Inday TrendingInday Trending
Ikaw pa ang Malakas ang Loob na Magbanta!

Ikaw pa ang Malakas ang Loob na Magbanta!

Limang buwan nang pinapupunta ng mag-asawang Ogie at Roda ang naninirahan sa pinauupahan nilang apartment sa kanilang tirahan para makausap ang mga ito ngunit palaging nagdadahilan ang mga ito. Nangangako silang pupunta ngunit lilipas ang buong araw na hindi sila nagpapakita.

Pinilit silang intindihin ng mag-asawa lalo pa’t may mga anak ang mga ito na pawang maliliit pa ngunit kahit ang magpakumbaba at makiusap man lang sa kanila na bigyan nila ang mga ito ng panahon para makabayad ng renta ay hindi nila magawa.

Sa bandang huli ay napagpasyahan na nilang gumawa na ng kasulatan kung saan nakasaad na bibigyan na lamang nila ang mga pasaway na umuupa ng isang buwan para makahanap ng ibang malilipatan dahil hindi nakakabayad ang mga ito.

Pumayag naman ang umuupang mag-asawa lalo na at nakasaad sa kasulatan na hindi na nila kailangang bayaran ang anim na buwan na utang sa upa at ang tanging babayaran na lamang nila ay ang tubig at kuryente na kanilang ginamit.

Pumirma ang lahat sa kasunduan.

Sa oras na hindi tumupad ang umuupang mag-asawa sa kasunduan ay tuluyan nang idudulog nina Ogie at Roda ang problema nila sa mga ito sa barangay.

Lumipas ang mga araw at linggo. Isang araw na lamang at matatapos na ang isang buwang palugit na ibinigay ng mag-asawa sa nangungupahan sa kanilang apartment.

“Sa tingin mo, Ogie, aalis na kaya sila? Paano kapag hindi? Jusko, anim na buwan na silang hindi nakakabayad,” naiinis na sabi ni Roda.

“Kung marunong silang makisama at hindi pa nila kayang magbayad dapat noon pa lang ay lumapit na sila at nakiusap sa atin,” wika ni Ogie.

“Kaso hindi, eh. Tayo pa ang nakikiusap sa kanila na magbayad o kaya lumipat na lamang kaya hindi na. Huling beses na ‘to, Roda. Irereklamo na natin sila sa barangay kapag hindi pa sila umalis!” dagdag ni Ogie na naiinis na rin sa pasaway na umuupa.

Kinabukasan, halos maghahapon na pero hindi pa rin nakikita ng mag-asawang Ogie at Roda na naghahanda nang umalis ang mga umuupa. Sinubukan nilang maghintay hanggang gabi. Nakatulog na sila at nagising kinabukasan ngunit hindi pa rin umaalis ang mga ito.

Agad na nagtungo si Roda sa pinauupahang apartment upang kausapin ang mag-asawang nangungupahan sa kanila.

“O, tapos na ang isang buwang palugit na binigay namin sa inyo. Bakit hindi pa kayo umaalis?” wika ni Roda. “Wala pa kasi kaming maarkila na jeep para maghakot ng mga gamit namin,” paliwanag ni Ana.

“Naku, dapat matagal niyo nang naasikaso iyan hindi kung kailan lumipas na ang isang buwan tsaka kayo magdadahilan,” kalmadong sabi ni Roda kahit na inis na inis na siya.

Patuloy pa rin sa pagdadahilan ang mag-asawa na hindi pa sila puwedeng umalis at paulit-ulit namang ipinaliliwanag ni Roda na may kasunduan na sila.

“Ang kulit mong kausap, ha! ‘Di ba sabi nang naghahanap pa ng jeep?” malakas na sigaw ni Popoy, asawa ni Ana.

Nagulat si Roda at tuluyan na siyang nainis dahil sa sinabi ng lalaki.

Bumalik si Roda sa kanilang bahay upang sabihin ang nangyari sa kaniyang asawa. Nang malaman ito ni Ogie ay walang pag-aalinlangan niyang pinuntahan ang mga pasaway na nangungupahan at kinausap ng masinsinan si Popoy.

Dahil ubos na ang pasensiya ni Ogie ay ramdam sa boses nito ang inis at galit niya sa walang galang na nangungupahan. Nasa likod niya ang kaniyang asawang si Roda na nakabantay sa kaniya dahil baka bigla na lang siyang atakihin sa puso dahil sa matinding galit.

“Hindi ba may kasunduan na tayo na isang buwan na lang kayo mananatili sa apartment?” nanginginig na wika ni Ogie.

