Nakita ng Chismosa ang mga Laman Loob ng Tao sa Ref ng Bagong Lipat na Kapitbahay; Ang Karanasang Ito ang Nagturo sa Kanya ng Importanteng Leksyon
Kilala si Matet na chismosa sa kanilang barangay. Ang asawa niya ay may trabaho maghapon at ang nag-iisang anak niya naman ay nag-aaral, kaya naman kung wala siyang magawa maghapon ay nangangapit-bahay na lamang siya at nagkakalat ng chismis.
Ugali na niya ang dire-diretsong pagpasok sa bahay ng may bahay at magbungkal sa mesa ng mga ito at sa ref para tignan kung maraming pagkain. Minsan nakikihingi siya, kadalasan ay para i-chismis lang iyon sa iba.
“Diyos ko mars si Hilda, pa-ref ref pa sayang lang ang kuryente, tubig lang ang laman! Mano bang bumili na lang ng yelo kay Te Belen kung pagpapalamig lang pala ang gusto,” tatawa tawang sabi niya, nagkukuwentuhan sila ngayon ng kumare niyang si Lolet sa tapat ng isang sari-sari store.
“Nakita mo? Baka naman nasa mesa ang pagkain nila. Nayayabangan pa naman ako dyan kay Hilda, wala naman palang laman ang bahay,” komento naman nito.
“Ay hindi! Talagang wala, sabi sayo, ang baboy pa sa bahay. Pagpasok ko luma na ang tiles. Tapos sa isang kwarto lang pala sila natutulog buong pamilya, walang kwarto ang mga anak. Baka walang pera,” pabulong pa ang pagkasabi niya. Tumango naman ang kanyang kumare, nagkatinginan naman sila nang isang truck na may dala-dalang mga gamit ang tumigil sa bakanteng bahay malapit sa kanila.
“Ba, may bagong mangungupahan kay Ate Alice?” ang tinutukoy niya ay ang kapitbahay nilang may ari ng mga apartment na paupahan.
“Ay oo, narinig ko nga raw hindi na bakante. Nasa abroad raw ang asawa niyang bagong lipat eh.” sabi ni Lolet.
“O? Di mayaman pala no,” sabi niya. Tinatanaw pa nila ng tingin ang babaeng bumaba, akay nito ang dalawang anak na sa tingin nila ay sampu at siyam na taong gulang. Mukhang may kaya nga kasi bukod sa mga delivery boy ay may ilang tauhan pa itong minamanduhan.
Mabilis lumipas ang araw at kinaibigan ni Matet ang bago niyang kapitbahay, na ang pangalan ay Reyva.
“Ako nga ay tinatamad sa bahay namin, wala naman kasi akong kasama kaya gusto ko palaging may ka-kwentuhan, ikaw ba ano ang pinagkakaabalahan mo?” tanong niya kay Reyva.
“Ito, nag-ay!” napasigaw ang babae nang may marinig na kumalabog sa loob ng bahay nito, nasa gate kasi sila ngayon at nagkukwentuhan.
“Mukhang nakabasag ang anak ko, halika pasok nalang tayo sa loob. Doon tayo magkwentuhan,” sabi nito.
Napangiti naman si Matet, makikita niya na rin ang loob ng bahay nito at maichichismis niya sa iba. Hmm, malaman nga kung maraming de lata at pagkain.
“Halika, meryenda ka muna. Sisilipin ko lang ang anak ko sa itaas,” sabi nito at sinamahan na siya diretso sa kusina. Naglabas ito ng juice at cake, tapos ay umakyat na para tignan kung ano ang nabasag ng anak.
Alam ni Matet na matatagalan ito kaya sinamantala niya ang pagkakataon at nagmasid masid siya, unti-unti niyang sinilip ang nakatakip sa mesa nito, may tasa kasi doon. Medyo nanlaki ang mata niya nang makitang dugo ang naroon, nanindig ang kanyang mga balahibo.
Lumingon siya sa kaliwa at kanan bago sinilip dahan-dahan ang laman ng ref nito, at ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang makita ang laman ng ref.
May mga laman loob doon, tiyak niyang sa tao. Sa isang tupperware ay may atay pa at maraming maraming dugo!
Diyos ko po!
Pumasok siya sa lungga ng halimaw! Sigurado siya na patibong lang nito ang kunwari ay pagkabasag ng anak sa kung ano para lang pumasok siya sa loob ng bahay nito. Napapitlag pa siya nang marinig niya itong nagsasalita habang bumababa ng hagdan.
“Hello? Nandito nga sa loob, ipinasok ko muna. Hindi ko ito pwedeng itapon basta, baka may makakita at mapag-isipan ako ng masama. Oo! Pwede mong i-freeze at ilagay sa ref mo. Si denden eh, iniimbak lang dito, baka mangamoy.” sabi nito.
Kinabahan siya, alam niyang siya na ang pinag-uusapan ng mga ito. Balak siyang katayin at ipamigay ang laman loob niya, nakaramdam siya ng awa sa mga taong nabiktima nito na siyang nasa ref nito ngayon pero saka niya na iisipin iyon. Sa ngayon ay kailangan niya munang makatakas.
“Matet?” sabi nito sa likod niya, nakatitig sa kanya.
Walang anu ano’y tumakbo palayo si Matet, diretso sa kanyang bahay at ini-lock iyon.
Takang-taka naman si Reyva pero binalikan niya na muna ang kausap sa telepono, “Oo, masarap talaga ang dugo ng baboy. Diba sabi ko mabubuo ito tapos pwede mong ibentang ihaw. Hindi nga-hindi ko nga pwedeng itapon dito kasi baka sabihin ng mga kapitbahay ko salaula ako. Mabubulok lang ito, pati mga atay balunan ibibigay ko na sayo. Sige, sige, Bye.” sabi niya.
Pagkababa niya sa telepono ay napaisip siya, ano na kaya ang nangyari kay Matet? Napansin niya pang medyo bukas ang pinto ng kanyang ref, ah, baka may emergency lang.
Lingid sa kaalaman ni Matet ay may pwesto si Reyva sa palengke at nagtitinda ito ng baboy. Ang mga paninda nitong di nauubos ay nakaimbak sa ref nito upang ipamigay, sa sobrang pagkachismosa niya ay nahanap niya ang kanyang katapat at muntik pa siyang atakihin sa puso.
Wala namang malay si Reyva na naturuan niya na pala ng leksyon ang isang beteranang chismosa, siguro naman pagkatapos noon ay titigil na ito.