Masaya ang Binata sa Piling ng Kanyang Ama Hanggang Matuklasan Niya ang Matinding Lihim Nito
Lumaki si Allen na malapit sa kanyang ama, hiwalay na kasi ito at ang kanyang nanay simula noong apat na taong gulang pa lamang siya. Ngayon ay 17 years old na ang binatilyo, silang dalawa nalang ni Mang Rody ang magkasama.
“Nak, ano na’ng score?” sabi ng matanda, may dala itong chicharon at tinabihan pa siya sa salas.
“Tambak tay, parang mananalo ka sa pustahan ah,” napapailing na sabi niya. Nanonood sila ngayon ng basketball.
“O pano ba yan, edi ikaw ang maghuhugas ng pinggan mamayang hapunan?” natatawa na ito.
Ganito lang sila kung araw ng Linggo, bonding na nila ang manood ng TV at magkwentuhan. Kapag may pasok kasi sa eskwela si Allen ay namamasada naman ng jeepney si Mang Rody.
Bilib na bilib si Allen sa tatay niya dahil kahit na halata namang hirap ito ay itinataguyod nito ang kanyang pag-aaral. Palagi nitong sinasabi na edukasyon raw ang tanging maipapamana nito sa kanya dahil salat ito sa pera.
Ayaw raw nitong matulad siya rito na high school ang tinapos, mahirap ang buhay.
“Birthday mo na pala sa isang Linggo, ano ba ang gusto mong regalo anak?” sabi nito sa kanya.
“Kahit ano tay, para ngang mas gusto na simpleng salu-salo lang. Pwede ho ba akong mag-imbita ng mga kaibigan?” sabi niya rito.
Saglit itong nag-isip at tila ba kinukwenta ang budget, “Maari naman. Bibili na lang ako ng isang bilaong pancit at juice, syempre may cake rin. 18 na ang anak ko eh,” sabi nito.
“Ayos tay, excited na ako!”
Mabilis lumipas ang isang linggo na masaya ang binata, sabik na kasi siya sa araw ng Linggo. Tiyak niyang magiging masaya iyon dahil maipapakilala niya na sa kanyang barkada ang kanyang mabait na tatay. Ayaw kasi ng matanda na sumasama sa eskwela dahil baka raw mapahiya lang siya sa ayos nito, wala namang kaso iyon sa kanya. Proud pa nga siya, pero di niya talaga mapilit ito.
Kaarawan na ni Allen at sinundo niya lang ang kanyang mga kaibigan sa kanto dahil di alam ng mga ito ang pasikot-sikot papunta sa bahay nila. Medyo natagalan pa nga siya dahil Filipino time ang sinusunod ng mga kaibigan niya, ang lalabo kausap!
“Ang tagal nyo, kanina pa nakahain ang tatay ko roon.” sabi niya sa isang kaibigan.
“Pasensya na, to kasi eh. Dinaanan ko sa kanila naliligo pa lang pala. O ano? Nagtext ka sabi mo ready kana,” paninisi naman ng isa sa katabi.
Napapailing naman si Allen pero nakangiti rin naman, nilakad na lamang nila ang papunta sa kanilang tahanan. Malapit na sila roon nang mapansin niyang may kotseng nakatigil sa tapat ng kanilang pintuan.
“Ba, baka nag imbita rin si Tatay. Big time ang tropa ng tatay ah, di kotse.” sabi niya. Nauna na siyang pumasok sa pinto at nakasunod ang mga kaibigan niya. Nagulat pa siya dahil medyo mataas ang boses ng kanyang ama na nagsasalita.
“Kasal ka sa akin pero noong nagtaksil ka hindi ka nakarinig sa akin ng masama, tinanggap pa kita Rhoda kahit buntis kang bumalik dito. Pero niloko mo lang ako ulit. Ang tagal mong natiis ang anak mo, wag nyong sasabihin sa akin na hindi nyo alam kung saan makikita si Allen dahil alam nyo kung saan ang bahay ko- kahit kailan hindi ako lumipat. Tapos ngayon dahil ma-pera na ang lalaking yan, kukunin nyo sa akin si Allen?” galit na sabi nito.
“Pabayaan mo na lang akong makita ang anak ko para hindi na magkagulo. Nanay ako, sa akin sya dapat na mapunta,” matigas naman na sabi ng babaeng nakatalikod, na sa tingin ni Allen ay ang kanyang ina. May katabi itong isa pang lalaking may edad na rin.
“Tay?” naguguluhang sabi ni Allen, napalingon sa kanya ang tatlo.
“Anak! Diyos ko Allen, sumama ka na sa amin ng daddy mo. Magiging masaya tayo, buong pamilya,” nakangiting sabi nito na hinahaplos-haplos pa ang kanyang pisngi.
