Hindi Naniniwala sa Multo ang Sepulturero na Nagse-semento ng Lapida, Hanggang Isang Matanda ang Kumausap sa Kanya
Sa sementeryo na tumanda si Naldo. Ang lolo niya ay sepulturero, ang tatay niya ay iyon na rin ang trabaho, hanggang ngayon na may sarili sa siyang pamilya at ang pagbabantay at pag aayos sa mga nitso ang ipinangbubuhay nya sa mga ito.
Dito rin sila nakatira. Pumayag ang pamunuan ng sementeryo na tayuan nila ng maliit na barung-barong ang mga puntod na hindi na dinadalaw ng pamilya at sobrang luma na. Kaya naman di na siya naniniwala at di sya nasisindak sa mga multo. Maraming sabi-sabi na may nagpapakita raw sa mga libingan, pero tinatawanan niya na lamang ang mga kwentong iyon.
“May white lady nga raw dyan eh, sabi nung nagtitinda ng fishball sa unahan. Tuwing gabi raw,” nangunguna pa sa pagkukwento ang anak ni Naldo na si JR.
“Sabi rin ng tatay ko, may ulong pugot daw,” gatong naman ng isa pa.
Napailing si Naldo, kung anu-anong kalokohan ang pinag-iisip ng mga batang ito. Pinagpag nya ang kamay na puno ng alikabok dahil sa nililinis nyang nitso. Malapit na naman ang undas at may magpapalibing pa mamaya kaya buhay na buhay ang negosyo nya.
“Kayong mga bata kayo, tinatakot nyo ang sarili nyo. Hindi totoo ang multo, walang kaluluwa ang tao. Pag patay na, patay na. Kung may multo, bakit di nagpapakita sa akin aber?” pagpatol niya sa mga ito.
“Pero hindi ho nagsisinungaling ang tatay ko, Mang Naldo,” pagtutol ng isang bata.
“Tinatakot ka lang noon para hindi ka makulit. Basta tandaan nyo, hindi totoo ang kaluluwa, ang multo, ang kabilang buhay. Kahit nga yata ang Diyos ay hindi totoo. Paniniwala lang yan ng mga tao,” totoo sa puso nya ang sinabi niyang iyon. Siya mismo kasi ay hindi naniniwala sa Diyos. Dahil kung mayroon at kung pantay-pantay nga ang pagmamahal nito sa sanlibutan, bakit heto sya at nakatira ang pamilya sa piling ng mga bangkay habang ang iba ay nasa mansyon at abalang nagwawaldas ng limpak limpak na salapi?
Bakit ang iba, hihiga lang at mag-uutos ay sandamakmak na ang pera; pero siya, kung hindi pa magkukuskos ng lapida ay hindi kikita.
“Naldo! Wag ka ngang makibata dyan!” saway ng kanyang misis, abala naman ito sa pagpapaypay ng sinaing sa ibabaw ng de-uling na kalan.
Kinahapunan ay dumating na ang ililibing. Sa tulong ng iba pang sepulturero ay naiakyat ang magandang ataul sa nitso nito. Si Naldo naman ay hindi na tumulong pa, mamaya na lamang sya sa pagse-semento ng lapida.
Hinintay muna ni Naldo na maubos ang mga taong naipaglibing. Ang ilan kasing miyembro ng pamilya nito ay todo pa ang iyak at inabot na ng gabi. Alas nuwebe na yata sya naka-pwesto sa harapan ng nitso.
Habang ikinakabit nya ang lapida ay napapitlag pa sya nang magsalita ang isang matanda sa kanyang likuran.
“Mali naman ang spell ng pangalan,” komento nito. Nilingon ito ni Naldo at nginitian. Baka kaibigan ng pamilya. Mukhang disente ang ayos nito, sabagay, parang mayaman naman kasi ang pamilyang nagpalibing kanina.
“Kaibigan nyo ho? Nahuli yata kayo sa libing,” sabi niya.
“Oo eh. Pero baka magtampo sya sa kanila. Mali ang spell talaga ng pangalan,” ulit nito.
Tinitigan ni Naldo ang pangalang nakaukit sa lapida.
Jose Gaudentio Ricarte Sr.
“Ano ho ang mali?” takang tanong ni Naldo, hindi naman sya ang gumagawa ng lapida, pero kaibigan nya iyon. Baka mapakiusapan nya na palitan ang nakasulat.
