Sa Wakas ay Sinuwerteng Mabunot sa Lotto ang Alagang Numero ng Dalaga, Labis ang Panlulumo Niya Nang Hindi Pala Ito Naitaya ng Bunsong Kapatid
Nakasanayan na ni Mylene ang pagtaya sa lotto. Magmula pa lamang noong dalaga siya, hanggang sa nagkaroon na siya ng trabaho ay regular na siyang tumataya sa lotto sa pagbabaka-sakaling swertehin at agarang maiahon sa hirap ang pamilya. Pati ang mga kaibigan niya’y bilib sa kanyang walang humpay na pagtaya ng inaalagaang numero.
Panganay na anak si Mylene sa tatlong magkakapatid. Siya pa lamang ang nakapagtapos ng pag-aaral, dahilan upang asahan siya ng kanyang mga magulang na tumulong sa pag-aaral ng dalawa pang nakababatang kapatid. Hindi pa magawang maisip ni Mylene ang mag-asawa dahil magmula ng magkasakit ay tumigil sa pagta-trabaho ang amang si Oscar, siya na ang tumayong bread winner ng pamilya. Kaya gayon na lamang kung umasa ang dalaga na manalo sa lotto.
Isang araw, nakaligtaan ni Mylene na tumaya dahil sa pagmamadaling umuwi nang biglaang masira ang sapatos na suot-suot pauwi galing trabaho. Kaya naman naisipan niyang iutos ito sa nakababatang kapatid na hindi pa nakakauwi dahil may inaasikasong project sa kanilang eskwelahan.
Kilala ang bunsong kapatid niya na si Arnel na may pagkatamad. Sa tuwing may inuutos ito sa kaniya, madalas ay ipinagpapa-bukas nito ang mga gawain o kaya nama’y tuluyan nang hindi susundin dahil lamang sa pagkatamad.
Ngunit dahil kilalang disiplinado sa mga anak si Tatay Oscar at Nanay Berna, maaga na nilang kinastigo ang anak upang mabago ang pag-uugali. Magmula noong paluhurin sa pinaghalong asin at monggo, nakita nilang nagbago na ito. Kaya ganoon na lamang ang tiwala ni Mylene nang ipag-utos ang pagtaya ng lotto kay Arnel.
“Bunso! Itaya mo naman ang numero ko. Nasiraan ako ng sapatos e kaya umuwi na ako agad. Please ha? ‘Wag mong kalimutan! Baka tayo na pala ang susunod na milyonaryo. Hehehe.” Malambing na saad ni Alice sa kapatid na si Arnel nang tawagan ito sa telepono.
“Opo, ate. Maya maya, kasi tinatapos pa namin ito. Pero promise, itataya ko. May pera pa naman ako dito.” Tugon ng bunso. Nagtiwala agad si Mylene sapagkat alam niyang nagbabago na ang kapatid.
Dahil sa pagod sa pagta-trabaho bilang saleslady sa isang mall, agad nang nakatulog si Alice.
Kinabukasan, nang makauwi si Alice ay agad niyang hinanap si Arnel upang kunin ang ticket sa lotto. Mamaya na ang draw kaya naman excited na ang dalaga, sa pag-asang siya na ang mananalo ngayon.
“Wala pa si Arnel, huling gabi na raw nilang magpupuyat. Bukas na ipapasa ang project nila. Pero nagtext naman siya na itinaya raw niya ang mga numero mo.” Tugon ng inang si Berna.
Maya maya pa’y nagsimula na ang bunutan. Isa-isa nang tinatawag ang mga sinwerteng numerong nabunot. Kinikilabutan ang buong mag-anak dahil ika-apat na numero na ang tumutugma sa itinaya ng panganay nila.
“23 – 18!”, iyon na ang dalawang numero. Dalawang numero na tugma rin sa alaga ni Alice.
Tahimik na nakaupo ang buong pamilya ni Alice. Halos sabay-sabay tumulo ang luha nilang apat. Walang kumikibo sa kanila dala ng pagka-bigla at labis na ligaya. Hindi na napigilan ni Miguel, ang pangalawa sa magkakapatid, at nagsisigaw at nagtatalon na ito sa tuwa.
“WOOOHOOO! MAYAMAN NA TAYO! MILYONARYO NA KAMI!” Sigaw ni Miguel. Agad tumayo ang mag-asawa at si Alice. Nag-iyakan ang tatlo sa labis na kaligayahan.
Agad ding kinuha ni Alice ang cellphone at tinawagan ang kapatid ngunit hindi ito sumasagot. Kaya naman mahinahon silang naghintay na makauwi na si Arnel. Habang naghihintay, masayang nagpa-plano ang mag-anak kung ano ang mga bibilhin nila sa salaping makukuha na nila bukas.
