Sinasaktan ng Lalaki ang Anak sa Tuwing Yayayain Siya Nitong Makipaglaro, Napakalaki ng Pagsisisi Niya nang Lumaki ang Bata
Binata pa lamang si Deo ay malapit na ang kanyang loob sa mga lumang bagay. Hindi lamang siya nangongolekta kundi ibinebenta niya na rin ang mga ito. Simula sa mga maliliit na lumang barya hanggang sa mga malalaking antigong upuan ay hindi niya pinalalagpas. Hanggang sa nagkaroon na sya ng sariling pamilya ay ipinagpatuloy nya ang pangongolekta, mayroon pa nga siyang ipinagawang kwarto sa bahay nila para lang paglagyan ng mga antique niyang koleksyon. Marami siyang kolektor na kausap upang pagbentahan ng mga koleksyon niya.
Buong linggo ay abala si Deo sa opisina, kadalasan ay alas onse na siya nakakauwi at tuwing Day off nya naman ay mas gusto nya pang magpunas ng alikabok sa kanyang mga koleksyon kaysa kalaruin at makasama ang apat na taong gulang nyang anak, si Dame.
Kaawa-awa ang bata na parang namamalimos ng atensyon nya, si Deo nalang kasi ang natitira rito. Ang misis nya ay lumayas dalawang taon na ang nakararaan at iniwan sa kanya ang bata, wala raw kasi siyang ibang mahal kundi ang kanyang koleksyon. Hindi niya naman tinangkang habulin ang babae dahil sa tingin niya ay makitid ang utak nito, masyadong nakakasakal.
“Daddy tingnan mo, umiilaw yung Yo-yo ko.” tuwang-tuwang sabi ng bata.
“Mamaya na anak, bumalik ka muna sa kwarto mo at kinakausap ko ang kliyente ko.” sinabi iyon na hindi man lang tinitingnan ang bata, masyadong okupado ang isip nya sa malaking halagang inooffer ng kausap nya na bibili ng kanyang antique na vase. Papunta siya ngayon sa kwarto na kinalalagyan ng kanyang koleksyon.
“Edi daddy sasama na lang ako sayo at dyan tayo magplay.”
“Diba sabi ko naman sayo na wag na wag kang papasok sa kwartong ito dahil nandito ang mga koleksyon ni daddy. Kapag nakabasag ka dito malalagot ka sakin.” Seryosong sabi nya sa bata.
Mabilis tumakbo ang oras, marahil na rin siguro sa pagod sa buong araw na pakikipagusap sa kliyente ay di na namalayan ni Deo na nakatulog na sya. Nagising na lamang sya sa isang malakas na kalabog.
BLAG!
Nagising ang diwa at napahawak sa dibdib si Deo nang kanyang makita ang anak na may dugo ang kamay at iyak nang iyak. Pero hindi iyon ang pinroblema niya, mas nanlaki ang mata nya nang makita nya sa paanan nito ang basag na vase na dapat ay bibilhin na bukas ng isang kliyente sa halagang 300,000.
Anak ng patola! Pera na nabasag pa!
Dali-dali syang lumapit at sa halip na unahin ang kalagayan ng bata ay mas nagalala sya sa mamahaling basag na vase.
“Daddy, I’m sorry hindi ko naman po sinasadya.” natatakot na sabi ng bata, hindi ito makatingin nang diretso sa kanya at nanginginig pa ang mga kamay.
“Diba sinabi ko naman sayo! Wag na wag kang papasok sa kwartong ito! Hindi ka talaga nakakaintindi eh!” bulyaw nya sa kanyang anak na umiiyak. Kinuha nya pa ang isang kamay nito at pinalo iyon, napakatigas ng ulo ng batang ito! Kailangan pa talaga nasasaktan bago nakikinig eh.
Makalipas ang ilang taon
Malungkot na iniligpit ni Deo ang mga damit ni Dame, bawat lagay niya sa kahon ng mga gamit nito ay siyang patak naman ng kanyang mga luha.
Lumaki ang binatilyo na malayo ang loob sa kanya at bulakbol, alam nya, na malaki ang parte nya kaya nagkaganoon ang anak. Hindi niya ito tinutukan at ipinadama niyang hindi ito mahalaga sa kanya.
Isang linggo na ang nakakalipas nang ilibing ito, kinuha si Dame sa kanya ng isang malagim na aksidente nang magmaneho ito habang lasing.
Ang anak nya…Ang buhay nya.
Malaki ang pagsisisi ni Deo, sinulyapan nya ang mamahaling koleksyon ng Antique, naalala niya noong napalo niya ito dahil lang ninais ng bata ng kaunting oras mula sa kanya.Nawalan na nga ito ng nanay ay parang pati siya ay nawala na rin dito.
Tila ba nawalan ng halaga ang mga antique ngayon, aanhin nya ang maraming pera kung wala na ang nag-iisa nyang anak?
Sana, kinalaro nya na ito noon. Sana binilhan nya ito ng maraming yo-yo. Sana ay ipinaramdam niya rito kung gaano niya ito kamahal dahil kahit gaano karaming luha ang iiyak niya ngayon ay huli na ang lahat.
Sana hindi niya inuna ang materyal na bagay dahil ang anak nya ang pinakamagandang kayamanang nagkaroon sya, pero binalewala nya.