Laging Galit at Napakaiksi ng Pasensya ng Binatang Ito; Isang Malaking Aral ang Itinuro sa Kanya ng Ama Upang Matulungan Siyang Magbago
Isang araw ay naabutan ng Melvin ang kanyang anak na si Dale na galit na galit habang may kausap sa telepono.
“Ano ba naman kayo! Ang simple na nga ng project natin pero hindi ninyo pa magawa ng maayos! Ako na lang ba ang may utak sa grupo na ito ha? O baka naman sinasadya ninyo lang na ipagawa sa akin lahat. Sa susunod na semester, mas okay pa siguro na magsolo ako kaysa makasama kayo!” sigaw ng lalaki sa kanyang kausap sa telepono at saka ito ibinaba.
“Anak, may problema ba? Narinig ko kasi na may sinisigawan ka sa telepono. Gusto mo bang pag-usapan natin ang tungko dito?” malumanay na tanong ng ama.
“Eh paano naman kasi papa, yung mga kagrupo ubod ng mga b*bo tapos tamad pa. sa akin na lamang inaasa ang lahat. Sayang lang ang mga matrikulang ibinabayad ng magulang nila sa paaralan dahil sobrang b*bo ng mga anak nila!” galit na saad pa ni Dale.
“Anak, hindi kaya masyado ka nang nakakapagbitaw ng masasakit na salita? Wala namang masamang magalit, pero sana makontrol mo ito ng maayos. Kami nga ng mama mo ay may pagkakataon na nagkakatampuhan din.
“Nagagalit din kami, pero hindi mo kami maririnig na nagbibitw ng masasakit na mga salita,” mahinahong paliwanag naman ng kanyang ama.
“Tama ka, papa. Siguro nga ay may problema ako pagdating sa pagtitimpi. Pag nagagalit ako ay hindi ko na napipigilan ang sarili ko na makapagbitiw ng masasakit na salita.
“Napansin ko na nga ang mga dati kong kaibigan na lumayo na matapos ko silang mapagsalitaan ng masama. Tulungan mo naman ako papa. Gusto ko din naman na mabago ang sarili ko. Ano po ba ang gagawin ko?” tanong ni Dale sa kanyang ama.
“Okay anak. Maganda yan. Maganda na inaamin mo ngayon na may pagkakamali ka nga. Halika at samahan mo ako sa likod bahay at may ipapagawa ako sayo,” sabi ng kanyang ama.
Bago magtungo sa likod ay kumuha muna si Melvin ng isang plastik ang pako at martilyo. Sa likod-bahay ay ipinakita niya sa anak ang isang lumang bakod na gawa sa punong Narra.
“Anak, ganito ang gawin mo, sa tuwing magagalit ka at pakiramdam mo ang hindi mo na makontrol ang sarili mo, kumuha ka ng isang pako at ibaon mo dito sa lumang bakod natin.
“Sa halip na makapagbitiw ka pa ng masakit nasalita, gusto ko ay sa bakod na ito mo ibuhos lahat ng galit mo. sa ganitong paraan maiiwasan mo na makapanakit ng kapwa at unti-unti ay mararamdaman mo na nagbabago ka na,” muling pagpapaliwanag ng ama.
Sa unang araw na ginawa ni Dale ang itinuro ng kanyang ama ay nakapagbaon agad siya sa bakod ng apatnapung pako. Isa itong patunay na sadyang magagalitin ang binata, pero sa halip na makapagbitiw ng masasakit na salita ay sa bakod niya ibinuhos ang galit na nararamdaman.
Paulit-ulit itong ginawa ni Dale, ang pagbabaon ng pako sa bakod tuwing magagalit siya. Pagkalipas ng ilang linggo ay unti-unti nang nababawasan ang pako na ibinabaon ng binata sa kanilang lumang bakod. Hanggang sa isang araw ay wala kahit isa mang pirasong pako ang ibinaon ng binata.