“Eh, wala pa kasing jeep na maarkila. Marami kaming hahakutin na gamit,” pagdadahilan ni Popoy.

“Isang buwan ang binigay naming palugit sa inyo. Hindi niyo man lang inasikaso?” nagtitimping tanong ni Ogie.

“Pasalamat nga kayo hindi namin kayo pinalayas kahapon. Tapos sasabihan niyo na makulit ang asawa ko. Aba! Ibang klase nga naman! Eh, kung hindi pa nga kayo pinuntahan ngayon hindi kayo magpapaliwanag kung bakit hindi pa kayo umaalis. Anim na buwan na kayong walang bayad! Ginawa niyo na ngang libreng pabahay ‘tong apartment ko,” pagpapatuloy ni Ogie.

Bago tuluyang bumalik sa kanilang bahay ang mag-asawa ay nagbilin ang lalaki na dapat ngayon araw ay makalipat na sila.

Habang papaalis ang mga may-ari ng apartment ay biglang nagsalita si Popoy at narinig ito ni Roda. “Aabangan talaga kita sa kalsada,” pagbabanta ng lalaki kay Ogie.

“Ano? Binabantaan mo asawa ko? Talagang ipapa-barangay ko na kayo,” sigaw ni Roda na hindi na nakapagtimpi dahil pinagbantaan na ang buhay ng kaniyang asawa.

Agad na nagtungo si Roda sa barangay at naghain ng reklamo. Pina-blotter niya ang mga ito. Nang pinuntahan ng mga tanod ang mag-asawa sa inuupahan nilang apartment ay wala silang nadatnang tao pero nandoon pa rin ang mga gamit ng mga ito. Naka-padlock din ang pinto ng apartment.

Dahil naka-blotter na sa barangay ang mag-asawa ay nabawasan ng kaunti ang kaba ni Roda para sa kaniyang asawa.

Palagi namang nagpapaalala at nagbibilin si Ogie sa kaniyang asawa at mga anak na palaging mag-ingat at huwag magpapagabi sa daan dahil baka bigla na lang silang atakihin ni Popoy.

Isang gabi habang papauwi si Ogie galing sa kaniyang trabaho ay bigla na lang may sumugod sa kaniya na lalaki at sinuntok siya nito. Nagulat si Ogie at napahiga. Mayamaya ay humugot na ito ng kutsilyo. Sumugod ang lalaki at akmang sas*ksakin si Ogie.

Pilit na dinidipensahan ni Ogie ang kaniyang sarili hanggang sa may napadaang mga tao na sumaklolo sa kaniya.

“Hala! Tulungan natin si Mang Ogie!” sigaw ng isang binata.

Dali-dali nilang inawat ang lalaking nanakit kay Ogie at kinuyog ito.

Mayamaya ay nagdatingan na ang mga tanod upang itigil ang kaguluhan.

Nang makabangon si Ogie ay namukhaan niya ang lalaking sumugod sa kaniya. Ito ay walang iba kung ‘di si Popoy.

Dinala si Popoy ng mga tanod sa barangay. Balak nilang dalhin ang lalaki sa presinto para pormal na masampahan ng kaso.

Paulit-ulit na humihing ng tawad si Popoy. “Parang awa niyo na! Huwag niyong kong ipakulong. Desperado lang talaga ako! Katatanggal ko lang sa trabaho. Wala nang matitirhan ang pamilya ko! Ngayon ay makukulong pa ako!” pagmamakaawa ng lalaki.

Hindi na lang nagdemanda sina Roda at Ogie dahil naaawa sila sa mga anak nito.

Laking pasasalamat ni Popoy sa mag-asawa. Nagsisisi siya sa lahat ng kaniyang nagawa. Nangako siya na mapayapang aalis sa apartment kasama ang kaniyang pamilya at hindi na niya gagambalain pa ang pamilya nina Ogie at Roda.

Sa wakas ay tuluyan nang napaalis ng mag-asawa ang mga pasaway na nangungupahan sa kanilang apartment. Ilang araw lang ang lumipas at may bago nang rumirenta dito. Marunong makisama ang bagong nangungupahan at laging nasa oras kung magbayad ng renta na labis na ikinatuwa ng mag-asawa.

Mahalaga na marunong kang makisama sa iyong kapwa. Kung maayos lamang na nakipag-usap sina Popoy at Ana sa nagpapaupa sa kanila ay baka natulungan pa sila ng mga ito sa kanilang problema. Pero dahil naging mapagmataas sila ay wala silang nagawa kung hindi ang mag-sisi at manirahan sa ilalim ng tulay habang wala pa silang nahahanap na maayos na malilipatan.

Advertisement