Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit, Gustong Manakit

Galit na Galit, Gustong Manakit

May isang buwan na din ang nakakalipas nang umuwi si Philip sa Pinas dahil natapos na ang kaniyang kontrata sa pagiging isang seaman.

Ngayon ay abala na naman siya sa paghahanap ng trabaho upang muling makadaong na.

Hindi na rin kasi niya matiis ang ugali ng kaniyang asawa na si May na palaging galit at laging gustong manakit. Madalas siya nitong sinisigawan. Kung makahampas din sa kaniya kapag ito’y naiinis ay wagas. Mabilis itong mairita sa mga simpleng pagkakamali niya.

Pakiramdam niya ay ibang babae na ang kaniyang nauwian sa Pinas. Ang dating malambing at maalagang asawa ngayon ay halos hindi na niya makausap ng masinsinan.

Mahal niya ang kaniyang asawa kaya naman kahit na ganoon ito sa kaniya kailanman ay hindi niya naisip na iwanan ito. Kahit anong away nila ay aalis na muna siya saglit ngunit babalik din naman kaagad sa asawa. Nais kasi niya na hanggang sa dulo ay panindigan at patunayan nila ang kanilang sumpaan sa altar nung araw ng kanilang kasal.

Huminga muna nang malalim si Philip bago siya pumasok sa loob ng bahay. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at inihanda ang sarili sabay bulong sa hangin. “Sana wala si May.”

Nang buksan niya ang pinto ay nagulat siya nang salubungin siya ng asawa niya ng isang sampal. Nabigla siya at halos hindi makapagtimpi na manakit pabalik. Ngunit pinigilan pa rin niya ang kaniyang sarili at kumalma.

“May, ano ba? Ano na naman ang ginawa ko?” tanong ni Philip. “Ano? Ano ba talaga? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na ayokong may naaamoy na baby cologne sa damit mo? Hindi ba’t hindi lamang limang beses? Ano ba naman, Philip? Kailan mo ba maiintindihan ‘yon?” galit na paliwanag ni May sa asawa.

Dahan-dahang napatawa si Philip ngunit mababakas sa kaniyang halakhak ang pait at sarkasmo. “May, cologne? Cologne lang talaga ‘yang problema mo tapos sasampalin mo na ko! Akala ko pa naman nambabae ako o ano pa man, eh! Ayaw mo ng baby cologne, ayaw mo ng blue o ng pink, ayaw mo rin ng gatas. Ayaw mo kaya dapat hindi ko rin gawin! Aba! Sobra naman, May! Hindi na kita maintindihan!” reklamo niya.

Pagkatapos niya itong sabihin ay mabilis siyang umalis ulit ng bahay. Sa unang pagkakataon ay nasagot niya nang ganoon ang asawa.

Sa daan ay puro himutok ang madidinig mula kay Philip. “Isang taon akong wala dito tapos, ano? Ganito pa! Nakakapagod na at nakakasawa na din,” patuloy niyang bulong sa sarili habang mababakas ang parehong inis at lungkot sa kaniyang mukha.

Naiinis siya sa inaasal ng kaniyang asawa ngunit nalulungkot siya sa kanilang sitwasyon. Nangungulila siya sa paglalambing at pag-aalaga ni May.

Naaalala niya ang kanilang pinagsamahan na halos dalawang taon. Subalit naisip niyang kailangan niya munang magpakalayu-layo at umuwi muna sa kaniyang ina.

Lumipas ang dalawang linggo. Walang komunikasyon ang mag-asawa.

Marahil ay minabuti din talaga ni Philip na ganoon ang mangyari ngunit alam niya na darating din ang araw na uuwi siyang muli sa kaniyang asawa.

Hanggang sa makatanggap si Philip ng isang mensahe mula sa kaibigan ni May. Nasa ospital daw ang kaniyang asawa dahil nawalan ito ng malay matapos bumaba ang dugo nito.

Biglang nakaramdam si Philip ng kaba sa kaniyang dibdib. Sa pagmamadali pa nga niya ay kahit nakapambahay lamang siya ay agad siyang pumunta sa kinaroroonan ng kaniyang asawa.

Nang makita niya ang asawang si May na wala pa ring malay, putlang-putla at naka-dextrose ay nagsisi si Philip na wala siya sa tabi nito upang maalagaan ito ng mabuti. Sinisi niya ang kaniyang sarili. Malamang ay nalungkot ito ng sobra dahil sa kaniyang paglisan.

Lumipas pa ang ilang oras. Magkasamang naghihintay si Philip at ang kaibigan ni May na si Nicole.

“Wala kang kaalam-alam,” mahinang sabi ni Nicole kay Philip.

Hindi naintindihan ni Philip ang sinasabi ni Nicole. “Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.

