Inday TrendingInday Trending
Tumandang Paurong

Tumandang Paurong

“Ay, napakaganda naman talaga ng pamangkin ko, o! Bagay na bagay sa iyo ‘yang mga abubot mo sa katawan, ineng. Manang-mana sa tiya!” sabi ni Nita habang hinahawak-hawakan niya ang kwintas na suot ng kaniyang pamangkin.

Naiilang namang lumayo si Margie sa kaniyang tiyahin at pairap na tumingin sa kaniyang ina.

Nakuha naman agad ng ina ang tingin na iyon kaya mabilis itong umeksena.

“Ate, huwag mo na ngang hawakan at baka masira pa! Natatandaan mo ba noong debut niya? Dahil sa pakikialam mo nasira ang gown niya! Ay sus, itong matandang ‘to talaga, o!” litanya naman ni Myrna habang inilalayo niya ang anak sa kaniyang kapatid na parang isip bata.

“Aba’t napakausisera mo talaga! Noong nakaraan din ay gumagawa daw ng proyekto ang anak ko at mga kaklase niya sa bahay namin nang bigla kang nangialam. Napahiya tuloy ‘yung bata sa mga kaibigan niya,” sabat naman ng pinakamatanda sa magkakapatid na si Ronald.

Naroon ang mag-anak sa bahay ni Myrna para suportahan ang kanilang pamangkin na sasali sa isang beauty contest sa barangay.

At tulad ng dati ay panay ang pangingialam at usisa ni Nita na siyang kinaiinisan ng kaniyang mga kamag-anak.

“Kuya, ineestima ko lang ang mga kaklase ng anak mo noon. Aba’y malay ko ba naman na nababagot na pala sila sa mga biro ko,” sabi naman ni Nita na parang bata kung mangatwiran. Nakanguso pa ang pulang-pula nitong labi at nakataas din ang plakadong kilay. Laging makapal ang kolorete nito sa mukha dahil lagi nitong ipinagmamalaki na maganda siya noong kabataan niya.

Wala nang pumansin kay Nita.

Tumungo na sila sa barangay hall kung saan gaganapin ang pageant. Todo suporta ang buong mag-anak kay Margie na anak ni Myrna dahil talaga namang ipinagmamalaki ng angkan ang kagandahan ng kanilang lahi.

Sa pagnanais na makatulong ni Nita ay nagkusa siyang mag-abot ng tubig sa pamangkin tuwing nasa backstage ito. Ni hindi man lang nagpasalamat si Margie sa kaniyang tiyahin dahil talagang naiinis siya dito.

“Ma, bakit ba nandito sa backstage si Tiya Nita? Baka may pakialaman na naman ‘yan dito, o! Alam mo namang paurong iyang matandang iyan, eh!” iritang reklamo ni Margie sa ina kahit pa alam niyang naririnig siya ng kaniyang tiyahin.

Humarap naman si Myrna kay Nita at sinabing siya na ang bahala kaya puwede na itong lumabas.

“Aba’y sige kung ganoon. Galingan mo, pamangkin, ha! Ipakita mo sa kanila na ang angkan natin ang pinakamaganda!” tuwang-tuwang pumalakpak pa si Nita at bigla niyang niyakap ang kaniyang pamangkin.

Dahil sa ginawa ni Nita ay natapon sa gown ni Margie ang tubig na hawak niya.

Napatili ang dalaga at halos maiyak dahil basang-basa ang harapan ng kaniyang gown.

Galit naman na sinigawan ni Myrna ang kaniyang ate at pinalabas ito.

Nahihiyang lumabas si Nita sa backstage at dinuro niya ang kaniyang sarili dahil sa hindi niya pag-iingat. Nagpasya siyang panoorin na lamang ang kompetisyon sa harap ng entablado.

Paalis na sana siya nang makita niya ang isang kandidata na may kinakalikot sa bag ni Margie.

Nakaakyat nang muli ang kaniyang pamangkin sa entablado at ang ina naman nito ay wala sa paligid. Siguro ay kumuha ito ng tubig para sa kaniyang anak.

Pumasok muli si Nita sa backstage at nahuli niya ang kandidata na hinahampas-hampas ng matigas na bagay ang sapatos ni Margie.

“Hoy, Elena!” tawag ni Nita sa dalagang mahigpit na kakompitensiya ng kaniyang pamangkin. “Anong ginagawa mo? Itigil mo nga ‘yan! Bakit mo sinisira ang sapatos ng pamangkin ko!” Galit na galit ang babae.

Pilit na inaagaw ni Nita ang sapatos ngunit natulak siya ng dalaga dahilan para matabig niya ang mga makeup ni Margie na nasa isang lamesa. Nahila ni Nita ang sapatos ngunit nahila naman ni Elena ang takong nito. Ito ang eksenang naabutan ni Margie nung nakabalik na siya sa backstage.

“Nakita kong sinusukat ng tiyahin mo ang sapatos mo, Margie. Sinaway ko lang siya dahil mukhang nasisira na niya!” natatarantang paliwanag naman ng kandidata.