“Mama! Ako, gusto ko sa Ateneo mag-aral ha. Kaya niyo na akong pag-aralin doon. Tapos kotse ha, para naman makasabay ako sa mga magiging kaklase ko.” Nakangiting sabi ni Miguel, na nakapasa sa entrance exam ng Ateneo ngunit hindi makapasok dahil sa mahal ng tuition.
“Walang problema! Ate mo na ang sagot sa tuition mo. Hehehe. Ako naman, anak. Gusto ko lang sana ng business ha. ‘Yong franchise ng fast food? Maganda raw kasi ang kita doon.” Paglalambing ni Nanay Berna.
“Ako anak? Gusto ko lang makarating ng ibang bansa bago ako tumanda ng labis at hindi na makapaglakad ng maayos. Ngayon e kayang-kaya ko pang mag-travel!” Tuwang-tuwang hiling ng amang si Oscar.
“Miguel, Ateneo lang? E kung gusto mo sa ibang bansa ka pa mag-aral e! Ikaw naman, mama. Ilang fast food ba ang gusto mo? Hehehe. Walang problema! At ikaw Papa, oo naman magta-travel tayong lahat. Kung gusto mo pa sa buong mundo e. Pero siyempre magpapagamot muna tayo, ha? Tapos saka natin lilibutin ang mundo.” Wika ni Alice na masayang-masaya sa tagumpay na natamo. Sa wakas ay sinuwerte rin siya sa mga numerong halos sampung taon na niyang inaalagaan.
“At isa pa, anak. Makakapag-asawa ka na!” Nakangising sabi ni Tatay Oscar.
Napatayo silang lahat nang makita si Arnel na papalakad na papasok ng kanilang pintuan. Agad nila itong sinalubong ng may malaking ngiti sa mukha.
“Anak! Sa wakas at dumating ka na. Naitabi mo naman siguro ang ticket ng lotto ng ate mo, ano?” Tanong ni Nanay Berna.
“Ano pong ticket?” Tanong ng nagtatakang si Arnel.
“Hahaha! ‘Wag mo nga kaming biruin. Naiplano na namin ang lahat ng gusto naming gawin. Ikaw ba, bunsoy? Anong gusto mo? Bibilhin lahat ni ate ‘yan para sa’yo!” Paglalambing pa ni Alice sa kapatid. Ngunit nang makita ang patuloy na pagkalito sa mukha ng kapatid, napalitan ng takot at kaba ang kasiyahan ng buong mag-anak.
“O, Diyos ko! Arnel?! Iyong totoo? Hindi mo ba natatandaan ang inutos ng ate mo kagabi?” Pinipigilan ni Nanay Berna ang luha na tumulo mula sa kanyang mga mata.
“Ahh… Ehh…” Tugon ni Arnel na hindi makapagsalita.
“Anong ahh ehh?! Sumagot ka! Tinatanong ka ng nanay mo!” Galit na galit na tanong ni Tatay Oscar.
Biglang napaluhod si Arnel sa harap nilang lahat. Humagulgol ito ng labis habang sinasabing, “Sorry po! Patawarin po ninyo ako!”
“Bakit? Nawala mo ba ang ticket? Hindi ba sabi mo kanina sa akin, itinaya mo? Hindi ba?!” Pahabol na tanong ng hindi makapaniwalang ina.
Umamin na si Arnel na dahil sa hindi niya iniintindi ang mga utos ng mga kasama sa bahay, tinamad itong itaya sa lotto ang numbers sa ticket ng ate niya. Iniisip daw nito na ilang taon nang tumataya ang ate niya at wala namang pag-asang manalo. Napalitan ng paghihinagpis at panghihinayang ang kaligayahan ng mag-anak.
“Kaisa-isang utos ko iyon sa’yo! Kailanma’y hindi naman kita inuutusan dito sa bahay!” Iyak na ng iyak ang dalaga.
Wala nang nagawa si Alice. Alam niyang hindi rin naman tama na habambuhay parusahan ang kapatid dahil sa kapabayaang ginawa. Kung kaya’t matapos ang ilang araw, pinag-usapan nilang kalimutan na lamang ang mga nangyari. Ngunit hindi napigilan ng mag-asawa na kastiguhing maigi ang bunsong anak. Kinausap nila ito ng masinsinan na hindi na dapat mauulit ang ganoong pag-uugali.
Natutunan ni Arnel na isa-isip ang mga ipinag-uutos ng mga magulang at kapatid. Hindi niya inaakalang nang dahil sa katamaran niya’y nasayang ang halos kalahating bilyon na sana’y nasa kamay na nila ngayon. Magmula noon ay tunay nang nagbago ang binata. Ngunit hindi pa rin maibabalik ang swerte na minsa’y dumalaw na sa kanilang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.