“Hindi naman letter ‘T’ dapat, ‘C’ yan, Gaudencio.” sagot nito. Tumango tango si Naldo, ilang beses pa silang nagkwentuhan ng matanda.
Masarap itong kausap at marami siyang natututunan. Tuwing nililinis niya ang puntod ng bagong libing na mayaman ay naroon din ito, siguro ay matalik na kaibigan nito ang namatay.
“Di naman ho ako naniniwala sa multo multo. Kahit sa Diyos. Ang misis ko nga eh inaaway ako dahil binabatikos ko sya sa pagsamba nya sa mga santong kahoy,” natatawang sabi nya.
“Maniwala ka, may Diyos. Maaaring hindi ka sang-ayon sa paraan ng pagsamba ng iba, pero kahit na iba-iba pa tayo ng paraan, ang mahalaga ay sumasamba tayo sa iisang Diyos. Noong nabubuhay pa ang nakalibing dyan, hindi rin sya naniniwala. Siguro ngayon ay napatunayan nya na,” sabi nito na nakangiti.
Hindi na naman umimik si Naldo, gusto nya pa sanang hingian ito ng pruweba pero ayaw niya nang pumatol, mukhang mas matanda naman kasi ito sa kanya.
Isang umaga ay nagising si Naldo sa malalakas na kalabit ng kanyang misis. “Tumayo ka nga riyan! Nandyan yung pamilya nung nakalibing doon sa lapidang nililinis mo palagi!” sabi nito.
Napabalikwas naman sya. Mayaman kasi ang pamilyang iyon at malaki kung magbigay ng tip.
Paglabas niya ng bahay ay naabutan niya ang dalawang anak ng nakalibing.
“Good morning ho, Mang Naldo. Papapalitan ho sana namin yung lapida dahil mali ang spelling ng pangalan, kilala nyo raw ho iyong naggagawa?” tanong ng babae.
“Ay oho, kumpare ko. Pwede ko ho kayong samahan,” pagpiprisinta nya.
“Actually po ay nagmamadali kami. Baka pwedeng ipaabot na lang itong papel, nakasulat dyan yung tamang spell ng pangalan, marmol na itim pa rin po at gold ang pintura sa mga letter. Tsaka, magdadagdag nalang kami ng bayad, diba at uso na ngayon yung mga lapidang may picture?” tanong nito.
“Opo, dala nyo na po ba ang picture para mailagay na kung sakali?” grabe, big time talaga. Ang alam ni Naldo ay libo ang halaga kapag ganoon ang lapida.
“Ito ho,” inabot nito sa kanya ang litrato na nakabalot sa brown envelope. Kinuha iyon ni Naldo, nagpaalam na ang dalawa habang siya naman ay naglakad na papunta sa kanyang kumpare. Habang binabaybay niya ang daanan ay napapitlag pa siya dahil nasa likuran niya na pala ang matanda.
“Saan ang punta mo manoy?” tanong nito sa kanya.
“Ayan pala kayo! Ipapaayos ko na sa kumpare ang lapida ng kaibigan nyo. Nandyan ang mga anak nya eh. Di nyo ho nasalubong?” tanong niya.
Umiling naman ito.
“Teka, ang tagal-tagal na nating nag-uusap Ser, ano nga ho ang pangalan nyo?” sabi niya rito.
“Dencio.”
Pagkasabi naman nito ng pangalan ay umihip ang malakas na hangin, dahilan upang mapuhing si Naldo. Kinusot-kusot niya ang mata at nang dumilat na sya ay wala na ang matanda sa kanyang harapan.
Tila naman may nagbulong sa kanya na silipin ang litrato ng bangkay na nakalibing na nasa loob ng brown envelope. Unti-unti niyang pinunit ang papel at tumambad sa kanya ang mukha ng bangkay.
Si Mang Dencio.
Ito pala ang nakalibing doon at kaluluwa nalang ang nakakausap nya!
Kumaripas ng takbo si Naldo patungo sa kumpare niya, iniabot nya agad ang litrato at mahigpit na binilinan ito, “Gaudencio, hindi Gaudentio,” sabi niya rito.
Habang naglalakad siya pauwi ay naisip ni Naldo na hindi naman siguro nais ng matanda na takutin siya. Marahil ang huling misyon nito bago tumawid sa kabilang buhay ay ang magpalaganap sa mga taong di naniniwala ng isang mahalagang aral- totoo ang kabilang buhay.
Naniniwala na rin siyang may multo, may kaluluwa, at higit sa lahat, may Diyos.