Pinagbawalan na Siyang Lumabas ng Magulang Pero Hindi Niya Ito Pinakinggan, Pag Uwi Niya ay Nakakakilabot ang Kanyang Nadatnan
Mag-aalas otso na ng gabi habang naghahanda ng hapunan ay napansin ni Marissa na bagong paligo at tila bihis na bihis ang kanyang anak. Halos hindi na niya makilala ang dalaga sa sobrang kapal ng kolorete na nakalagay sa mukha.
“Aba Tricia, gabing-gabi na ah. Bakit ganyan ang ayos mo? Matutulog ka ba na nakaganyan?” Bungad niya sa anak.
“Hindi Ma. Ang ganda ko ba?” Tanong naman nito sa ina habang inaayos ang buhok na nakakulot.
“Oh eh bakit nakaayos ka nga? Anong meron? Halika ka na dito at sumabay ka na sa’min ng mga lola at kapatid mong maghapunan.” Malumanay na pag-anyaya niya.
“Ah eh may lakad po kasi ako, kaya hindi na po ako kakain dito. Gi-gimik po kasi kami ng mga friends ko, baka dun na din po kami mag dinner.” Wika ni Tricia habang tinititigan sa salamin ang pulang-pula nitong lipstick.
“Napapadalas na yan paglabas-labas mo ng gabi Tricia ha! Hindi mo ba alam na delikado ang panahon ngayon? At tsaka tingnan mo nga iyang suot mo, nag-abala ka pang mag damit eh halos kita ng ang buong kaluluwa mo dyan eh.” pansin ni Marissa, hindi rin siya komportable na sobra ang iksi ng suot ng anak lalo pa at gabi na.
“Eh pag hindi ako sumama, ako lang ang wala sa’ming magkakaibigan. Ano ba yan Mama, ang laki-laki ko na, wala ka pa rin tiwala sa akin.” Pag-iinarteng sagot ni Tricia habang umiirap-irap ang mga mata.
“Tigilan mo nga ako Tricia sa mga kaartehan mo. Magpalit ka ng damit doon at maghilamos ng mukha! Magagalit ang papa mo pag nalaman ng puro gimik ang inaatupag mo. Bilisan mo at sabay-sabay na tayong mag-hapunan.” Sagot ng ina nito na halatang naiinis na.
“Wag na! Hindi na ako kakain. Matutulog na lamang ako. Nawalan na din ako ng gana. Salamat na lang.” Pagtataray ng dalaga, bwisit, dapat hindi na siya nagpaalam.
“Alam mo hija, hindi na kasi ligtas ang panahon ngayon, hindi katulad noong araw, kaya para sa kaligtasan mo din naman ang sinasabi sa iyo ng mama mo.” Pagsabat ng lola ni Tricia na si Lola Mercy.
“Hindi na nga ho tutuloy di ba?” Pabalang na sagot naman ng dalaga sa kanyang lola.
“Aba, bastos `tong batang ito ahh.” Pagalit na sabi ng kanyang ina. Ngunit bago pa man matapos ang sasabihin nito ay agad siyang tinalikuran ng anak at pagalit na pumasok sa kwarto kasunod ang malakas na pagbalibag ng pintuan.
Lumipas na ang dalawang oras ngunit hindi pa rin lumalabas ng kwarto si Tricia. Sinubukan siyang katukin at kausapin ng ina, ngunit hindi ito sumasagot.
Hindi naman na nagpumilit si Marissa na pumasok sa pag-aakalang ito’y natutulog at nagpapahinga na.
Tahimik na ang gabi at tanging ingay na lamang ng mga kuliglig ang maririnig. Pinakiramdaman ni Tricia kung may gising pa sa kanilang pamamahay. Dahan-dahan nitong binuksan ang kanyang pintuan at maingat na sumilip mula roon.
Nakita niyang ang tanging bukas na ilaw na lamang ay nanggagaling sa kanilang kusina, ibig sabihin ay tulog na ang mga tao.
Inayos niya kaagad ang mga gamit at nagdagdag pa ng konting pulbo sa mukha at tsaka dahan-dahang lumabas sa kanyang kwarto. Ingat na ingat siyang makagawa ng kahit anong ingay upang walang makakita o makarinig sa kanya sa kahit sino sa kanilang pamamahay.
