Inday TrendingInday Trending
May Forever nga Ba ang Teacher at Seaman?

May Forever nga Ba ang Teacher at Seaman?

High school pa lang sina Beth at Rafael ay magkasintahan na silang dalawa. Mahal na mahal nila ang isa’t isa. Hanggang sa kolehiyo ay sila pa rin ang magkasama sa kabila ng hindi nila pagkakaunawaan minsan. Nanatili ang pagmamahalan nila hanggang sa grumadweyt sila ng kolehiyo. Si Rafael bilang isang seaman at si Beth naman bilang isang teacher.

Lumipas ang maraming taon at biniyayaan sila ng munting anghel na pinangalanan nilang Ria.

“Beth, isang taon na si Ria. Sa tingin ko ay ito na ang tamang panahon para yayain naman kitang magpakasal. Ang tagal na natin, Beth, at nandito pa rin tayo ngayon na magkasama sa kabila ng mga pagsubok na nangyari sa ating dalawa. Alam kong ikaw na ang forever ko. Ikaw lang ang gusto kong makasama habang buhay, Beth,” madamdaming wika ng lalaki.

“Magpapakasal ka ba sa’kin?” tanong ni Rafael. “Oo naman, Rafael. Mahal na mahal kita,” naiiyak na wika ni Beth sabay yakap sa lalaki ng mahigpit.

Ang saya-saya ni Beth dahil sa wakas ay magiging legal na silang mag-asawa ni Rafael. Natupad na rin ang matagal niyang hinihiling.

Bongga ang naganap na kasal. Minsan lang kinakasal ang isang tao kaya sinulit na nila iyon.

Kung masaya sila noong hindi pa sila ikinakasal ay mas lalo silang naging masaya ngayong kasal na silang dalawa. May blessing na kasi ng Panginoon ang pagsasama nila bilang mag-asawa.

“Mahal, huwag ka na lang kayang sumakay ulit sa barko,” malungkot na wika ni Beth sa asawa. Tatlong araw na lang kasi ay sasampa na si Rafael sa barko upang magtrabaho.

“Mahal, mas maganda na rin kung sumakay ako sa barko. Mas malaki ang suweldo ko dun at mas mabibigyan ko kayo ng magandang buhay ni Baby Ria. Mabilis lang lilipas ang araw. Hindi mo mapapansin na malapit na akong umuwi. Magtatrabaho ka na rin naman kaya hindi ka na masyadong malulungkot niyan,” malambing na wika ni Rafael sa asawa.

“Mami-miss kasi kita, mahal, eh,” malungkot pa rin na wika ni Beth.

“Magtatrabaho ako para sa kinabukasan natin, mahal, kaya huwag ka nang malungkot. Ako din naman. Mami-miss kita ng sobra-sobra,” wika ni Rafael sabay yakap sa kaniyang asawa.

Makalipas ang sampung buwan ay nakatanggap si Rafael ng tawag mula sa kaniyang ina.

“Ma, kumusta po kayo? Miss na miss na po kita,” bungad ni Rafael sa kabilang linya.

“Ako rin, anak. Miss na miss ka na namin ng papa at mga kapatid mo. Pero hindi iyan ang sadya ko sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na ilang gabi nang hindi umuuwi ang asawa mo sa bahay ninyo. Hindi ko alam kung nasaan siya. Si Ria ay iniwanan lang niya sa kapitbahay niyo. Ilang beses na niyang ginagawa ang bagay na iyan sa tuwing natatanggap niya ang allotment mo,” sumbong ng ina.

“Bakit ngayon niyo lang sinabi, mama?” hindi makapaniwalang tanong ni Rafael.

“Kasi nung una ay hindi ako naniwala sa sumbong ng kapatid mo. Iniisip ko na abala lang siya sa pagtuturo. Pero nung pinakita sa’kin ng kapatid mong si Ryan ang mga litrato ni Beth kasama ang lalaki niya ay naniwala na ako. Pinagtsitsismisan kasi ng mga kapitbahay niyo ang asawa mo na may kabit. Hinahatid daw si Beth ng isang lalaki sa bahay niyo ng madaling araw. Iyong walang makakakita sa kanila. Teka. Ipapadala ni Ryan sa’yo ang mga litrato,” deklarasyon ng ina na labis nagpasakit sa puso ng lalaki.

Hindi akalain ni Rafael na magagawa iyon ng kaniyang asawa. Wala sa loob siyang napaupo sa sahig habang umiiyak nang makita niya ang mga litratong ipinadala ng kapatid niya sa kaniyang selpon.

Wala sa oras na nakiusap si Rafael na bumaba muna ng barko upang personal niyang makausap ang kaniyang asawa. Hindi niya kayang palampasin ang ginawa nito. Hindi siya makapag-pokus sa trabaho at lagi siyang tulala sa kakaisip kung saan siya nagkamali.

Dumiretso si Rafael sa eskuwelahan na pinagtatrabahuan ni Beth upang mahuli niya ito sa akto.

Hindi niya ito nakita sa classroom nito. Ang sabi ng mga co-teachers nito ay kumakain ito sa cafeteria.

Doon nga niya nakita ang asawa. Kumakain ito kasama ang kabit nito.