Dahil sa galit ay natabig ni Margie ang kamay ng kaniyang tiyahin na kasalukuyang humihingi ng tawad sa kaniya dahil sa nasirang sapatos.

Dumating din si Myrna at halos kaladkarin niya palabas ang kaniyang nakatatandang kapatid.

Hindi na nakapagpaliwanag pa si Nita dahil ayaw siyang pakinggan ng mga ito.

Nabalita sa buong barangay ang nangyaring komosyon sa backstage.

Sa mga sumunod na araw ay hindi na nakikita ng mag-anak si Nita. Dati ay madalas itong naglalagi sa bahay ng isa sa kaniyang mga kapatid upang makiusyoso dahil minsan lang umuwi ang mga anak nito na lahat ay nagtatrabaho na.

Isang araw ay may handaan kila Myrna dahil kaarawan ng ginang. Kahit papaano ay nahabag naman siya sa kaniyang ate kaya inutusan niya si Margie na dalhan ito ng pansit at puto.

Ayaw pa nga ni Margie noong una ngunit wala rin itong nagawa kung hindi ang sumunod.

Pagdating ni Margie sa bahay ng kaniyang tiyahin ay nakita niya ang tatlong kotse sa bakuran nito. Himala yata na nandoon ang tatlong anak ng tiyahin niya.

Kakatok na sana siya sa pinto nang marinig niya ang pagkabasag ng isang bagay at isang malakas na sigaw.

“Sinabi namin sa inyo na dumito lang kayo sa bahay! Ang tigas talaga ng ulo niyo!” sigaw ng panganay na anak ni Nita.

Nakasilip si Margie sa siwang ng pinto kaya kitang-kita niyang umiiyak at nakaluhod ang kaniyang Tiya Nita sa harap ng panganay nitong anak.

“Eh, anak, naman. Nababagot na si nanay dito simula nung mawala ang papa niyo, eh. Sinuportahan ko lang ‘yong pamangkin kong si Margie dahil nga sasali siya sa patimpalak…” Naputol ang sasabihin sana ni Nita nang magbasag na naman ng isang dekorasyon sa dingding ang anak nito.

“Kuya, hinay-hinay lang. Mahal ang bili ko ng mga iyan sa ibang bansa,” sabi naman ng anak na babae ni Nita na prenteng nakaupo sa sofa habang gumagamit cell phone.

“Nay, kung ako sa’yo sundin mo na lang si kuya. Wala namang pakialam sa’yo ‘yung mga kamag-anak mo kaya huwag ka nang pupunta doon,” sabi ng bunsong anak na lalaki ni Nita. Dinuro-duro pa nito ang kaniyang ina sa mukha.

Napaiyak na lamang si Margie sa nasaksihan at agad niyang tinawag ang kaniyang ina. Noong una ay ayaw pang maniwala ng kaniya ina nung ikinuwento niya ang kaniyang nakita ngunit napilit niya rin ito pati na ang kaniyang Tiyo Ronald na pumunta sa bahay ng kaniyang tiya.

Walang katok-katok na pumasok sina Ronald, Myrna at Margie sa bahay at doon nila nakita si Nita na nakaluhod sa sahig habang nagpupulot ng bubog. May pasa ito sa mukha at may mga sugat ang kamay nito.

Karambola ang sumunod na nangyari nang pagsasapakin ni Tiyo Ronald ang dalawang anak na lalaki ni Nita. “Mga walang modo! Paano niyo naatim na pagbuhatan ng kamay ang ina niyo!” galit na galit na sigaw nito.

“Ate? Ganito pala ang ginagawa sa iyo sa bahay. Bakit hindi mo man lang sinabi sa amin?” naiiyak na niyakap ni Myrna ang kaniyang kapatid na hamahagulgol nang iyak.

Sinisigawan ni Nita si Ronald na huwag nang saktan ang mga anak niya.

“Dapat sa mga ito ay masampahan ng kaso! Hindi ako papayag na ganituhin ka nila, Nita. Magbabayad ‘yang mga suwail mong anak. Mga may pinag-aralan ngunit mga walangh*ya naman sa magulang!” sabi ni Ronald na hinihingal na.

Nakabulagta sa sahig ang dalawang anak na lalaki ni Nita habang ang anak na babae naman nito ay takot na takot sa isang gilid.

Kaya pala laging makapal ang kolorete nito ay upang matakpan ang mga pasa nito sa mukha.

Simula noon ay kila Myrna na nakitira si Nita.

Tutol ang babae na sampahan ng kaso ang tatlong niyang anak dahil sa pang-aabuso ng mga ito sa kaniya. Laging dasal ni Nita na sana ay magbago na ang kaniyang mga anak kahit hindi para sa kaniya kung ‘di para sa kanilang mga sarili.

Humingi ng tawad si Margie at iba pang mga kamag-anak kay Nita na kung tratuhin nila noon ay parang malaking istorbo sa kanilang pamilya.

Dahil sa nangyari ay natutunan ng mag-anak na mas pahalagahan ang bawat isa at hangga’t maaari ay lawakan ang kanilang pang-unawa sa isa’t isa.

Advertisement