Inday TrendingInday Trending
Ito ang Naging Kabayaran ng Mister nang Hindi Niya Pansinin ang Text ng Misis Habang Nakikipag-inuman Siya sa Barkada

Ito ang Naging Kabayaran ng Mister nang Hindi Niya Pansinin ang Text ng Misis Habang Nakikipag-inuman Siya sa Barkada

Masayahing tao si Carlos, masipag at may maayos na trabaho. Madalas ay pagod na pagod siya sa araw-araw na paghahanap buhay kaya’t ng minsang yayain ng magkakaibigan sa isang inuman ay hindi na siya tumanggi.

“Minsan lang naman ako mag-e-enjoy, di naman siguro magagalit ang misis ko”, bulong niya sa sarili.

Habang lumalalim ang gabi ay unti-unti na siyang nalalasing, nakatanggap din siya ng isang text mula sa kanyang asawa.

“Carlo nasan ka na? Kanina pa kita hinihintay”, ang mensahe ng kanyang asawa.

Hindi niya na ito pinansin dahil alam niyang magtatalo lamang sila at siguradong bubungangaan lamang siya nito. Makailang ulit ding tumawag ang kanyang asawa ngunit pinapatayan niya ito ng telepono. Kumbinsido siya na magbawas ng stress sa araw na iyon at magpakalasing kung nanaisin niya. Uuwi na lamang siya mamaya at hihingi ng tawad, palagi naman siyang pinapatawad nito kahit ano mang kasalanan niya.

“Tagay pa, tol. Oh ako na bahala sa susunod na bote natin, basta magpakasaya lang tayo dito!”

Sigaw ni Carlos matapos patayin ang telepono at itago sa kanyang bulsa. Walang masidlan ang kagalakan niya sa gabing iyon. Pakiramdam niya ay nabawasan kahit papaano ang pagod niya sa pagtatrabaho.

Walang patid ang pagdating ng inumin sa kanilang lamesa. Mayroon ding mga pulutan, nagpakuha na din sila ng karaoke machine para maging labis na ang kanilang pagsasayahan.

Pasado alas tres na ng madaling araw sila natapos, gumigewang-gewang na naglakad si Carlos pauwi sa kanilang bahay. Pagpasok niya ay sa sala na siya dumiretso. Humiga siya doon at tuluyan nang nahimbing ng tulog.

Sumapit ang alas otso ng umaga at nagising si Carlos sa isang malakas na suntok ni Adrian, ang nakatatandang kapatid ni Julie, ang asawa niya.

“Nasaan ka kagabi, Carlos?” sabay suntok sa kabila pa niyang pisngi.

“Nag-a-agaw buhay yung asawa mo, naaksidente si Julie, sa sobrang antok niya kakahintay sayo nahulog siya sa hagdan!”

Bagaman nahihilo ay sinubukang tumayo ni Carlos, hindi niya lubos maisip ang nangyari sa asawa, sinisisi niya ang sarili sa pagiging pabaya at iresponsable.

“Sorry kuya, hindi ko sinasadya, asan si Julie? Gusto ko siyang makita”,sambitniyakayAdrian.

“Ang kapal din ng pagmumuka mo! Ayaw kang makita ni Julie, di mo ba alam, ha? Buntis ung asawa mo! hinihintay ka niya dito kagabi para sabihin sayo yon andun siya sa ospital ngayon at malamang sinusumpa ka non!”

Putok man ang labi at pisngi ay dali-daling tumakbo si Carlos palabas ng bahay at nagtungo sa ospital na pinakamalapit. Madali niya ding natunton ang kwartong kinaroroonan ni Julie. Dahan-dahan niya itong nilapitan ngunit blangko ang mukha nito, maga ang mata sa pag iyak at namumutla.

“Wala na ang baby ko Carlos, wala na siya dahil sayo. Nung kinasal tayo nangako ka, sabi mo aalagaan mo ako, na hindi mo ako sasaktan at palagi mo akong poprotektahan, anong nangyari Carlos?”

Malungkot na sambit ni Julie habang nakatingin sa kawalan.

Hindi malaman ni Carlos kung ano ang dapat niyang isagot sa asawa, binigo niya ito, at ang pinakamasakit pa ay nawala ang kanilang magiging anak. Ang isa sa pinakamatagal niya ng pinapangarap, ilang taon nilang pinlano ni Julie ang pagkakaroon ng isang anak, ngunit dahil sa pagiging makasarili niya ay nawala ito.

Lumuhod si Carlos sa tabi ni Julie at humingi ng tawad, sa pagkakataong ito ay hindi na siya sigurado kung mapapatawad siya ng kanyang asawa.

“Kina mama na lang muna ako uuwi kapag pwede na akong lumabas, ayoko munang makita ka, umalis ka na.” wika ni Julie

Marahang tumayo si Carlos at hinalikan ang noo ng misis, “Patawad”, huling mensahe niya bago umalis.

Pagkauwi ay tuluyang bumuhos ang luha ni Carlos, sa loob lamang ng isang gabi ay nagbago ang takbo ng kanyang buhay. Isa-isa niyang inisip ang mga kasalanan niya kay Julie. Masakit man sa loob ay wala siyang magagawa kundi hintayin ang pagpapatawad ng asawa.

Araw-araw ay sini-send-an niya ito ng mga text upang humingi ng tawad ngunit ni minsan ay hindi ito sumagot, hindi rin nito sinasagot ang kanyang mga tawag. Pinapadalhan niya si Julie ng mga prutas at bulaklak sa ospital kahit alam niyang hindi niya naman ito tatanggapin.

Tatlong linggo matapos ang huling nilang pag-uusap ay dumating sa kanilang bahay si Julie. Niyakap niya ito ng mahigpit at nagpasalamat sa kanyang pag uwi.

“Patawarin mo ako, Julie. Simula ngayon ay aalagaan na kita ng tama. Hindi na kita isasantabi para sa sarili kong kaligayahan. Asawa kita at hindi ko iyon pinaramdam sayo. Patawarin mo ako”

Naluha nang tuluyan si Julie at hinawakan ang kamay ni Carlos.

“Alam kong mabuti kang tao Carlos, at alam kong hindi mo rin ginusto ang nangyari, magsimula tayong ulit ng mas masayang buhay bilang mag-asawa, pinapatawad na kita.”

Niyakap nila ang isa’t isa baon ang bagong pag-asa na magiging maligaya ang kanilang buhay pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement