Bata pa lang ay parati ng magkasama sina Abby at Luigi. Madalas silang makitang magkalaro na siya naman ikinatutuwa ng matatanda. Kung nasaan si Abby, siguradong nandoon din si Luigi.
Bagong salta lamang ang pamilya nila Luigi sa subdivision kung saan nakatira sina Abby. Kakalipat lang nila rito noong nakaraang araw. Nagkataon namang nagkasalubong ang kanilang mga magulang, kaya naman nagkaimbitahan ang mga ito na dumalo para sa ika-limang taong kaarawan ni Abby.
Likas na mahiyain at tahimik si Luigi kaya naman wala itong kaibigan. Kabaliktaran naman niya si Abby. Napakadaldal na bata at halos lahat ng makilala ay kinakaibigan nito.
“Hello, I’m Abby. Ikaw, anong pangalan mo?” nakangiting tanong ng bata sa batang lalaki nakaupo sa isang sulok.
“Luigi,” maikling sagot nito kay Abby. Umupo si Abby sa tabi ni Luigi at ibinigay ang hawak na cotton candy na nagpangiti at tinanggap naman ng batang lalaki.
Doon nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa. Araw-araw silang magkasama at talaga namang hindi mo mapaghihiwalay. Kahit saan man magpunta ang isa, ay siguradong susunod din ang isa.
At dahil nga parating magkasama ang dalawa at halos hindi na mapaghiwalay, madalas silang tinutukso sa isa’t isa. Lalo na noong nagdalaga at nagbinata na sila. Pero kahit anong sabihin ng ibang tao, hindi sila nagpapaapekto. Alam nilang dalawa na talagang matalik lang silang magkaibigan.
“Abby, will you be my girlfriend?” tanong ni Joshua kay Abby habang nakaluhod at hawak ang isang tangkay ng mga bulaklak. Si Joshua ang pinaka-sikat na lalaki sa paaralang pinapasukan ng magkaibigan. Gwapo, mayaman at star player ng basketball team ng high school. Ito ang laman ng pantasya ng halos lahat ng babae at binabae sa kanilang paaralan.
Napatingin naman si Abby sa kaibigang si Luigi. Tiningnan niya ito na para bang nagtatanong kung ano ang gagawin niya. Napatingin din si Joshua kay Luigi kaya naman medyo na nailang ang binata at napatango nalang.
Lingid sa kaalaman ng dalaga na kinausap na pala ni Joshua si Luigi bago pa nito isinagawa ang planong surpresa para sa kanya. Alam ni Joshua na napakalaking parte ng buhay ni Abby ang matalik na kaibigan. Kampante din naman itong walang namamagitan sa dalawa at talagang matalik na magkaibigan lamang.
Hindi man lantarang aminin ng dalaga, alam niyang alam din ni Luigi na may pagtingin siya kay Joshua. Mukha din namang mabait ang binata kahit na sikat ito. Pero ang pinakaimportante ay nakikita niya namang seryoso ito sa panunuyo sa kanya. Kaya naman nang hingin ni Joshua ang tulong ni Luigi, para surpresahin si Abby ay pumayag kaagad siya.
“Yes,” nakangiting sagot ni Abby sa binatang nakaluhod sa harapan niya. Kinuha niya ang mga bulaklak, pinatayo ang binata at agad naman niyang niyakap.
Tumagal din ng dalawang taon ang relasyon ni Abby at Joshua, ngunit nang sila ay tumuntong ng kolehiyo, nagkahiwalay din sila. Sa ibang bansa na kasi nag-aral si Joshua at hindi nila nakayanan ang long distance relationship.
Sobrang nahirapan si Abby sa paglimot. Naging masakit ang pagkawala ng lalaking minamahal. Sa tuwing iiyak siya, parating nandyan ang kanyang pinakamatalik na kaibigan na si Luigi. Hindi man sila araw-araw na magkasama gaya ng dati, sinisiguro pa rin nilang may oras sila para sa isa’t isa. Lalong lalo na sa mga panahong kailangan nila ng makakaramay.
