Para Umangat ang Posisyon sa Trabaho ay Pagsipsip ang Kanyang Sikreto, Nanlumo Siya Dahil Hindi Niya Alam Kung Gaano Kahirap ang Pinasok Niya
Sa kanilang opisina, bilib na bilib ang lahat kay Hazel.
Magandang dalaga. Magaling magsalita. Batang-bata sa edad na bente-kwatro, ngunit marami nang nagawa sa trabaho. Maraming kakilala at kaibigan.
Sa call center na pinagtatrabahuan ni Hazel, kung tatanungin ang mga bagong kakilala niya tungkol sa kung sino siya, ‘yan ang makukuha mong sagot.
Ngunit para sa mga matatagal na niyang kakilala…
Maganda pero maldita. Magaling magsalita pero magaling mambola. Batang-bata pero bihasang-bihasa sa pagpapaikot. Maraming bagong kakilala at walang gustong tumagal na maging kaibigan siya.
Isa na roon ang dati niyang naging kaibigan na si Rachelle.
“Ayan na naman si ate girl mong Hazel, mang-uuto na naman ng bisor,” ani Rachelle sa mga grupo ng babaeng nakapulong at nakatingin kay Hazel.
“Hay naku, papansin na naman sa mga boss!” wika pa ng isa sa mga babae.
“Hi boss! Good morning po!” bati ni Hazel sa isa sa mga boss niya.
“Ah. Good morning din,” magalang na sagot ng boss dahil hindi niya talaga kilala ang dalaga.
“Pahinga din kayo boss ha. Relax relax din po,” nakangiting sabi ni Hazel.
“Sige boss, balik na ko sa trabaho, see you around po,” dagdag niya at nagpunta agad sa kanyang istasyon.
Napangiti na lamang ang boss sa kanyang ginawa. Ngunit hindi natutuwa ang grupo ni Rachelle.
“Grrr! Nakakainis! Ayan na naman siya. Pabibo nanaman!” ani Rachelle.
“Ano na naman kayang posisyon ang gusto niyang agawin ngayon?” sagot ng isa sa kanila.
“Ewan ko ba! Siguro gusto na din maging team leader niyang bruhildang yan!” sagot din ng isa pa.
“Hay nako, hayaan na nga natin siya. Makakarma rin siya sa ginagawa niya. Hindi man ngayon, pero dadating rin ang araw na yun,” ani Rachelle.
Alam ni Hazel ang galit na mayroon si Rachelle sa kanya. Ang totoo niyan, dati silang matalik na magkaibigan. Sila ang unang naging magkasama noong mga bagong ahente pa lamang sila.
Sinubukan ni Rachelle na mag-apply sa mataas na posisyon sa kumpanya pero laking gulat niya nang may napili na pala para sa posisyong ito. Walang iba kung hindi ang kanyang kaibigan na si Hazel.
Matagal-tagal na palang sumisipsip si Hazel sa team leader na magbibigay ng posisyon na ito. Kaya naman, napakabilis lang para sa kanya na agawin ang sanang posisyon na nararapat para kay Rachelle.
Kapansin-pansin rin na madalas ay walang sumasamang ibang ahente kay Hazel mula nang siya ay napromote.
Dahil doon, kusang lumalapit si Hazel sa mga taong kaparehas niya ng trabaho.
Ang iniisip lang ng iba ay sisipsip na naman si Hazel para sa panibagong posisyon.
At… Tama ang kanilang iniisip.
Ilang linggo lamang ang nakalipas ay nabalitaan nilang isang manager na si Hazel.
Sobrang sama ng loob ni Rachelle sa mga nangyari.
“Grabe! Ano na namang mahika ang ginawa ni Hazel at bakit na-promote na naman kaya ‘yan!” bulong niya sa sarili.
Ngunit huhupa rin naman ang kanyang inis matapos din niyang maisip na mayroong karma.
Pero hindi doon natatapos ang pagsipsip ni Hazel. Tila walang kapaguran mambola ang babaing ito.
“Hi boss! May kailangan po ba kayo?”
“Boss! Ang ganda ng suot natin ngayon ah.”
“Boss, wag kayong mag-aalala ako na ang bahala. Kayang-kaya ko yan.”
Iyan ang kanyang sinasabi tuwing nariyan ang kanyang bisor. Ngunit kahit anong pangako niya ay madalas pa rin siyang napapagalitan dahil hindi nagiging maayos ang kanyang trabaho.
Isang araw habang nasa pila si Hazel sa kantina ng kanilang opisina ay kausap niya ang isang katrabaho tungkol sa isang posisyong gustong gusto niyang makuha.
“Girl, alam mo ba may opening ngayon para sa bagong supervisor?”
“Talaga ba?! Eh di mag-aapply ka na naman dyan?” sagot ng kanyang kausap.
“Eh ano pa nga ba? Pero sisiw na lang yun. Kaibigan ko naman si boss. Isang ngiti ko lang dun eh.”
Sabay na nagtawanan ang dalawang magkausap. Hindi ata niya napansin na si Rachelle ay kasunod niya lang sa pila.
Umaapoy ang tenga ni Rachelle sa kanyang narinig. Tinawag na niya lahat ng pasensya na meron ang kanyang katawan para mapigilan komprontahin si Hazel.
Ilang linggo lang ang nakalipas at ibinalita agad na si Hazel ang isa sa mga pinakabagong bisor sa kanilang trabaho.
Ngunit isa si Rachelle sa taong halos hindi makangiti nang malaman na si Hazel ang kanilang magiging bagong bisor.
May mga araw na gusto nang niyang sagutin ang kanyang bisor dahil mali-mali ang kanyang trabaho. Ngunit, magpipigil na lamang siya dahil ayaw niyang mawalan ng trabaho.
Hanggang isang araw, nabalitaan ng karamihan na halos mawalan ng trabaho si Hazel.
Napag-alaman sa kanilang trabaho na nandaraya lamang pala si Hazel at hinuhulaan ang mga gagawin niya sa trabaho. Kaya madalas siyang napapagalitan ng kanilang mga boss dahil wala naman talaga siyang alam sa trabahong ibinibigay sa kanya.
Dahil doon, imbis na bumalik sa trabaho ay nagresign na lamang ng tuluyan si Hazel para makatakas sa kahihiyan.
Doon niya naisip na walang nakukuhang maganda sa pagsipsip sa trabaho para lang umangat. Labis ang pagsisisi ng dalaga at umaasa na sana ay hindi pa huli ang lahat para sa kanya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!