Lumabas ang Kabutihan ng Puso ng Tinderang Madamot Dahil sa Ginawa ng Isang Bata na Minsan Niyang Pinagdamutan ng Makakain
“Aling Sandy, sige na naman po. Kahit sardinas lang, pautangin niyo na po ako. Babayaran ko din po sa katapusan. Delayed lang po kasi sahod ng asawa ko,” nagmamakaawang tinig ng buntis na si Telma, kasama ng limang taong gulang nitong anak na si Tasyo. “At kailan ‘yang katapusan mo, Telma? Katapusan ng mundo?” masungit na tugon ni Aling Sandy. Kahit magmakaawa pa ang ginang sa matanda ay tila bingi pa rin ito. Samantala, kitang-kita naman ng anak nitong si Tasyo ang mga nangyayari. Sa murang edad ay naawa siya sa kanyang inang umiiyak. Hanggang sa umuwi silang bigo. Gutom na naman ang kanilang aabutin sa nangyari. “Kasi naman ‘yang amo ng ama mo, palaging delay magpasahod. Hindi naman ako makapaglaba sa iba dahil nag-uulan,” himutok ni Telma na halos hindi naman mapansin ni Telma na lumabas na pala ang kanyang anak. Habang nasa daan si Tasyo pabalik sa tindahan ni Aling Sandy ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Maigi na lamang at mabilis siyang nakasilong sa tindahan ng matanda. Doon ay agad siyang sinungitan nito. “Hoy bata ka, kung inutusan ka ng ina mo na umutang pa rin dito, pasensyahan tayo. Wala akong mapapautang sayo, lugi na ang tindahan ko.” “Hindi po ako inutusan ng nanay ko, Aling Sandy. Makikisilong lang po ako,” pagsisinungaling niya. Balak niya kasi talagang kulitin pa ito para may pangkain sila. Ngunit sa pag-aalinlangan niya’y bigla nalang bumagyo nang mas malakas. Halos magiba ang tindahan ng matanda. At dahil hindi agad siya nakapagsara ay nasira ang unahan ng tindahan. Lumakas nang lumakas ang hangin at ulan na naging sanhi ng paglipad ng ibang paninda ni Aling Sandy. Nagtakbuhan agad ang mga tao upang nakawin ang paninda ng matanda. “Ano ba kayo? Mga paninda ko ‘yan! Mga magnanakaw!” galit na galit na turan ng matanda. Dumampot ng mga delata si Tasyo. Nakita iyon ni Aling Sandy at pagagalitan palang sana ang bata nang magulat siya sa ginawa nito. “Ito po, Aling Sandy,” inabot nito ang mga delatang inakala niyang nanakawin rin nito. Natulala siyang tinanggap ang binigay nito. Doon ay tila napagtanto niya ang ginawa niya sa pamilya nito at nahiya siya sa bata kaya naman inabot niya ang delata at isang kilong bigas sa bata, “Sayo na ito.” Biglang nagliwanag ang mukha ni Tasyo, “Talaga po?” Tumango siya, “Oo, at pakisabi sa nanay mo pasensya na sa mga nasabi ko sa inyo kanina.”‘ Ngumiti ang bata at niyakap ang matanda, “Salamat po Aling Sandy. Naramdaman ko pong mabait talaga kayo. Salamat po dahil sa inyo ay hindi magugutom ang kapatid ko sa tiyan ng mama ko.” Natuwa naman ang matanda sa narinig. Dahil doo’y napagtanto niyang mas magaan pala sa pakiramdam ang tumulong kaysa pagdamutan ang kapwa. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.