Sa pintuan sa kanilang likuran siya dumaan kung saan walang asong kakahol sa kanya. Mga ilang saglit pa ay nakalabas din siya sa kanilang bahay ng wala nakakahuli. Agad niyang tinawagan ang barkada na kanina pa naghihintay sa kanya.
“Papunta na ako. Hintayin niyo na lamang ako dyan sa club ha? Sorry talaga. Parating naman na yung na-book ko na car eh. See you!” Pabulong nitong sinabi sa kanyang kausap sa telepono.
Mabilis naman siyang nakarating sa club kung saan nagpa-party ang kanyang mga kaibigan. Isang grupo ng mga kalalakihan na ngayon pa lamang niya nakilala at ilan sa kanyang barkada ang sumalubong sa kanya.
“Sa wakas nakarating din!” Pagbati sa kanya ng kaibigan na si Jenny na nakasuot ng spaghetti na damit ang maikling palda. “Oh inom na dali!” Agad siyang hinila nito paupo habang inaabutan ng isang basong alak.
“Inintay ko pa kasi matulog sila Mama eh, alam niyo naman ang mga iyon, napag-iwanan na sa makalumang panahon.” Natatawang sagot niya habang iniinom ang malamig na alak.
Isa, dalawa, tatlo at ilang basong alak pa ang ininom ni Tricia. Hanggang sa makaramdam na siya ng kaunting pagkahilo.
“Tara sayaw na tayo! Woohoo!” Sigaw nito habang hinihila ang mga kaibigan sa kalagitnaan ng dance floor. Nakailang ulit na inom pa siya at sa huling lagok na galing sa kanyang baso ay tila nawalan na siya ng kontrol sa kanyang katawan.
Naghalu-halong hilo at panghihina ang kanyang nararadaman ngayon, na hindi naman kadalasang nangyayari sa kanya pag siya’y umiinom.
Sinubukan niyang tumayo, ngunit hindi na niya makontrol ang kanyang pagkilos. Naramdaman na lamang niyang pinagpapasa-pasahan siya ng ilan sa mga kalalakihang kainuman niya habang nagtatawanan ang mga ito.
“Okay lang ba na ihatid niyo na si Tricia sa kanila? Mukhang sobrang lasing na kasi eh. Ise-send ko na lang sa text yung address niya ha?” Narinig niyang pakiusap ni Jenny.
“Sure. Kami na ang bahala.” Sagot naman ng lalaki na hindi na mamukhaan ni Tricia sa sobrang pagkahilo. Iyon na lamang ang mga salitang kanyang huling narinig bago tuluyang bumigay ang kanyang katawan sa sobrang kalasingan.
Unti-unting bumukas ang mata ni Tricia galing sa matingkad at mainit na sikat ng araw. Tumingin-tingin siya sa paligid at nagulat ito nang matagpuan ang sarili niya sa masusukal na damo sa isang bakanteng lote.
Napakapit na lamang siya sa kanyang ulo na pumipintig sa sakit ngayon. Sinubukan niyang alalahanin ang mga pangyayari noong lumipas na gabi, ngunit tila kulabo pa ang kanyang pag-iisip.
Iniikot pa niya ang kanyang mata kung nasaan lugar siya ngayon. Mabilis naman niyang natukoy ang lugar. Nasa bakanteng lote siya, dalawang kanto mula sa kanilang bahay.
Tinignan niya ang orasan na nakasuot sa kanya at tila ba lalo siyang nagising nang makitang alas dos na ng hapon. Wala na sa kanya ang kanyang bag o cellphone, pero wala na siyang pakialam dito, ang gusto na lamang niya ngayon ay makauwi sa kanila.
Tumayo siya at ipinagpag ang sarili. Dali-dali siyang naglakad pauwi, dahil panigurado galit na galit na ang mama niya sa kanya. Sinusubukan pa rin niyang alalahanin ang mga pangyayari, ngunit tila ba isang naburang memorya na ang lahat.