“Papa, tama po kayo. Dahil sa itinuro ninyo sa akin ay unti-unti kong natutunan kung paano magtimpi ng galit. Alam ninyo ba na ngayong araw na ito ay wala akong ibinaon na kahit isang piraso na pako?
“Mas madali pa pala magkontrol ng galit kaysa magbaon ng pako sa lumang bakod na gawa sa Narra,” pabirong sabi ng binata sa kanyang ama.
“Magaling anak. Ngayon ay handa ka nang matutunan ang susunod na ituturo ko sa’yo. Halika at samahan mo ako ulit sa likod bahay natin,” pahayag naman ng kanyang anak.
Pagdating sa likod-bahay ay may bagong inutos ang ama sa kanyang anak, “ngayon anak, ang gusto kong gawin mo ay bunutin mo isa-isa ang bawat pakong ibinaon mo sa lumang bakod natin.
“Sa bawat araw na tagumpay ka sa pagpipigil ng galit ay bubunot ka ng isang pako. Gagawin ito araw-araw hanggang sa maubos mo ang lahat ng pako,” paliwanag naman ng ama.
Sinunod naman ni Dale ang utos ng kanyang. Sa bawat araw na siya ay makakapagtimpi ng galit ay isang pako ang binubunot niya mula sa lumang bakod. Pagkalipas ng ilang linggo ay ipinakita na ng binata sa kanyang ama ang lumang bakod.
“Papa, tignan ninyo! Naubos ko na lahat ng pako sa bakod natin. Ibigsabihin ay hindi na rin ako magagalitin,” bukod pagmamalaki ni Dale.
“Magaling anak. Ngayon naman ay gusto kong pagmasdan mong maigi ang ating lumang bakod. Gusto ko pansinin mo ang bawat butas na nilikha ng mga pako.
“Pwede nating takpan ng masilya ang mga butas, pero ang totoo ay permanente nang lumikha ng sira ang mga pako na ibinaon mo sa bakod natin. Ganoon din anak pagdating sa mga taong nakagalit mo noon at napagsalitaan ng masasakit.
“Maari kang humingi ng tawad, pero lumilikha na ng sugat at pilat sa puso ang masasakit na salitang nabibitawan mo gawa ng iyong galit. Kaya sa susunod na magagalit ka, ay maging maingat ka sana sa mga salitang lalabas sa iyong bibig.
“Sa halip na saktan, ay protektahan mo ang mga kaibigan at mahal mo sa buhay. Dahil di hamak na mas importante sila kaysa sa lumang bakod na ito na gawa sa Narra,” pahayag ng amang si Melvin.
Hindi maiwasan na mapaluha si Dale sa mga salitang binitawan ng kanyang mga ama. Tulad ng mga pakong ibinaon ni Dale, ay tumagos sa kanyang puso ang mga aral na itinuro ng ama.
Kinabukasan, “Papa, halika sa likod bahay at may ipapakita ako sa’yo.”
Pagdating sa likod bahay ay bumungad kay Melvin ang isang bagong gawang bakod na si Dale ang lumikha.
“Papa, bilang pasasalamat na itinuro ninyo ay nagtayo ako ng bagong bakod. At gaya ng bakod na ito, simula ngayon ay isa na rin akong bagong nilalang. Hindi na ako ang dating ‘Dale’ na magagalitin at masakit magsalita, ngayon ay ako na si ‘Dale’ na marunong magtimpi ng galit at mahinahong magsasalita gaya ng aking ama,” nakangiting saad ni Dale sa ama.
Kagaya ni Dale ay matutunan sana nating mag-ingat sa mga salitang ating binibitawan. Dahil may mga masasakit na salita tayong mabibitawan na makakasakit sa damdamin ng iba, maaaring mabigyan tayo ng kapatawaran, pero kailanman ay hindi ito makakalimutan. Gaya ng pakong ibinaon at tinanggal mula sa kahoy na bakuran, mag-iiwan ito ng marka na mananatili panghabang buhay.