Inday TrendingInday Trending
Dahil Parehas Walang Pang-Aral Sa Kolehiyo Ay Nagtrabaho Ang Mag-Nobyong Ito, Natupad ang Kanilang mga Pangarap Dahil sa Kanilang Paghihirap

Dahil Parehas Walang Pang-Aral Sa Kolehiyo Ay Nagtrabaho Ang Mag-Nobyong Ito, Natupad ang Kanilang mga Pangarap Dahil sa Kanilang Paghihirap

High school pa lamang noon si Ara at Bryan ay naging magkarelasyon na sila. Hindi naman naging hadlang ang kanilang relasyon sa kanilang pag-aaral, dahil katunayan nga niyan, palagi silang nasa listahan ng pinakamagagaling na mga estudyante.

Maging ang kanilang mga guro ay natutuwa sa kanilang kasipagan mag-aral.

Kung minsan pa nga ay ginagawa silang halimbawa ng mga guro na sana ay tularan sila ng ibang mag-aaral.

Kaya naman, maging ang kanilang mga magulang ay natutuwa rin sa kanilang relasyon.

Ang problema lang ay parehong galing mahirap na pamilya si Ara at Bryan. Parehas rin silang may mga nakababatang kapatid kaya’t hindi na alam ng kani-kanilang mga magulang kung papaano sila pag-aaralin kapag ka nag kolehiyo na sila.

“Pasensya ka na anak, mag-aaral na rin kasi si bunso, hindi na namin kakayanin ng tatay mo ang mga gastusin,” malungkot na sabi ng nanay ni Ara.

Ganoon din naman ang problema ng tatay ni Bryan, “Nak, baka pwedeng huminto ka muna sa pag-aaral? Kasi magha-high school na rin ang kapatid mo. Hindi ko kayo kayang pag-aralin ng sabay-sabay. Mahal pa naman ang magpakolehiyo.”

Kaya’t habang ang karamihan sa kanilang kaklase ay atat na atat ng grumaduate para makapagkolehiyo, silang dalawa naman ay pinapanalangin na sana bumagal ang mga araw.

Pero isang araw ay nakaisip ng tila magandang ideya ang binata. Pinuntahan niya agad ang kanyang nobya sa silid-aklatan ng kanilang paaralan.

“Ara! Ara!” tawag niya sa nobya habang siya’y nasa malayo pa lamang.

“Sshhhh, ‘wag kang maingay. Nasa library tayo,” bulong ng dalaga.

“Ay pasensya na. May naisip kasi akong pwede nating gawin!” ani ni Bryan.

Kumunot ang noo ng dalaga at tinaas niya ang kanyang kanang kilay.

“Bakit hindi tayo mag-apply sa mga trabaho? Para makapag-aral pa rin tayo na hindi na kinakailangang humingi pa ng pera sa mga magulang natin!” masayang banggit ni Bryan.

Napangiti si Ara dahil alam niyang napakagandang ideya ang naisip ng kanyang nobyo.

“Alam mo, pwede yan! Tapos makakatulong pa tayo sa pamilya natin sa mga gastusin nila,” ani Ara.

Ipinagpaalam agad nila sa kani-kanilang magulang ang kanilang plano.

Pumayag naman ang kanilang mga magulang dahil alam nilang gustong-gusto nilang mag-aral.

Marso nang sila ay grumaduate na sa high school. Unang linggo pa lamang ng Abril ay nagsimula na silang maghanap ng trabaho.

Pili lamang ang mga trabahong pwede nilang pasukan dahil sila’y high school pa lamang. Agad silang nagpunta sa isang fast food para doon magbakasakali kung pwede silang mag trabaho.

Ngunit, hindi sila natanggap. Ang dahilan ay hindi sila naghahanap ng bagong tapos na empleyado.

Ilang araw pa ang lumipas at patuloy silang nagtyaga sa paghahanap ng trabaho.

Mapalad sila dahil may isang fast food pa sa malapit na saktong naghahanap ng dalawang bagong empleyado.

Tuwang-tuwa ang mag-nobyo dahil sila’y nakakita ng maayos ng trabaho. Mahirap man, ngunit unti-unti ay nakapagipon sila para may maipangbayad sa matrikula sa papasukang kolehiyo.

Magkaiba sila ng pinasukang kolehiyo dahil magkaiba rin ang kursong kanilang kinuha.

Kursong Accounting ang kay Ara at Information Technology naman ang kay Bryan.

Habang ang ibang magnobyo ay nagde-date sa sinehan o kaya’y kumakain sa labas, sila naman ay nagde-date sa kani-kanilang bahay, nanonood ng telebisyon at ipinagluluto ang isa’t isa.

Nang sila’y nakatungtong ng ikatlong taon sa kolehiyo, naghanap ng may mataas ng sweldo ang mag nobyo.

Napunta si Bryan sa isang fine dining na restaurant at naging waiter siya doon. Si Ara naman ay naging barista sa isang coffee shop.

Kumonti ang oras nila sa isa’t isa. Ngunit dahil pursigido silang makatapos ay pinalakas nila ang loob ng isa’t isa.

“Hindi na tayo nagkikita masyado, pasensya ka na,” malungkot na sabi ni Bryan.

“Wag mo yung isipin. Pag nakatapos tayo, made-date mo na ako sa mga sine, kasi wala na tayong babayarang tuition,” nakangiting sabi ni Ara.

Ang lahat ng kanilang paghihirap ay nagbunga ng maganda. Hindi lamang sila naka-graduate ng kolehiyo ngunit parehas pa silang mayroong Latin Honors.

Habang ang parehas nilang pamilya ay sama-samang nagsasalu-salo sa bahay nila Bryan para sa kanilang pagtatapos ng kolehiyo…

“Nais ko lang po sanang kuhain ang inyong mga atensyon,” ‘ika ng binata at ang lahat ay napatingin sa kanya.

Tinawag niya si Ara para tumayo sa tabi niya.

“Kaming dalawa po ni Ara ay nagpapasalamat sa inyo, na aming mga magulang dahil sa pagsuporta niyo sa aming mga desisyon lalo na nung nagpasya kaming magtrabaho. Salamat din dahil naniwalala kayo sa amin na kami ay makakapagtapos.”

Tumingin ang binata sa kanyag nobyo at sinabing…

“Nagpapasalamat din po ako sa mga magulang ni Ara, dahil sa inyong basbas.”

Nagtilian ang lahat sa kanilang bahay at maging si Ara ay parang nabingi sa sinabi ng nobyo.

Ang tilian ay nadagdagan ng iyakan ng lumuhod ang binata sa harapan ni Ara.

“Ara, sana pumayag kang makasama ako habang buhay. Dahil pangarap kong tuparin ng sabay ang lahat ng pangarap nating dalawa.”

Kahit umiiyak ay nagawa pa ring sumagot ni Ara… “Oo Bryan. Nakaya na natin noon, alam kong mas marami pa tayong magagawang maganda, nang magkasama.”

Mula sa araw na iyon ay ang kani-kanilang mga pamilya ay naging abala para sa kasal ni Bryan at ni Ara.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement