Inday TrendingInday Trending
Ikaw ang Mundo Ko o Bahagi Ka ng Mundo Ko?

Ikaw ang Mundo Ko o Bahagi Ka ng Mundo Ko?

Si Carmela ay isang napakagandang babae kaya hindi siya nawawalan ng mga manliligaw. Kahit saan siya magpunta ay laging may lalaking makikipagkilala sa kaniya at sa paglipas ng panahon ay maglalakas loob na ligawan ang dalaga.

At sa dami ng mga ito dalawang lalaki lamang ang talagang nakabihag ng loob ni Carmela. Si Dustin at si Migs. Sila lamang ang tanging binibigyan talaga ng panahon ni Carmela. Si Dustin ay katrabaho ni Carmela. Samantalang si Migs ay kaklase ni Carmela noong kolehiyo.

May mga pagkakataon na hindi makapamili si Carmela kung sino ang pinakagusto niya sa dalawa. Minsan kasi ay grabe mag-effort ang mga ito. Pero ang pinakamadalas ay si Migs.

Araw-araw ay sinusundo ni Migs si Carmela sa bahay nito upang ihatid sa trabaho. Lagi niya rin itong ka-chat at tinatawagan upang kamustahin. Kapag Sabado at Linggo naman ay laging niyaya ni Migs si Carmela na mamasyal. Halos prinsesa na ang turing ng lalaki sa dalaga. Sinisigurado niya na palagi niyang kasama o palaging nasa tabi niya si Carmela.

Kaya naman mas matimbang din ang nararamdaman ni Carmela para kay Migs. Alam kasi niya na kung effort lang ang pag-uusapan ay lamang na lamang si Migs kay Dustin. Pero hindi rin naman nagpapahuli ang manliligaw niyang si Dustin.

Si Dustin ay hindi palaging nasa tabi ni Carmela kahit na magkaparehas sila ng kompaniyang pinagtatrabahuan. Ngunit may ibubuga rin ito pagdating sa effort. Madalang man at hindi araw-araw pero sa oras na mag-effort si Justin ay talagang labis-labis at espesyal. Ipinagluluto siya ni Dustin ng baon at lagi niya itong iniiwan sa lamesa ni Carmela. Nilalagyan niya pa ito ng maiikling liham.

Minsan ay niyaya ni Dustin si Carmela na sabay silang magtanghalian ngunit dahil palaging kasama ng dalaga ang kaniyang mga kaibigan tuwing kakainin siya ay tinanggihan niya ang alok ng lalaki. Kaya naman mula noon ay hinayaan na lamang ni Dustin na magtanghalian ang dalaga kasama ang mga kaibigan nito bilang respeto sa personal na buhay ng dalaga at nauunawaan naman ito ni Carmela.

Pero habang tumatagal alam ni Carmela na kailangan niyang mamili sa dalawa.

“Carmela, hindi ka ba nahihirapan na dalawa ang manliligaw mo? Napapansin kasi namin na awkward na ang sitwasyon lalo na kapag nagkakasabay sila sa panliligaw sa’yo,” wika ng kaibigan ni Carmela.

“Nahihirapan na rin ako. Alam kong kailangan ko nang mamili,” sagot ni Carmela.

Kaya nung magkaroon ng pagkakataon ay kinausap ni Carmela ang mga ito. Niyaya niyang mamasyal ang dalawa niyang manliligaw sa magkaibang lugar at araw. Sila ang bahalang mamili kung saan nila siya balak dalhin. Pagkatapos mamasyal at kapag malapit nang matapos ang araw ay tsaka niya kakausapin ng malalim ang mga ito.

At dahil si Migs ang laging may oras siya ang unang nakausap ni Carmela. Dinala ni Migs ang dalaga sa isang napakalaking carnival o theme park. Maraming mga rides na puwedeng sakyan at mga magagandang lugar na puwedeng pasyalan.

Buong araw ay walang humpay na naglaro, nagkukuhanan ng litrato at sumasakay ng mga rides ang dalawa. Maghihiwalay lamang ang dalawa kung pupunta ang isa sa banyo.

At nang sumakay na sila sa ferris wheel ay doon na nagsimula ang kanilang malalim na pag-uusap.

“Bakit mo ako dito dinala, Migs?” Iyan lamang ang tanging tanong ni Carmela. “Kaya dito kita dinala, Carmela, ay dahil gusto ko na tulad sa lugar na ito ay gagawin ko ang lahat upang maging makulay at masaya palagi ang buhay mo. Sasamahan kita palagi. Kahit saan, kahit kailan at kahit anong mangyari. Hinding-hindi ko ipaparamdam sa’yo na wala akong oras para sa’yo,” panimula ng lalaki.

