Patuloy ang Paghiram ng Pera ang Pinsan Niya Kahit Baon na Ito sa Napakarami Pang Utang, Isang Insidente ang Magtuturo sa Kanya ng Leksyon
Bata pa lamang si Kenneth at Charles ay hindi na sila mapaghiwalay. Magpinsan sila pero halos lahat ng nakakakita ay inaakalang magkapatid sila. Bukod sa magkamukha sila ay parehas pa sila ng mga hilig.
Sa kanilang paglaki ay tila walang nagbago. Parehas sila ng pinasukang eskwelahan at maging sa pagpili ng natitipuhang babae ay parehas din sila.
Ngunit si Kenneth ay nakapagpatuloy ng kolehiyo at si Charles ay hindi.
Pumanaw sa isang sakit ang ina ni Charles at wala na siyang tatay, bata pa lamang siya kaya naman wala nang susuporta pa sa kanyang pag-aaral.
Mula noon ay doon na nanirahan si Charles sa bahay nila Kenneth.
Para makatulong ay nagsimulang magtrabaho at magsikap si Charles. Ngunit palagi na lamang siyang napapanghinaan ng loob.
“Ayoko na Kenneth. Nahihirapan na ako,” aniya sa kanyang pinsan.
“Pinsan, ‘wag kang panghinaan ng loob. Nandito naman ako at si mama. Susuportahan ka namin,” ani Kenneth.
“Ayaw ko namang palaging umasa sa inyo. Syempre, nahihiya rin ako.” Sambit ni Charles.
“Bakit ka mahihiya eh pamilya tayo, ano ka ba naman?” sagot ng binata.
Habang si Kenneth ay nag-aaral, si Charles naman ay palipat-lipat ng trabaho dahil hindi siya tumatagal sa mga napapasukan niya.
Nang si Kenneth ay makatapos na, mabilis siyang nakahanap ng trabaho dahil maganda ang kanyang mga grado noong siya’y nag-aaral pa lamang.
“Pinsan, pwede ba akong makahiram sa’yo? Eh maghahanap sana ako ng trabaho kaya lang wala na talaga akong pera eh,” ani Charles.
“Oo naman ‘insan, walang problema. Ayos na ba itong isang libo muna?” sagot naman ni Kenneth.
“Ah oo insan, salamat,” sagot ni Charles dahil alam niyang sobra-sobra pa ito.
Ngunit, imbis na umuwi nang may nakitang trabaho ay umuwing lasing si Charles.
“Oh, anong nangyari sayo ‘insan?!” nag-aalalang tanong ni Kenneth matapos pumasok ni Charles sa pintuan ng kanilang bahay na pagewang-gewang.
“Wala naman, hik, okay lang naman a-, hik, ako insan!” sagot ni Charles na pilit tumatayo ng deretso.
Hinayaan ni Kenneth na makapagpahinga muna ang pinsan at kumustahin nalang kinabukasan.
Ngunit kinabukasan ay nalaman niyang hindi nakahanap ng trabaho si Charles at nagpunta lamang sa inuman.
Ang mga sumunod pang araw ay naging pare-parehas lamang.
Mangungutang ng pera si Charles sa kanyang pinsan, magdadahilan kung saan gagamitin ang pera, uuwing walang napapala.
Tuwing kakamustahin naman ni Kenneth ang kanyang pinsan ay nagagalit lamang sa kanya si Charles.
“Ano na naman ba Kenneth? Eh sa wala akong nakitang trabaho talaga eh.”
“Hindi naman ako kasing talino mo!”
“Hindi ako natanggap kasi hindi ako nakapagkolehiyo gaya mo!”
“Wala na Kenneth, patapon na ang buhay ko!”
Yan ang mga palagi niyang sagot tuwing kakamustahin siya ni Kenneth.
Alam ni Kenneth na mahirap ang pinagdadaanan ng kanyang pinsan mula pa sa pagkawala ng kanyang nanay kaya naman nangako siya sa kanyang sarili na tutulong siya sa kanyang pinsan kahit anong mangyari.
Ngunit, ang ugali ni Charles paagdating sa pera ay palala na ng palala. May mga gabi na hindi siya umuuwi dahil nasa labas siya at nag-iinom.
Lumala pa ang sitwasyon nang may nakakita kay Charles na napapadalas siya sa isang sugalan. Ngunit hindi ito pinapaalam ni Charles sa kanyang pinsan.
“Kumusta na pinsan, nakakita ka na ba ng trabaho?” tanong ni Kenneth.
“Oo pinsan, nakakita na ako. Pero kailangan ko daw ayusin yung mga requirements ko. Pautangin mo naman ako,” ani ni Charles.
At muli ay pahihiramin parin ni Kenneth ang kanyang pinsan.
Ngunit isang araw habang nasa labas si Charles at si Kenneth naman ay nasa bahay nila may hindi inaasahang mga tao ang kumatok sa kanilang bahay.
“Sino yan?!” sigaw ni Kenneth matapos marining ang napakalakas na katok.
Hindi sumagot ang nasa pintuan kaya’t mabilis niyang pinuntahan ang di kilalang bisita.
“Magandang umaga, sino ho kayo?” tanong niya sa tatlong lalaking nakaharang sa kanyang pinto.
“Nasaan si Charles?!” galit na tanong ng isa sa kanila.
“Wala siya rito ngayon, sasabihin ko nalang na nagpunta kayo,” ani ni Kenneth.
At umalis na rin ang tatlong lalaki.
Pag-uwi ni Kenneth, kinuwento lahat ni Charles ang nangyari nang dumating ang tatlong lalaki. Napansin niya ang takot sa mata ng kanyang pinsan.
“Kilala mo ba sila?” ani Kenneth.
“Ha? Hindi eh. Baka kilala nila ako pero hindi ko sila kilala,” nauutal na sagot ni Charles.
Tumango na lamang siya at naniwala sa kanyang pinsan.
Isang araw, laking gulat ni Kenneth nang umuwi si Charles sa kanila na bugbog sarado.
“Diyos ko?! Napano ka insan?!” ani Kenneth
Hindi agad nakapagsalita si Charles sa sobrang sakit ng kanyang katawan.
“Pasensya ka na ‘insan,” naiiyak na sabi ni Charles.
“Nagsinungaling ako sa iyo.”
Inamin na niya ang lahat. Na kahit kailan ay ‘di siya naghanap ng trabaho.
Tanging ginawa lamang niya ay magpunta sa mga inuman at sugalan. At ang mga lalaking nagpunta sa kanilang bahay noong isang araw ay ang iba pang pinagkakautangan ni Charles.
Sila rin ang gumawa sa kanya nito dahil lagi niyang tinatakasan ang mga lalaki dahil hindi siya makapagbayad.
“Patawarin mo ako insan, maiintindihan ko kung magagalit kayo sakin at palalayasin niyo na ako rito sa bahay niyo,” nakayukong sambit ni Charles.
“Ano ka ba naman, Charles? Hindi ako galit sayo, pero galit ako sa ginawa mo. Ngunit, kahit kailan ay hindi ka namin palalayasin dahil pamilya tayo. Pero, kailangan mong gawan ng paraan para mabayaran ang lahat ng taong pinagkautangan mo,” ani ni Kenneth.
Matapos magpagaling ni Charles ay sinamahan siya ng kanyang pinsan maghanap ng trabaho.
At nang siya’y makakita ng maayos-ayos na trabaho, ay unti-unti na niyang binayaran ang lahat ng mga pinagkakautangan niya, maging ang kanyang pinsan na si Kenneth. Doon na rin nagsimula ang pagbabago sa kanyang pag-uugali.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!