“Ang sabi ko wala kang kaalam-alam! Wala kang alam kung anong hirap ang pinagdaanan ni May noong wala ka. Noong nasa ibang bansa ka. Tapos akala mo ikaw pa ang kawawa. Ikaw pa ang may ganang mang-iwan!” galit na tugon ni Nicole kay Philip.

“Ha? Ano ba iyon, Nicole? Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Umuwi ako na laging galit si May sa akin at hindi ko alam kung bakit siya ganoon kaya nagpasya akong lumayo muna,” sagot naman ng lalaki.

“Iyon na nga, eh! Hindi mo alam! Hindi mo alam tapos hindi mo pa inalam! Hindi mo siya inintindi. Hindi mo man lang tinanong kung bakit siya naging ganoon, Philip. Asawa mo siya pero higit sa pagbibigay ng pangangailangan niya, higit sa pakikinig ay dapat inuunawa mo rin at inaalam ang mga nangyayari sa kaniya. Pero hindi. Dahil hindi mo alam na nakunan ang asawa mo tatlong buwan matapos kang sumampa ng barko!” paliwanag ni Nicole kasabay ang pagluha ng mga mata niya.

“Ha? Anong pinagsasasabi mo? Hindi iyon totoo. Hindi ko iyon alam,” sagot ni Philip na halos mautal-utal dahil hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kaibigan ng kaniyang asawa.

“Buntis siya noong umalis ka. Dahil sa hirap siyang mamuhay mag-isa at sa trabaho niya sa kanilang salon ay humina ang kapit ng anak niyo. Na-ospital siya noon ngunit hindi na niya iyon sinabi pa sa’yo. Halos hindi ka niya makausap dahil mahirap kang kontakin sa barko at alam niyang mag-aalala ka lang sa kaniya,” paliwanag pa ni Nicole.

Umalis na ang kaibigan ni May kinagabihan habang si Philip naman ay hinang-hina dahil sa kaniyang nalaman.

Naisip niya kung gaano marahil natakot ang kaniyang asawang si May nung mga panahong iyon. Tapos pati ngayon nung iniwan na naman niya ang kaniyang asawa at hindi man lang ito inunawa.

Pagkaraan ng ilang oras ay nagising na ang kaniyang asawa.

Halos hindi makalapit si Philip kay May. Punung-puno siya ng pagsisisi sa lahat ng kaniyang pagkukulang. Buong akala niya’y mabuti siyang asawa at hindi nagkukulang. Ngunit nagkamali siya.

Lumingon sa kaniya si May at mahinang tinawag ang kaniyang pangalan.

“Phil,” pag-uulit ni May.

Basa pa rin ng luha ang mga mata ni Philip nung mga oras na iyon. Lumapit siya sa kaniyang asawa na nakangiti naman sa kaniya.

Pagkalapit ni Philip ay hinawakan ni May ang kaniyang mukha. Hinawakan naman ng lalaki ang kamay ng asawa at humagulgol sa harapan nito.

“Bakit, mahal ko?” mahinang tanong ni May. “Alam ko na ang lahat, mahal ko. Iyong nangyari sa’yo at sa anak natin,” sagot ni Philip.

Nagpatuloy pa siya. “Patawad, May. Patawad kasi wala ako sa tabi mo noong mga panahon na iyon. Kaya pala malaki ang pinagbago mo. Hindi man lang ako nagtanong sa’yo. Ang laki ng pagkukulang ko sa’yo, May. Sobrang laki. At patawad. Patawarin mo ko, mahal ko.”

Naiyak na rin si May sa sinabi ni Philip.

“Patawad din, mahal. Patawad dahil naglihim ako sa’yo. Alam kong mag-aalala ka at baka hindi mo matanggap ang nangyari. Sorry dahil palagi akong galit. Galit ako sa sarili ko at hindi ko matanggap ang nangyari. Masyadong masakit. Ngunit mas masakit para sa akin ang magpatuloy sa buhay matapos mawala ang anak natin,” marahang paliwanag ni May.

Napuno ng emosyon ang silid kung saan naka-confine si May. Ngunit ang mga emosyon na iyon ay hudyat ng bagong pagsisimula sa buhay ng mag-asawa. Buhay na hindi pa huli ang lahat upang magmahalan muli at alagaan ang isa’t isa. Ang panindigan ang kanilang sinumpaan sa altar nung araw ng kanilang kasal.

Magmula nung araw na iyon ay natuto ang dalawa na mas alagaan ang isa’t isa. Bawat araw ay puno ng mga masasayang alaala na babaunin muli ni Philip sa muli niyang pag-akyat ng barko upang magtrabaho ulit.

Bagama’t nagkaroon ng gusot sa kanilang pagsasama ay nanatiling matatag ang kanilang relasyon. Laking tuwa nila dahil mukhang sila pa rin ang magiging magkatuwang hanggang sa dulo kasama ang kanilang anak na nasa sinapupunan ni May.

Advertisement