Inday TrendingInday Trending
Napagbintangang Magnanakaw ang Baldadong Matanda, Ngunit Isang Batang Babae ang Tutulong sa Kanya Upang Malinis ang Pangalang Nadungisan

Napagbintangang Magnanakaw ang Baldadong Matanda, Ngunit Isang Batang Babae ang Tutulong sa Kanya Upang Malinis ang Pangalang Nadungisan

Mag-isa na lamang sa buhay si Mang Enteng. Pangangalakal ng mga bote at bakal ang ikinabubuhay niya. Bukod sa kakapusan sa pera ay isa pang pasanin ng matanda ang kanyang kapansanan.

Wala na ang kaliwa niyang paa dahil kinailangan itong tanggalin ng doktor dahil sa komplikasyon sa isang sakit. Subalit sa tulong ng isang artipisyal na binti at paa na ipinagkaloob sa kanya ng isang kawanggawa ay nagagawa niyang makapaglakad muli at makapaghanapbuhay.

Imbis na malugmok at maawa sa sarili ay hinaharap na lamang ni Mang Enteng ang bawat araw ng may pasasalamat. Para sa kanya ay malapad pa rin siya dahil sa natitirang kalasakan sa gitna ng kanyang katandaan.

Maagang gumigising ang matanda upang galugarin ang kanilang lugar upang makakuha ng mga bote at bakal na ibebenta. Katuwang niyang ang isang lumang kariton sa araw-araw na pagsulong.

Isang araw, habang nasa kalye ay napukaw ng isang batang babae ang kanyang atensyon. Nakatingin ito sa malayo habang pinagmamasadan ang mga kalaro na bumibili ng masarap na sorbetes sa kanto.

Nakita ng matanda na walang pambili ng sorbetes ang babae. Kahit na kakaunti ang kinikita sa kalakal ay nilapitan ni Mang Enteng ang batang babae upang bigyan ng pambili ng sorbetes. Masaya namang tinanggap ng bata ang baryang ibinigay ng matanda.

“Maraming salamat po, lolo!” pasasalamat ng batang babae kay Mang Enteng.

“Walang anuman hija. Ganyan nga, dapat lagi kang nakangiti, dahil pag ikaw ay nakasimangot, ang mukha ay malulukot. Gusto mo bang tumanda agad katulad ko?” pagbibiro naman ng matanda.

Itinuloy ng matanda ang pangangalakal. Inabot na siya ng dilim bago makauwi. Matapos ang maghapong pagkayod ay sa wakas, maipapahinga na niya ang nananakit na katawan.

Kinabukasan ay simula na naman ng panibagong pakikipagsapalaran ni Mang Enteng sa buhay. Ikinabit na niya ang artipisyal na paa at sinimulang itulak ang kariton palabas ng kalsada at sinimulan ang paghahanap ng pera sa mga bakal at bote.

Pagsapit ng hapon, sa gitna ng tirik na tirik na araw ay tuloy pa rin sa pagkayod si Mang Enteng. Itinatawid niya ang kanyang kariton sa kabilang kalye nang may biglang bumangga sa kanya na isang lalaki.

“Bwisit na matanda ka! Haharang-harang ka pa sa daanan ko. Itabi mo nga iyang mga basura mo at baka tamaan ka sakin!” wika ng galit na lalaki sa matanda.

Hindi na pinansan ng matanda ang galit na lalaki na nagmamadaling umalis. Hindi pa tuluyang nakakaalis ang matanda nang lapitan siya ng isang grupo ng mga pulis kasama ang isang galit na galit na babae.

“Mamang pulis, nakita ko na lumapit sa matandang iyan ang lalaking humablot ng bag ko. Hulihin ninyo siya dahil kasabwat niya ang matandang iyan!” sigaw ng babae.

“Ano ho? Wala akong alam sa sinasabi ninyo. Nangangalakal lamang po ako dito,” sagot ng matanda.

“Nako, iyang palusot niyo ay lumang tugtugin na tanda! Mabuti pa ay ilabas na ninyo ang ninakaw ninyo at sumama kayo sa amin sa presinto,” sabi ng isang pulis.

“Pero wala ho akong ninakaw na kahit ano,” muling hirit ng matanda.