“Beth,” tawag ni Rafael sa pangalan ng asawa.

“Mahal!” gulat na gulat na wika ng babae. Ganun din ang itsura ng lalaking kasabay nitong kumain.

“Siya ba? Siya ba ang lalaking pinalit mo sa’kin? Bakit, Beth? Bakit nagawa mo ‘to sa’kin? Anong kasalanan ko sa’yo?” sumabog na ang emosyon ni Rafael dahil sa ilang araw niyang pagkimkim ng kaniyang nararamdaman.

“Mahal, huwag dito. Nakakahiya. Ang daming tao,” nahihiyang wika ni Beth habang hinihila niya ang braso ng kaniyang asawa.

“Ngayon ka pa nahiya? Pero hindi ka nahihiya sa ginawa mo sa’kin? May asawa kang tao pero nakipag-relasyon ka pa rin sa iba? Hindi ba nakakahiya ‘yun?” inis na inis na sambit ni Rafael.

“Naturingan ka pa namang guro. Dapat ikaw ang role model ng mga estudyante mo. Pero anong ginawa mo? Nandidiri ako sa’yo Beth,” dugtong niya sa nakakainsultong tono.

“Nagawa ko lang naman ‘to kasi namiss kita. Sabi ko naman sa’yo ‘di ba na huwag ka na lang sumampa sa barko. Kaya naman natin kahit dito ka na lang maghanap ng trabaho. Pero mas pinili mo pa rin ang lumayo,” humihikbing wika ni Beth.

“Ganun? Kung talagang mapagkakatiwalaan ka, Beth, hinding-hindi mo gagawin ‘to dahil kahit anong sabihin mo ay napakababaw lang ng dahilan mo! Simula’t sapul alam mong ito na ang pangarap ko. High school pa lang tayo ay nandiyan ka na para suportahan ako. Hinding-hindi mo idadahilan sa’kin ang pagsampa ko ng barko dahil hindi naman ako nagkulang bilang isang asawa. Kahit pisikal mo akong hindi kasama ay lagi naman kitang kinakamusta at kinakausap sa pamamagitan ng teknolohiya!” sigaw ni Rafael.

“Hindi ako nagpakasaya sa barko Beth. Nandoon ako para magtrabaho para sa’yo at sa anak natin! Kasi gusto kong ibigay sa’yo ang lahat ng gusto mo. Pero ano ‘to? Dahil lang nasa malayo ako ay nagtaksil ka na agad! Wala kang paninindigan, Beth! Ang buong akala ko’y kilalang-kilala na kita pero nagkamali ako nang pagkakakilala sa’yo.” Hindi na napigilan ni Rafael ang paghagulgol niya ng iyak. Ang sakit maloko na taong minahal mo ng sobra.

“Patawarin mo ako, mahal,” humihikbing wika rin ni Beth.

“Maghiwalay na lang tayo, Beth. Hindi ko alam kung kaya ko pang magtiwala sa’yo ulit. Nalayo lang ako sa’yo saglit iniputan mo na ako agad sa ulo. Susuportahan ko pa rin ang anak natin. Pero makikipaghiwalay na ako sa’yo,” desididong wika ni Rafael.

“Hindi mo ba ako puwedeng bigyan ng pangalawang pagkakataon?” pakiusap ni Beth.

“Hindi ko kaya. Isipin ko pa lang ang ginawa mong panloloko sa akin ay bumababa na ang tingin ko sa sarili ko. Akala ko noon ay ikaw na ang babaeng huli kong mamahalin. Sa’yo ko ibinigay ang buhay ko, Beth. minahal kita ng higit pa sa buhay ko. Pero anong ginawa mo? Sinira mo ang tiwala ko. Ang hirap magmahal kung wala ka nang tiwala sa taong mahal mo, ” sagot ng lalaki.

“Simula ngayon ay hindi ka na makakatanggap ng allotment ko. Ang tanging nagkokonekta sa ating dalawa ay ang anak natin. Hindi na kita tinuturing na asawa,” malungkot na wika ni Rafael sabay pukol ng matalim na tingin sa kabit ng kaniyang asawa.

“Sana ay maging masaya kayo. Hayaan mo. Magfa-file ako agad ng annulment,” iyon ang huling sinabi ni Rafael bago niya tinalikuran si Beth.

Mahirap magtiwalang muli kapag nabasag na ito. Ang masakit sa sitwasyon ni Rafael ay naging seryoso siya sa pag-abot ng pangarap niya para sa kaniyang pamilya. Ang kaso hindi iyon pinahalagahan ni Beth. Bakit pa niya hahawakan ang babaeng nagawa na siyang lokohin?

Naniniwala si Rafael na kapag mahal mo ang asawa mo ay hinding-hindi ka papasok sa isang sitwasyon na alam mong makakasira sa relasyon ninyo. Hinding-hindi magmamahal si Beth ng iba kung mahal pa rin siya nito.

Itinuon na lamang si Rafael sa trabaho at sa pagsuporta sa anak nila ni Beth ang kaniyang atensiyon. Magpapahinga na muna ang kaniyang puso. Hahayaan niya munang maghilom ang sugat na dinulot ng una niyang pag-ibig.

Advertisement