“Dahil tulad ng carousel na ‘yon,” wika ni Migs habang tinuturo ang carousel na paulit-ulit sa pag-ikot. “Sa’yo lang iikot ang mundo ko. Korny man kung pakinggan pero ikaw ang umaga, tanghali at gabi ko,” malambing na sabi ni Migs sa dalaga.

Tila kinilig naman si Carmela sa sinabi ng binata.

Nung natapos ang gabing ‘yon nalaman ni Carmela na si Migs ang lalaking kayang ibigay ang lahat para sa kaniya nang hindi nag-aalinlangan. Bilang babae pakiramdam ni Carmela ay mayroon siyang prince charming dahil kay Migs.

Sumunod na linggo ay si Dustin naman ang kasama niyang namasyal. Na-late pa nga ito ng dating dahil kinailangan pa nitong maghatid ng labahan sa laundry shop na hindi nahiya ang lalaki na sabihin ito kay Carmela.

Mayamaya ay nagulat na lamang ang dalaga nang marating nila ang lugar kung saan siya ipapasyal ng lalaki.

Dinala ni Dustin ang dalaga sa kanilang bahay. Ipinakilala niya si Carmela sa mga magulang niya bilang babae na kaniyang nililigawan. Naging magiliw naman ang pagtanggap sa dalaga ng buong pamilya ni Dustin.

At dahil nga may bisita nagluto ang nanay ni Dustin ng mga masasarap na pagkain na para bang may handaan. Samantalang ang ama naman nito ay nag-arkila ng karaoke para magkasiyahan sila. Lahat ay tulung-tulong sa paghahanda at pag-aasikaso sa bisita nilang si Carmela. Punung-puno ng kasiyahan ang bahay ng lalaki.

Hindi nagkamali si Dustin na dalhin si Carmela sa kanilang bahay dahil labis na saya rin ang naramdaman ng dalaga.

Nang sumapit na ang gabi ay dinala ni Dustin si Carmela sa kanilang rooftop upang doon sila mag-usap.

“Ikaw, Dustin, bakit mo ako dito dinala?” tanong ni Carmela. “Kasi gusto ko na maging parte ka ng mundo ko, Carmela,” seryosong sagot ni Dustin.

Natigilan si Carmela.

“Alam ko na hindi ako ganoon kadalas mag-effort sa’yo pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ka mahalaga. Alam kong alam mo na hindi na tayo mga bata. Hindi lang sa atin umiikot ang buhay. Marami na tayong mga responsibilidad na dapat mapanindigan kaya hindi ko magawang ibigay sa’yo ang lahat ng oras ko. Pero kahit na ganoon ay handa akong iparamdam sa’yo araw-araw na mahal kita sa sarili kong pamamaraan,” pagpapatuloy ni Dustin na tila seryoso siya sa kaniyang mga sinabi.

Para bang nagising at naliwanagan si Carmela sa mga sinabi ni Dustin. Tama siya. Hindi na sila bata at hindi sa lahat ng panahon ay sa kanila lang iikot ang kanilang mundo.

Nang matapos ang gabing ‘yon nakapagpasya na si Carmela kung sino ang kaniyang pipiliin. Iyon ay walang iba kung ‘di si Dustin.

Maayos na nagpaalam si Carmela kay Migs kahit na mahirap at masakit. At bago sila maghiwalay ni Migs ay pinayuhan ng babae ang lalaki.

“Wagas ang ‘yong pagmamahal, Migs. Walang makakapantay. Ngunit habang wagas kang nagmamahal ay mahalin mo rin ang sarili mo. Gawin mong parte ng buhay mo ang taong mahal mo at huwag mo silang gawing mundo mo. Dahil ang masaya mong mundo ang pinakamagandang maireregalo mo sa taong mahal mo, ang maging parte siya ng buhay mo,” saad ni Carmela bago sila tuluyang nagpaalam sa isa’t isa.

Limang taon nang magnobyo sina Carmela at Dustin. Palaging nilang kasama ang isa’t isa. Madalas din nilang kasama ang kani-kanilang mga pamilya dahil mahalaga para sa kanila na maiparamdam sa isa’t isa na hindi lang sa relasyon nila umiikot ang kanilang mundo kung ‘di pati sa mga taong mahalaga sa kanila. Na bahagi rin sila ng kanilang mga buhay.

Advertisement