Pinagkamalang Holdaper ng Dalaga ang Matandang Sepulturero, Sa Huli’y Ito pa Pala ang Magiging Tagapagligtas Niya sa Totoong Holdaper
Ika-isang taong anibersaryo ng kamatayan ng ama ni Jicel ngunit ginabi na siya sa pagpunta sa sementeryo kung saan ito nakalagak. Hindi kasi siya pinayagan ng boss niya na lumabas nang maaga. Kaya ito siya ngayon, nagmamadaling maglakad palabas ng sementeryo matapos dalawin at bigyan ng bulaklak at respeto ang yumaong ama. Ngunit hindi pa siya nakakatagal sa paglalakad ay bigla naman siyang nakaramdam na may sumusunod sa kanya. Nakita niya rin ito na may ginagawa sa kabilang puntod kanina. Sa isip niya’y isa lamang itong sepulturero, ngunit sa kabilang banda ay natatakot pa rin siya dahil sa isiping baka may masama itong gawin sa kanya tulad na lamang ng panghoholdap o iba pang masasamang bagay. Kaya naman binilisan niya ang paglalakad dahil madilim na sa parteng iyon ng sementeryo. Hanggang sa maramdaman niyang may matalim na kutsilyong tumutok sa likuran niya. Sinasabi na nga ba niya! “Holdap ‘to. Huwag kang sisigaw kundi laslas ‘yang laman-loob mo.” Takot na takot siya. Hindi niya maaninag ang mukha ng lalaki. Pero kung sakaling makaligtas siya nang buhay doon ay sinusumpa niyang ipapakulong niya ang matandang sepulturero na iyon. Umiiyak na siya ngunit hindi niya magawang sumigaw dahil natatakot siyang tototohanin nito ang pagbabantang sasaksakin siya nito. “Akin na lahat ng pera mo pati mga mabebentang gamit mo d’yan!” Nanginginig niyang kinuha ang wallet at mga gamit sa kanyang bag. Ibibigay niya na sana iyon sa holdaper nang bigla nalang itong bumagsak. Gulat na gulat siya nang makita ang mukha nito. Hindi ito ‘yung matandang supulturero na pinagbintangan niyang masamang loob kanina. Sa katunayan, ang nagligtas sa kanya ngayon ay ang matandang iyon. Hinampas nito ng tubo ang ulo ng holdaper na naging sanhi ng pagkabagsak nito. Hiyang-hiya siya at hindi ito matingnan nang diretso sa mga mata. Humingi siya ng tawad dito at sinabi ang totoo ukol sa naisip niyang masamang bagay tungkol dito, “Sorry po talaga, manong.” “Okay lang ‘yun hija, hindi na bago sa akin iyon. Ang mahalaga ngayo’y ligtas ka. Sa susunod, huwag kang mag-iisa dito nang gantong oras ng gabi,” mahinahong sagot ng matanda. Nagpasalamat siyang muli dito at inalam ang pangalan nito, “Ernie.” Nalaman niyang sa sementeryo rin pala ito nakatira kaya naman pinangako niya sa sarili na palagi itong dadalawin sa tuwing nagtutungo siya sa puntod ng ama. Simula noon ay naging panatag na si Jicel sa tuwing magtutungo sa sementeryo. Hindi lamang dahil maaga na siya nagtutungo doon, kundi alam niya na may isang mabuting Mang Ernie na handang tumulong sa kanya sa panahon ng panganib. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.