“Luigi, nasaan ka?” sigaw ni Abby pagkapasok nito sa condo unit ng matalik na kaibigan. Kagagaling niya lang sa Macau dahil may inasikaso siyang proyekto para sa kompanyang pinagtratrabahuan. May sarili siyang susi sa unit ng binata kaya naman basta nalang siyang pumapasok at hindi na kumakatok pa. Ganun din naman si Luigi sa kanya.
Nagulat ang dalaga ng makitang nakalupasay sa sahig ang kaibigan. Kaya agad niya itong nilapitan niya ito at ginising.
“Hoy Luigi Ruiz Villanueva, gumising ka!” naalimpungatan naman ang lalaki dahil sigaw niya. “Tumayo ka nga dyan! Dyan ka pa talaga natulog no?” napatakip naman ng tainga si Luigi.
“Ingay,” ungol nito. Nainis naman ang dalaga at tinanggal ang kamay ng kaibigan sa pagkakatakip sa tainga nito at malakas na sumigaw, “Gising!!!” bigla namang napatayo si Luigi at tuluyang nagising.
“Gigising ka din naman pala pinasigaw mo pa ako,” natatawang sabi ng dalaga kay Luigi. Tinulak naman niya ito papuntang banyo. “Maligo ka na! Ang baho-baho mo, amoy alak ka!” wala namang nagawa si Luigi kundi sumunod.
Alam niya ang ugali ng matalik na kaibigan. Mas mabuti ng sumunod na lang siya dahil magsasayang lang siya ng lakas kung aangal pa. Gagawin ni Abby ang lahat makuha lamang ang gusto niya.
Napatingin naman si Abby sa unit ni Luigi. Ang kalat. Para bang dinaanan ng bagyo sa sobrang kalat. Napabuntong hininga nalang siya at nagsimulang maglinis.
Binilisan niya talagang tapusin ang proyektong pinahawak sa kanya ng mabalitaan niya ang nangyari kay Luigi. Nagpropose pala ito sa girlfriend nitong si Anne. Matagal-tagal na rin silang magkarelasyon pero laking gulat nalang ni Luigi ng tanggihan nito ang alok niyang kasal.
Pero hindi lang iyon ang nakapagpawasak sa puso ng matalik na kaibigang si Luigi, nalaman nitong buntis pala si Anne, at ibang lalaki ang ama. Pinagtataksilan pala siya nito.
Ilang araw daw na hindi pumapasok sa trabaho si Luigi at nilulunod ang sarili sa alak. Kaya naman hindi siya mapakali sa Macau at agad-agad na bumalik ng Pilipinas.
Pagkatapos maligo at magbihis, nagulat nalang ang binata ng makitang malinis na ang unit niya. Hinanap niya ang kaibigan at nakitang nagluluto ito. Kusang naglakad ang kanyang mga paa papalapit kay Abby at saka yumakap mula sa likod nito.
Nagulat naman si Abby ng may maramdamang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Magsasalita sana siya ng bigla nalang isinandal ni Luigi ang ulo sa likod niya. Imbis na magsalita ay pinili niya nalang manahimik. Hinawakan niya nalang ang mga kamay na nakayakap sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang sakit na pinagdadaan ng kaibigan ngayon.
Wag na wag talagang magpapakita sa kanya yung bruha at malanding Anne na iyon at sigurado siyang masasampal at masasabunutan niya ito sa sobrang inis. Kawawa naman kasi ang kanyang kaibigan.
Hindi na muna pumasok sa trabaho si Abby at nag leave ng ilang araw. Pinayagan naman siya ng boss niya dahil minsan lang naman daw siya humingi ng leave. Sinamahan na muna ni Abby si Luigi sa unit nito. Alam niya na kailangan siya ng kaibigan kaya naman pinili niyang manatili at samahan na muna ito.
Sinubukan niyang ibalik ang sigla ng kaibigan. Nanood nila ng mga paborito nilang mga palabas. Pinagluto niya din ito ng mga paborito nilang mga pagkain. Lumabas din para mamasyal at tumambay sa parke.
Mukha namang gumagana ang mga pamamaraan ni Abby dahil unti-unti ng bumabalik si Luigi sa dati. Nagsimula na din itong pumasok ulit sa trabaho. Masaya din si Abby sa mga nakaraang araw na magkasama sila. Sobrang na-miss niya talaga na makasama ng matagal si Luigi. Hindi na kasi sila masyadong nagkakasama dahil pareho silang busy sa kanya-kanyang buhay at trabaho.