“Chief oh! Eto yung bag ko, nakita ko sa kariton ng matanda!” wika ng isa pang pulis.

“Kita mo na? Ibedensiya na ito na kasabawat ka talaga sa pagnanakaw. Kayong mga magnanakaw ang nagpapagulo sa lugar na ito eh. Sige lagyan na ng posas iyan!” utos ng isang pulis.

“Teka, wala po akong kasalanan. Hindi ako magnanakaw. Parang awa na ninyo, wag ninyo ako ikukulong,” pakiusap ng matanda.

“Sa presinto ka na magpaliwanag tanda! Sige dalhin na yan!” sigaw muli ng pulis.

Sinubukan niyang magpumiglas sa mga humuhuli sa kanya, subalit wala siyang nagawa. Pwersahan siyang dinala ng mga pulis hanggang sa makalas ang kanyang aritipisyal na paa na nakakabit.

“Sige, itapon na lamang natin ito sa basura para hindi na muling makatakbo at makapangbiktima ang matanda ito!” biro pa ng isang pulis.

Sa presinto ay lalong nadiin ang matanda sa krimen. Kaya nakulong siya ng araw na iyon. Subalit kinabukasan ay agad naman din pinalaya si Mang Enteng. Sinalubong siya ng isang abogado at kinausap.

“Manong, may isang batang babae na nakakita sa inyo kahapon nang bigla kayong hulihin ng mga pulis. Lumapit siya sa amin upang sabihin na wala kayong kasalanan. Sa review ng CCTV footage ay napatotohanan ang sinabi ng bata.

“Nadakip na rin po ang tunay na salarin. Tutulungan ko kayo na makapagsampa ng kaso sa mga humuli at nanakita sa inyo. Siya nga po pala, nag-iintay sa labas ang bata sa inyo. Nais daw po kayong makita,” pahayag naman ng abogado.

Isinakay sa wheelchair ang matanda at saka naman itinulak palabas ng presinto. Doon ay sinalubong siya ng batang babae, kasama ang mga magulang nito.

“Lolo, kung natatandaan ninyo po, ako po yung nilibre ninyo ng sorbetes noong nakaraang araw. Alam ko po na wala kayong kasalanan. Nakita ko po na nilagay ng lalaking magnanakaw ang bag sa kariton ninyo, hindi po kayo nila dapat ikinulong,” sabi ng batang babae habang umiiyak.

“Salamat ng marami hija ha? Huwag ka nang umiyak, hindi ba’t sabi ko sa iyo na huwag kang sisimangot upang ang mukha mo ay hindi malukot? Okay lang ako. Ang importante ay nahuli na ang tunay na magnanakaw,” nakangiting saad ni Mang Enteng.

“Siya nga po pala, lolo. Nakita ko po ito noong nakaraan, nung mahuli kayo ng mga pulis. Kaya pinulot ko po agad ito galing sa basura,” wika ng batang habang ibinibigay ang artipisyal na paa ng matanda.

“Salamat hija, maraming salamat!” lumuluhang sambit ng matanda habang ikinakabit ang artipisyal na paa.

“O lolo, huwag na kayong sumimangot, parang ang mukha ninyo ay hindi malukot!” biro naman ng batang babae.

Naparusahan din ang mga humuli at nanakit kay Mang Enteng. Humingi naman din ng paumanhin ang babaeng nanakawan na nagbintang sa kanyang. Bukod dito ay pinagkalooban din niya ng maliit na puhunan para sa negosyo.

Huminto na ang matanda sa pangangalakal at nagbukas na lamang ng isang maliit na tindahan. Sa kwentong ito na Mang Enteng, ay mapapatunayan na ang maling panghuhusga sa ating kapwa ay isang tunay na kapansanan na dapat nating puksain.

Isang napakagandang halimbawa ang istorya ng matanda na kapag tayo ay gumawa ng mabuti sa kapwa, ay mabuti rin ang magiging balik nito sa atin. Tulad ng maliit na ginawa niyang kabutihan sa batang nais kumain ng sorbetes, ay naging doble ang balik nito sa kanya nang siya’y mapalaya mula sa maling bintang.

Advertisement