Winaldas ng Binata sa Bisyo ang Pinapadalang Pampaaral ng Magsasakang mga Magulang; Dahil sa Panghuhuthot Niya’y Nawalan Siya ng Ina
Hilong-hilo na nang makauwi si Oliver, hatinggabi na nang gegewang-gewang pa siyang naglakad patungo sa kanyang dormitoryo. Galing siya sa isang inuman sa bar, kolehiyo na siya at nag aaral sa isang sikat na unibersidad. Kahit ganon ay di mayaman ang kanyang mga magulang, magsasaka ang dalawa sa Bicol. Dati ay may sarili silang lupang sinasaka pero binenta iyon ng dalawa para may pambayad sa tuition niya.
Ngayon ay nakikisaka na lamang ang mga ito, at syempre, lalong humina ang kita. Bago makapagpadala ang mga ito ng allowance niya ay katakut-takot na pagod at pawis ang inaabot ng dalawang matanda.
“Tol, amoy chico ka nanaman ah,” bati ng room mate niya sa kanya. Tinitigan niya lamang ang lalaki dahil hilung-hilo talaga siya. Nag-ring naman ang cellphone niya na sinadya niyang iwan sa kanyang maliit na cabinet para walang makaistorbo sa pagliliwaliw niya.
“Oo nga pala, kanina pa ring ng ring yang phone mo. Sinilip ko akala ko kasi alarm. Bagong chicks yan no, wag ka mag alala di ko naman sinasagot or ine-end call. Pinababayaan ko lang,” sabi ulit sa kanya ng lalaki. Hindi naman siya makapagsalita, gustong-gusto na niyang matulog dahil sa kalasingan nang biglang mag ring muli ang telepono.
Walang siyang choice kung hindi sagutin yun.
“Low?” lasing na sabi niya.
“Nak? Kanina pa kami tumatawag sayo. Tong nanay mo makulit, sabi ko ay baka busy ka sa eskwela pero hindi makatulog, nag-aalala at gusto kang ma-kamusta,” sabi ng ama niya sa kabilang linya.
Medyo nagising naman ang diwa ni Oliver, di maaaring malaman ng parents niya na lasing sya. Ipinasa ng kanyang ama sa nanay niya ang telepono at mamaya pa ay narinig niya na ang boses ng ginang.
“Hello? Nay? Ah, nesa loob kasi ng b-bag ko yung shellphone, di ko narhinig, nagri-ring pala. Kakauwi ko lang eh, hanggang hating-ggabi ang klaseh koh… hik!” sabi niya na napasinok pa dahil sa pagkalango.
“Bakit ganyan ang boses mo anak? Ayos ka lang ba? Grabe ang eskwela talaga ano? Ganyan pala yan, hindi kasi kami nakapagkolehiyo ng tatay mo eh.” sabi ng nanay niya.
“O-oho. Sa kahtunayan nga eh, kailangan raw ng dalawang libo na babayaran poh,” sabi niya. Naubos kasi ang allowance niya kakainom, bale ba ay nagyayaya ulit ang tropa niya na gimik ulit bukas. Nakakahiyang tumanggi.
“Ha? Diba at kakapadala lang namin? Ang dami nyong proyekto anak,” sabi ng nanay niya.
“Eh gahnun talaga pinapaaral nyo akoh, natural may project. Kung ayaw nyo naman-“
“Naku hindi! Papadalhan ka namin agad. Wag kang mag alala anak, basta para sa pag aaral mo,” sabi nito.
Maya-maya pa ay natapos na ang tawag. Kinabukasan rin ay nakuha rin ni Oliver ang pera, winaldas niya iyon kakagimik at kakatambay sa bilyaran. Ni hindi na nga siya pumapasok sa mga klase niya. Balak niya sanang manghingi muli ng pera pagkalipas ng tatlong araw.
Ida-dial niya palang ang number ng mga magulang niya nang mauna na iyong tumawag sa kanya.
“Hello tay? Tamang-tama, kailangan ko ho ng-” naputol na ang sasabihin niya nang biglang magsalita ang kanyang ama. At di niya inaasahan ang sumunod na sasabihin nito.
“Wala na ang nanay mo ‘nak,” humihikbi ito sa kabilang linya.
“Ho?!” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Ngayon lang, narito kami sa ospital. Kahit pangtubos sa katawan niya ay walang wala ako, naipadala na namin sa iyo.” sabi nito.
“Ano hong nangyari?!”
Grabe ang kaba sa puso ni Oliver, sana ay nananaginip lang siya.
“Diba may sakit sa puso ang mama mo, eh ipinadala niya sa iyo yung dalawang libong pang maintenance niya sanang gamot. Ubod ng init dito, bigla nalang siyang natumba.”
Tulala si Oliver. Nagbalik sa alaala niya ang dalawang libong pisong walang habas niyang ginastos. Nanlibre pa siya ng mga kaibigan, di niya alam na tinipid ng ina ang sarili para doon.
Nagbuwis ng buhay ang nanay niya para lang sa pagbubulakbol nya!
Umuwi sya ng bicol upang magluksa sa kanyang namayapang ina. At para narin humingi ng tawad sa kasalanang ginawa nya. Habang nagpapakapagod ang kanyang magulang sa pagtatanim ay sya namang gasta niya sa kung anu anong kalokohan sa Maynila. Labis ang pagsisisi ng binata.
Tunay ngang labis ang pagmamahal ng isang ina. Pagmamahal na hindi nya na muling mararamdaman.