Ang alam lamang niya eh mayroon maghahatid sa kanya pauwi, ngunit ang sumunod na nangyari pagkatapos noon ay hindi na niya maalala at kung bakit doon sa damuhan na lamang siya ibinaba at iniwan.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating siya sa labas na kanilang bahay, ngunit labis siyang nagtataka kung bakit ang daming tao at tila ba nagkakagulo sa loob. Dahan-dahan siyang pumasok sa gate at nagulat nang makitang ang mga malalapit na kamag-anak ay naroon rin.
“May birthday ba?” Tanong niya sa kanyang sarili. “Oh baka naman, akala nila eh nawawala na ako.” Agad siyang tumakbo papasok sa loob.
Bumungad agad sa kanya ang ina niyang si Marissa na umiiyak ngayon habang yakap ang isang picture frame at kinakalma ng kanyang mga kapatid. Lalapitan sana niya ito nang mapukaw ang kanyang atensyon sa kanang bahagi ng kanilang sala. Mayroong maliliwanag na ilaw at…
“K-kabaong?” Tanong niya sa kanyang sarili. “Sino’ng namatay?” Iniikot niya ang kanyang mata sa paligid upang hanapin kung sino ang wala ngayon sa kanilang pamilya.
“Teka. S-si lola ba? Si Papa?” Napakapit siya sa kanyang dibdib at dahan-dahang lumapit sa puting kabaong. Nanlaki ang kanyang mga mata at napatakip siya ng bibig ng makita ang tao sa loob nito ay walang iba kundi..
“A-Ako?” Tanong ni Tricia sa kanyang sarili na tila ba hindi makapaniwala sa nakikita niya. “Ngunit paano? Bakit? Kailan?” At tila ba isang kidlat na lamang na tumama sa kanya ang memorya mula sa mga nangyari kagabi.
Isinakay siya pauwi ng tatlong kalalakihan. Ibinaba siya sa masukal na lugar at doon nagsimulang tanggalin ang kanyang saplot. Sinubukan niyang lumaban ngunit sobrang hinang-hina ang kanyang katawan dahil sa alak. Sinubukan niyang sumigaw upang humingi ng tulong ngunit pinasakan naman ng panyo ang kanyang bibig.
Wala siyang ibang nagawa kundi umiyak. Pinagpasa-pasahan siya ng mga lalaki na tila ba tuwang-tuwa pa sa ginagawa. Siya’y pinagsamantalahan ng walang kalaban-laban. Inipon niya ang kanyang lakas at sa huling pagkakataon ay sinubukan niyang suntukin at sipain ang huling lalaki na nasa ibabaw niya, ngunit ginantihan siya nito ng isang malakas sa suntok sa sikmura at ulo. Ang malakas sa suntok sa kanyang ulo ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Ngayon ay nakatingin siya sa kanyang katawan na nakahiga sa puting kahon. Tila ba lahat ng sakit na naramdaman niya nung gabi ay biglang nagbalik. Naglakad siya pabalik sa kanyang ina, at ang mga salitang kanyang narinig ay nagpatigil ng kanyang mundo.
“Bakit hindi ka kasi nakinig? Diyos ko, ang anak ko.” Hagulgol ng kanyang ina habang hawak ang litrato ng anak. “Anak! Mahal na mahal ka ni Mama!” Sigaw pa nito.
Napangiti na lamang siya ng mapait habang binibigkas ang mga salitang, “Sorry Ma. Mahal na mahal din kita.” At doon bumuhos ang kanyang mga luha kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan ng mga oras na iyon.
Nahanap at nahuli naman ang mga lalaking nagsamantala at pumatay kay Tricia, sa tulong ng mga kaibigan at kasama nito noong gabi. Nasintensyahan ang mga ito ng pang-habangbuhay na pagkakakulong. Nailibing si Tricia limang araw mula nang matagpuan ang hubad na katawan nito sa masukal at bakanteng lote.
Ang pangyayaring ito sa buhay ni Tricia ay naging malaking balita at aral para sa mga taga doon. Naging mapait ang kapalit ng kanyang pagtakas at kapusukan. Ang inaakala niyang pansamantalang kalayaan ay siya palang maghahatid sa kanya sa huling hantungan.