Napaka-tsismosa ng Dalawang Ginang at Puro Paninirang Puri na ang Bukambibig, Natameme Sila nang Bumaliktad ang Kanilang Kapalaran
Pagsikat pa lamang ng araw ay makikita na sina Miling at Linda sa labas ng kanilang mga bahay. Hindi pa man nakakapagmumog at almusal ay inuuna na nila ang pagtsitsismisan.
“’Yang anak na ‘yan ni Carmela? Makikita mo nalang isang araw buntis na,” wika ni Miling.
“Ay sinabi mo pa! Napaka-modernong manamit ng batang iyan,” sagot ni Linda.
“Madalas pa nga ‘yang ginagabi, siguro nakikipag-inuman sa mga barkada. Mabuti na lamang at hindi ganyan ang anak ko.”
Bawat dumadaang kapitbahay ay binabati nila ngunit paglampas ng mga ito sa kanila ay siya namang paguusapan nila. Akala mo ay mababait na anghel sila pag kaharap ang ibang tao ngunit pagtalikod nito ay puro paninirang puri ang kanilang bukambibig.
“Ang aga niyo ata ngayon Miling at Linda,” bati ng kanilang barangay captain.
“Good morning kap! Oo ganun talaga at marami pa ring gawain sa bahay mamaya,” sagot ni Linda.
Nang makaalis ang kapitan ay saka naman nagumpisa ang kanilang pagbubulungan. Hindi nga nauubusan ang dalawa ng mga kwentong makakapanira sa kanilang kapwa.
“Balita ko ay manyakis daw yan si kap, ibang klase daw kasi makatingin sa mga kadalagahan dito,” ayon kay Miling.
“Narinig ko nga rin ang balitang iyan, kaya ikaw pagsabihan mo ang anak mo na ‘wag masyadong lumapit doon,” sagot ni Linda.
Ganito ang araw-araw na eksena ng dalawang magkapitbahay. Tsismis na nga yata ang bumubuhay sa kanilang dalawa. Nasanay na lamang ang kanilang mga kapitbahay sa kanila kaya’t hindi na nila pinapatulan ang mga kwentong ikinakalat ng dalawa.
Ngunit sadya yatang mapaglaro ang tadhana at ang lahat ng kanilang paninirang puri sa ibang tao ay tila bumaliktad at napunta sa kanila.
“Diyos ko naman, Mara! Kinse anyos ka pa lang, napakaharot mong bata ka, sinong tatay ng pinagbubuntis mo?” galit na tanong ni Miling sa dalawang buwang buntis na anak.
“Si Lawrence ma, yung anak po ni Aling Linda,” sagot ng dalaga.
Hindi na nga nakapagpigil si Miling at dali-daling lumabas upang sugurin ang nananahimik na bahay nina Linda.
“Lawrence! Lumabas ka diyan at humarap ka sa’kin, bata ka! Malilintikan ka sakin,” sigaw niya.
“Ma, tama na po! Nakakahiya! Nagtitinginan na ang mga kapitbahay,” wika ni Mara habang sinusubukang pigilan ng ina.
Sa sobrang lakas ng hampas at kalampag ni Miling sa gate ni Linda ay nagdungawan na sa kani-kanilang mga bintana ang kanilang mga kapitbahay. Ang iba sa kanila ay natatawa na lamang sa kanilang napapanood.
“Ano ba yan Miling? Ano bang pinagpuputok ng butsi mo?” tanong ni Linda na sinusundan naman ni Lawrence.
“Bakit hindi mo tanungin ang magaling mong anak, Linda? Ikaw, Lawrence? Totoo ba na ikaw ang ama ng pinagbubuntis ng anak ko?”
Napamulagat ang mata ni Linda sa mga narinig. Nilingon niya ang anak upang marinig ang paliwanag nito, laking galit niya nang tumango lamang ito bilang kompirmasyon sa alegasyon ni Miling.
“Walang hiya ka Lawrence! Ni hindi ka nga marunong mag-ayos ng kama mo tapos nambuntis ka na?” napingot ni Linda ang anak na kinse anyos lamang din saka kinompronta si Miling.
“Hoy Miling, bakit sa anak ko ikaw nagagalit? Eh yung anak mo din naman kumirengkeng.”
Nagbangayan ang dalawang tsismosa sa harap ng kanilang mga anak. Maya-maya pa’y napilit na ni Mara ang ina na umuwi. Ilang araw nang hindi nakita sa kalsada ang dalawang ina dahil sa kanilang kinakaharap na problema. Kung dati ay sila ang maraming kwento tungkol sa ibang tao, ngayon ay sila naman ang pinagtitinginan ng kanilang mga kapitbahay.
“Ma, kailangan kong panagutan ang anak namin ni Mara, hindi ko siya pwedeng pabayaan,” wika ni Lawrence sa ina.
“Alam ko, wala naman akong magagawa tungkol diyan. Bukas ay sabihan mo si Mara na pupunta tayo doon upang makipag-usap sa pamilya niya,” sagot ni Linda.
Pagkatapos mananghalian kinabukasan ay nagtungo na ang pamilya ni Lawrence sa bahay nina Miling upang magkasundo tungkol sa magiging lagay nila ni Mara.
“Para sabihin ko sa inyo galit pa rin ako, at hindi ako papayag na umalis ka rito, Mara. Menor de edad ka pa lang, mag-aaral ka pa rin,” mataray na bungad ni Miling.
“Naiintindihan ko naman po, hihingi lang po sana ako ng permiso na madalaw ko si Mara dito sa bahay niyo,” sagot ni Lawrence.
Hindi man nagkabati sina Miling at Linda ay napagkasunduan naman ng kanilang mga pamilya na patatapusin muna ng pag-aaral ang dalawang bata bago pagusapan ang kanilang pag-iisang dibdib.
Makalipas nga ang pitong buwan ay isinilang ni Mara ang kanilang anak na babae. Naroon sa ospital ang dalawang lola ng bata na hindi pa rin nagpapansinan.
“Ma, magbati na kayo ni Aling Linda para masaya na tayong lahat,” pagpaparinig ni Mara sa ina.
“Oo nga ma, ikaw din tabihan mo na yung bespren mo oh, miss mo na sya ‘di ba?” sabat pa ni Lawrence habang buhat ang sanggol.
Nagkatinginan ang dalawang matanda at hindi na nila napigilan ang matawa sa mga itsura nila.
“Ang pangit mo magalit,” biro ng tumatawang si Miling.
“Pareho lang tayo, ‘no! pasensya ka na ah?” sagot ng nakangiting si Linda.
Mula noon ay nagkabati ang dalawang tsismosa ngunit sa pagkakataong ito ay wala na silang panahon para magtsismisan pa sa labas ng kanilang mga bahay dahil sila ang nakatokang mag-alaga sa kanilang mahal na mahal na apo habang pumapasok sa eskwela sina Mara at Lawrence.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!