Inday TrendingInday Trending
Nasirang Tiwala Dahil sa Maling Akala

Nasirang Tiwala Dahil sa Maling Akala

“Pero, hon! Kasama ko naman doon ang tropa kaya payagan mo na akong pumunta sa birthday ni Julius!” pagmamakaawa pa ni Raymond sa asawang si Carol.

“Naku! Birthday, birthday! Ang sabihin mo ay nandoon kasi si Jenny kaya gusto mong pumunta! Pagbuhulin ko kayo ng kabit mo, eh,” sabi ni Carol habang naghuhugas ng pinggan. Kanina pa nagpapaalam sa kaniya ang asawa at tuwang-tuwa naman siyang pahirapan ito.

“Hon! Sobrang tagal na nung nangyari iyong nakita mo kaming magkayakap! At ‘yung sa mga text isang beses lang akong nag-reply dun. Bakit ayaw mo kasing basahin ‘yung reply ko? Hanggang ngayon ba naman ay wala ka pa ring tiwala sa akin?” sabi ni Raymond sa asawa na tila pagod na sa kakapaliwanag.

“Wala! Kaya magtigil ka dito sa bahay at alagaan mo ‘yang mga anak mo! Tutal wala ka namang pasok ngayon ako naman ang magsasaya.” Nakita ni Carol ang pagguhit ng sakit sa mata ng mister ngunit wala siyang pakialam. Ito ang unang nagloko at nanakit sa kaniya kaya dapat ay masaktan din ito.

Dati kasing kasintahan ni Raymond ang hitad na Jenny na iyon. Isang araw ay naabutan niyang magkayakap ang dalawa sa inuman ng magto-tropa. Talagang nag-eskandalo siya noon.

Pagkatapos ng eksenang iyon ay nakita niya pa sa cell phone ng asawa na nag-text ang malanding si Jenny dahil nais nitong makipagkita. Sinabi raw kasi ng asawa niya na mahal niya ito at ito lang ang babaeng nasa puso niya.

Nabulag siya noon sa selos at galit kaya saglit silang naghiwalay ngunit dahil iniisip niya ang mga anak nila ay binigyan niya ng ikalawang pagkakataon ang asawa.

Hindi na niya pinakinggan ang mga paliwanag nito. Para saan pa? Kahit anong pilit niya ay ayaw na ng puso niyang magtiwala ulit dito. Ang nais niya ay gantihan ito araw-araw.

Simula nung pangyayaring iyon ay nagbago na ang relasyon ng mag-asawa. Ang dating maalagain at pasensyosang si Carol ay laging sarkastiko nang magsalita at nadadabog kapag kausap ang asawa niya ngayon.

Batid naman ni Raymond na nagkamali siya kaya pinipilit niyang makabawi sa kaniyang misis.

Tuwing anniversary nila ay talagang pinaghahandaan niyang mabuti. Ngunit ni minsan ay hindi na natuwa ang asawa niya sa kaniya.

“O, anong gagawin ko sa alahas? At saka bakit ba may roses ka pa? Ibigay mo na lang ang pera sa akin sa susunod at hindi ganiyang sinasayang mo ang oras ko,” mataray na sabi ni Carol noong isang beses na sinorpresa niya ito.

Sobra siyang nasasaktan araw-araw dahil nakikita niyang nasasaktan pa rin ang misis niya. Maski ang pagngiti at pagtabi sa kaniya sa kama ay ipinagkakait na rin nito sa kaniya.

Ano pa kaya ang kailangan niyang gawin upang lubos siya nitong mapatawad?

Gabi-gabi ay nagdadasal si Raymond sa Diyos na sana ay bigyan siya nito ng pagkakataong makabawi sa kaniyang asawa.

Nung araw na iyon ay dininig ng Diyos ang panalangin ni Raymond.

Linggo nung araw na iyon at umalis na naman si Carol upang makapagliwaliw. Si Raymond naman ang naiwan sa bahay dahil hindi ito pinapayagang umalis ng asawa kahit para mamasyal man lang.

Humahangos na kumatok sa kanilang pintuan ang kapatid ni Carol na si Dino.

“Kuya Raymond, kuya! Nasaan ang ate? Si tatay nasagasaan. Sinugod sa ospital!” hingal na hingal na pagbabalita ni Dino.

Pagkarinig naman niyon ay agad hinanap ni Raymond ang kaniyang cell phone para i-text ang asawa ngunit hindi niya iyon makita. Naalala niyang naging ugali na ni Carol na itago ang kaniyang cell phone tuwing aalis ito.