“Ano’ng daddy? Si tatay Rody ang-“
Naputol ang kanyang sasabihin nang magsalita ang lalaking katabi ng kanyang ina. “Bakit di mo sabihin Rody? Sabihin mo kay Allen ang totoo!” sabi nito.
Gulong-gulo na napatingin si Allen sa kanyang tatay Rody, lumuluhang nagsalita ang matanda.
“Baog ako Allen, hindi ako ang tunay mong ama. S-sila ang tunay mong mga magulang,” malungkot at nakatungong sabi nito.
Parang bombang sumabog naman iyon sa pandinig ni Allen, bunga pala siya ng pagtataksil ng kanyang ina.
Nanliliit namang mabuti si Mang Rody, sa harap pa mismo ng mga kaibigan ng kanyang anak ay naisiwalat ang katotohanan. Napahiya pa si Allen, tiyak niyang di siya mapapatawad ng kanyang anak.
Nakahawak siya sa mesa kung saan naroon ang pancit na masaya sana nilang pagsasaluhan ng kanyang anak, pero nasira ang lahat. Nanghihina siya dahil alam niya, malaki ang tsansa na mawala na si Allen sa kanya.
Lalo pa ngayon na nakilala na nito ang tunay nitong ama. Ano nga ba naman ang laban ng isang hamak na jeepney driver sa mayamang tatay na di kotse? Wala.
“Allen, you have to decide son. Sumama ka na sa amin ng mommy mo, kaya ka naming bigyan ng magandang buhay. Kami ang bahala sa iyo, iwan mo na si Rody. Hindi mo sya kaanu-ano anak.” sabi ng lalaki.
Sumulyap sa kanila isa-isa si Allen bago ito nagsalita, “Ikaw ay mayaman at di kotse, pero sa loob ng 17 years ay di ka nag-abalang gumastos man lang ng pamasahe para mapuntahan ako at magpaka-ama sa akin. Hindi ikaw ang kasama ko noong una akong nasugatan, noong tinuli ako, noong unang beses akong umiyak. Ang tatay Rody ko ay jeepney lang ang sasakyan at minsan lang ako mabilhan ng masarap na ulam, pero alam kong galing iyon sa pawis niya.
Ang tatay Rody ko kahit kailan ay hindi ako iniwan at hindi ipinaramdam sa akin na iba ako. Kaya kong mabuhay nang wala kayo, pero hindi ako mabubuhay kung wala ang tatay Rody ko,” dire-diretsong sabi nito.
Hindi namamalayan ni Mang Rody na tumutulo na ang kanyang luha.
Habang ang mag-asawa naman ay nakaramdam ng pagkapahiya at galit, hindi nila inaasahan na ganito ang magiging reaksyon ng kanilang anak.
“Pero ako ang tunay mong ama!” sabi ng lalaki.
“Hindi ho kayo ang tatay ko. Dahil ang pagiging ama ay hindi nasusukat sa paggawa mo ng bata, ang batayan noon ay kung paano ka naghirap na palakihin at mahalin siya. At sa ganoong usapan po, si Tatay Rody ang ama ko,” sabi niya at niyakap ang matanda.
Wala nang nagawa ang mag asawa, dahil ipinamukha rin ni Allen na 18 years old na siya ngayong araw at nasa legal na edad na para pumili kung ano ang gusto niya, at hinding-hindi niya maiiwan ang tatay niya. Di bale nang mahirap, basta kasama niya ito. Ipinaalala niya rin na kasal pa rin ang tatay Rody niya at ang kanyang ina at pag di sila tumigil sa panggugulo ay kakasuhan nila ito ng pagtataksil.
Bigong umalis sa lugar na iyon ang mag asawa, at ipinagpatuloy ng mag ama ang masayang selebrasyon. Hindi naman galit si Allen sa kanyang mga magulang, ayaw niya lang na hahamakin ng mga ito ang taong pinagkakautangan niya ng kanyang buhay, si Mang Rody.
Sa sipag at tiyaga ay nakapagtapos ang binata sa kolehiyo, kaunting hirap pa at naging isa na siyang ganap na abogado. Ibinili niya ng maraming jeepney ang kanyang tatay Rody, ngayon ay may mga tauhan na ito at di na kailangan pang mamasada.
Masaya ang matanda dahil kahit nakapag-asawa na si Allen ay di siya kinakalimutan ng anak, pinagpagawaan pa nga siya nito ng sarili niyang bahay. Tuwing linggo ay bumibisita sa kanya ang anak kasama ang kanyang mga apo. Bali-baliktarin man ang mundo at ulit-ulitin man ang pangyayari ay di magsisisi si Mang Rody na tinanggap niya si Allen noon.