Dahil sa Kahinaan na ng Katawan ay Laging Natatabig ng Matanda ang Pagkain sa Lamesa Kung Kaya Pinalabas Siya ng Anak, Kakaiba ang Naging Pagtanggap ng Apo Niya sa Sitwasyon
“Ano ba naman ‘yan Tay, konting subo nalang natapon mo pa. Baka akala mo nagpupulot lang tayo ng pagkain dito!” atungal ni Johnson na anak ng matandang si Mang Jelo.
Sa tuwing kakain kasi sila ay palaging natatapon ang pagkain at tubig nito dahil sa hindi na nito maaninag maigi ang mga bagay-bagay dala ng kalabuan ng mata. Dahil doo’y nakaisip ng isang paraan ang mag-asawa. Napagdesisyunan nila itong ihiwalay sa kanila sa pagkain. Sa labas kung saan kahit gaano karami pa ang matapon o maikalat nito ay hindi sila mamomroblemang ligpitin.
Ngunit dahil napalapit na rin ang bunso nilang si Jethro sa lolo nito ay palagi nitong sinisilip ang matanda habang kumakain sa labas, lalo na kapag umuulan. Hanggang isang araw ay bigla na lamang dinala ng bata ang plato’t mga pagkain nito palabas ng bahay.
“Saan mo dadalhin ‘yan Jethro?” tanong niya sa anak.
Ngumiti ang bata at sinabing. “Kay lolo po. Kawawa naman po kasi siya, wala siyang kasamang kumain sa labas. Lagi ko pong napapansin na malungkot siya. Kaya gusto ko naman pong samahan siya ngayon.”
Natulala ang asawa. Hindi nila akalaing na sa murang edad ay magkakaroon ito ng pagmamalasakit sa iba, lalo na sa lolo nito na madalas niyang kalaro noon. Simula kasi nang mapalabas nila ito sa tanghalian o anumang oras ng kainan ay hindi na rin ito gaanong pumapasok sa kabahayan.
“Lolo, simula po ngayon, sasamahan ko na kayo. Alam ko po kasi na malungkot ang nag-iisa.”
Dahil sa narinig ay napilitan nang papasukin ng mag-asawa ang kaawa-awang matanda sa labas ng bahay. Sinasabay na rin nila ito sa pagkain.
Dumaan ang mga araw ay nakakatuwang kahit ilang beses pang di-sinasadyang maikalat ng matanda ang pagkain o anumang bagay sa mesa at kabahayan ay hindi na sila nagrereklamo. Doon napagtanto ng mag-asawa na tunay ngang isang kayamanan ang anak nilang si Jethro na dahil dito ay napagtanto nila ang tamang asal na dapat ipakita sa matanda.
Kung ating iisipin, marami na talaga sa matatanda ngayon ang nagbabago, hindi lamang ang pisikal na kaanyuan, kundi ang kanilang mentalidad. Tayo, bilang mas bata, ang dapat na mas nakakaintindi sa kanila Hindi natin dapat sabayan ang galit o pagbabago nila. Dahil noon ay hindi rin naman sila nagreklamo sa pag-aalaga sa’tin at pagiging magkulit natin diba?