Dahil hindi niya alam kung saan naroroon ang asawa ay iniwan na lang niya muna ang dalawang anak nila sa kanilang kapitbahay at siya na lang muna ang pumunta sa ospital.

Pagdating doon ay ibinalita sa kaniya ng doktor na kritikal ang lagay ng matanda. Napuruhan ang nag-iisa na lang nitong bato at ngayon ay kumakalat na ang lason sa katawan nito. Kailangang makakuha kaagad sila ng bato na ipapalit dito kung hindi ay maaari itong bawian ng buhay.

Tinangka ni Dino na magpresintang mag-donate ngunit hindi siya puwede dahil may sakit din ito kaya naman nagpasya si Raymond na siya na lamang ang magbibigay ng isa niyang bato sa kaniyang biyenan.

Mahal na mahal ni Carol ang kaniyang ama kaya hindi hahayaan ni Raymond na mawala ito sa mundo lalo pa’t hindi pa dumadating sa ospital ang kaniyang asawa.

Maaaring ito na rin ang daan upang maipakita niya ang lubos na pagmamahal niya sa asawa.

Kahit wala pa sa ospital si Carol ay agad nang isinalang sa operasyon si Raymond matapos siyang suriing mabuti ng mga doktor. Napakatagal ng naging proseso hanggang sa nagsimula na nga ang operasyon.

Matagumpay na nailipat ang bato ni Raymond sa ama ni Carol. Ligtas na rin sa panganib ang buhay nito dahil sa tulong ng lalaki.

Nagising si Raymond mula sa mahabang pagkakahimbing dahil sa mainit na likido sa kaniyang kamay. Narinig niyang umiiyak ang kaniyang asawa sa kaniyang tabi habang hawak nito ang kaniyang kamay.

“Maraming, maraming salamat. Iniligtas mo ang tatay ko kahit napakasama ko sa’yo. Hindi ako naging mabuting asawa. Hindi kita pinakinggan dahil nasaktan ako. Pero ngayon ay napagtanto ko na naging makasarili ako. Patawarin mo sana ako sa kawalan ko ng respeto at paghihigpit ko sa’yo. Magpagaling ka na please,” iyak ni Carol na hindi man lang namalayang gising na pala ang kaniyang asawa.

Naisip ni Raymond na baka iyon na ang tamang pagkakataon para maipaliwanag niya ang “pagtataksil” niya noon.

Nagulat pa ang kaniyang asawa nang bigla siyang magsalita.

“Noong araw na iyon ay hindi ko naman alam na dadalo din si Jenny sa inuman. Uuwi na sana ako dahil medyo hilo na ako sa alak nang bigla na lang niya akong yakapin. Dahil nga lasing ako akala ko ikaw ‘yung yumakap sa akin kaya yumakap din ako ng mahigpit. Sinabi ko sa kaniyang mahal na mahal ko siya at siya lang ang nag-iisang babae sa puso ko. Nagulat talaga ako nang makita kita bigla na galit na galit at sinasabunutan na si Jenny. Dahil nga nalilito ako ay hindi ko agad naipaliwanag ang nangyari,” paliwanag ni Raymond.

“Iyun din ‘yung sinasabi niya sa text. Pumayag akong makipagkita upang malinaw ko sa kaniya na hindi para sa kaniya ang mga salitang iyon. Kahit basahin mo pa ‘yung reply ko sa kaniya. Para lang kasi sa’yo ‘yun, mahal ko. Mali pa rin ako dahil nasaktan kita. Patawarin mo sana ako sa lahat ng sakit na idinulot ko sa’yo,” dagdag pa ni Raymond at tumingin siya ng diretso sa luhaang mata ng asawa.

Yumakap ng mahigpit si Carol sa asawa. “Hindi ko alam. Patawarin mo ako. Akala ko pinagtaksilan mo talaga ako kaya naghihiganti ako sa’yo araw-araw. Patawad.”

Nang makalabas ng ospital ang asawa at ama ni Carol ay pakiramdam niya ay muling lumiwanag ang kaniyang mundo. Nawala na ang lahat ng sakit at paghihiganti na matagal niyang inalagaan sa kaniyang puso.

Kung sana pala ay noon pa niya pinakinggan ang kaniyang asawa, eh, ‘di sana ay matagal na siyang nakalaya.

Unti-unting nabuo muli ang tiwalang minsang nasira dahil sa maling hinala. Nangako ang mag-asawa na magiging tapat sila sa isa’t isa at parating makikinig sa paliwanag ng bawat isa upang maiwasan ang anumang ‘di pagkakaunawaan at para hindi na rin lumaki pa ang problema.

Advertisement