil halos gabi gabi na rin siyang nagwawaldas ng milyon-milyon sa casino.”, sagot ng matanda. Nagtataka din ito sapagkat tila walang ideya ang mag-asawa sa sitwasyon ng kanilang anak.
Lubos ang panlulumo ng mag-asawa sa narinig. Sa wakas ay nasagot na ang mga katanungan nila na ilang buwan na nilang iniisip. Kaya pala biglaang umalis ang anak ay dahil nanalo ito sa lotto. Ngunit nagtataka sila kung bakit hindi man lang ito sinabi ni Albert. Lubos na naman ang kalungkutan sa puso ng mag-asawa.
Mahigit dalawang taon ang lumipas. Nagising si Albert sa kanyang condo unit, na tanging naipundar sa napanalunang pera. Nang may biglang kumatok sa kanyang pintuan. Nang buksan niya ang pinto, nagulat siya sa apat na malalaking banyagang lalaki na gusto siyang makausap.
“Albert. Kung ayaw mong may mangyaring masama sa iyo, bayaran mo na ang sampung milyon na utang mo sa boss namin. Bibigyan ka namin ng isang buwan para makumpleto ang mga pagkakautang mo.”, pagbabanta ng isa sa mga lalaki.
Hindi namalayan ni Albert na naubos na ang kalahating bilyon. Dahil sa labis na pag waldas ng pera ay wala nang natira sa kanyang bank account. Ginawa kasi ng binata ang mga bagay na hindi niya nagagawa noong nasa poder siya ng kanyang mga magulang, at hindi niya naisip na magtipid, magtabi, o magtira para pang negosyo.
Takot na takot si Albert sa pagbabanta ng mga lalaki. Tauhan ang mga ito ng isang beterano sa casino na pinaglalaruan niya. Kinakailangan niyang mabayaran ang sampung milyong utang na kanyang ikinatalo sa isang gabing pagsusugal.
Hindi na alam ng binata ang gagawin. Tinawagan niya ang mga kaibigan na nakinabang sa kanyang pera noong milyonaryo pa siya. Ngunit wala ni isa sa mga ito ang pumansin sa kanya. Wala na siyang ibang maisip na paraan kung hindi manghingi ng tulong sa kanyang mga magulang.
Kumatok ang binata sa pintuan ng inabandunang magulang. Kahit hiyang hiya, wala na siyang ibang mahihingan ng tulong. Bumukas ang pinto, at nakita niya ang kanyang gulat na gulat na ina na halos maiyak nang makita siyang muli.
“Anak! Anong nangyari sa iyo? Saan ka nanggaling? Bakit ngayon ka lang nagpakita?”, sunod sunod na tanong nag nag-aalalang ina. Bakas sa mukha ng kanyang anak ang malaking problema.
Agad na humagulgol ang binata.
“Mama! Papa! Patawarin po ninyo ako. Ang buong akala ko’y lubos akong magiging maligaya kapag umalis na ako sa bahay na ito para gawin lahat ng gusto ko. Isang malaking akala lang po pala iyon…”, iyak nang iyak si Albert habang nakaluhod sa harap ng ama’t ina.
Ipinaliwanag ng binata ang mga nangyari sa kanya. Ikinwento niyang nagkaroon siya ng kasintahan ngunit pinerahan lamang siya nito. Pati na rin ang mga nagbabanta sa kanyang buhay kung hindi siya makabayad sa pagkakautang.
Galit na galit ang mag-asawa sa kanilang anak, ngunit kahit anong gawin nito ay hindi naman nila itong magawang tiisin.
“Anak, alam mong mahal na mahal ka namin ng Papa mo. Akala mo ba’y kaya ka naman pinaghihigpitan e dahil lang ayaw naming sumaya ka?”, sambit ng umiiyak na ina.
“Gusto lang namin ay lumaki kang isang mabuti at disiplinadong bata. Ang sakit sakit isipin na nangyari sa’yo ang lahat ng iyan.”, sabad ng dismayadong ama.
Sa kabila ng mga ginawa ni Albert, nagawa nila itong patawarin. Tinulungan ng mag-asawa na ayusin ang gusot sa buhay ng anak.
Nagpatulong ang mag-asawa sa kanilang mga kaibigan, at gamit na rin ang kanilang sariling ipon ay nagawa nilang bayaran ang milyon milyong utang ni Albert. Ipinasok naman ni Nestor ang anak sa kumpanya ng kanyang kaibigan at nangako naman ang binata na gagawin ang lahat upang makabawi sa lahat ng pagkukulang bilang anak.
Natutunan ni Albert ang kahalagahan ng pakikinig sa magulang. Nais lamang ng lahat ng magulang na mapabuti ang lahat ng kanilang mga anak upang maging handa sila sa kinabukasan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.