“Cheers!” itinaas ni Luigi ang bote ng isang beer sa ere.
“Cheers,” gaya naman ni Abby sa kaibigan.
Babalik na kasi si Abby sa sariling bahay kinabukasan. Kailangan niya na ding pumasok sa trabaho dahil tambak na din ang trabahong nag-iintay sa kanya. Masyado niya ng naabuso ang leave niya. Kaya naman naisipan nilang uminom sa huling gabi ng kanyang pahinga. Bukas babalik na naman sila sa kanya-kanyang buhay nila.
“Oo nga, naalala mo rin ba nung napagalitan tayo ng teacher natin kasi nahuli niya tayong nilalagyan ng palaka yung bag niya?” halos hindi na makahinga si Abby kakatawa.
“Oo nga! Grabe ang pula ng mukha niya nun. Mukha siyang lechon!” tawa ng tawa lang silang dalawa habang inaalala ang mga kalokohan noong pagkabata. May tama na rin silang dalawa dahil sa alak.
“Parati pa namang sinasabi nun na pag maging estudyante niya daw yung magiging anak natin ay magreresign nalang daw siya sa trabaho,” natawa ng mahina si Abby ng maalala niya ang maladas sabihin ng guro nilang madalas nilang pagtripan.
“Oo nga no, bakit kasi hindi nalang tayong dalawa no?” medyo nabigla si Abby sa sinabi ni Luigi kaya napatingin siya dito.
“Anong sabi mo?” Natatawa niyang tanong sa kaibigan.
“Sabi ko, bakit kaya hindi nalang tayong dalawa?” ulit ni Luigi sa sinabi niya habang nakatitig sa mata ng dalaga. Bigla nalang bumilis ang pintig ng puso ni Abby.
Dahan-dahang lumapit ang mukha ni Luigi sa kanya kaya bigla nalang niyang naipikit ang kanyang mga mata. Naramdaman niya naman ang malambot nitong labi na nakalapat sa labi niya.
Agad ding natapos ang matamis na halik kaya dahan-dahang iminulat ni Abby ang kanyang mga mata. Nakatitig sa kanya si Luigi ng may matamis na ngiti sa labi nito habang hinahaplos ang kanyang pisngi.
“I love you,” puno ng emosyong saad ni Luigi kay Abby. Biglang tumulo ang luha sa mga mata ni Abby. Hindi niya magawang magsalita dahil sa sobrang emosyong nararamdaman. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari.
“Pasensya na pero hindi ko na kayang itago pa. Sinubukan ko naman eh. Sinubukan kong pigilan ang nararamdaman ko sayo dahil alam kong hanggang matalik na kaibigan lang talaga ako sayo.
Na kailanman ay hindi na hihigit pa yun doon. Pero nitong mga nakaraang araw, hindi ko alam pero bigla akong nagkaroon ng pag-asa. Pag-asa na baka mahal mo rin ako gaya ng pagmamahal na nararamdaman ko sayo,” saad ni Luigi habang hawak ang kamay ng dalaga.
“Mahal mo rin ba ako? Pwede bang tayo nalang?” puno ng pagsusumamong tanong niya sa dalaga. Nagulat si Luigi ng bigla nalang siyang niyakap ng mahigpit ni Abby.
“Nakakainis ka! Bakit ngayon mo lang sinabi? Ang tagal ko ng naghihintay sayo,” umiiyak na pag-amin ni Abby sa matagal niya ng lihim. “Mahal din kita,” hindi makapaniwala si Luigi sa kanyang narinig.
“Ano? Anong sabi mo?” tanong ng binata sa dalaga habang nakatingin sa mga mata nito
“Ang bingi talaga nito,” pabulong na asik ng babae kaya naman natawa si Luigi. Hinawakan niya ang mukha ng dalaga at siniil ito ng halik. Halik na punong-puno ng pagmamahal.
Di naman din naglaon, pinutol nila Abby at Luigi ang kanilang pagiging matalik na kaibigan at sumumpa na magsisimula silang muli bilang mag asawang magmamahalan panghabang buhay.
“Sabi ko na nga ba, sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy,” saad ng ina ni Abby habang nakatingin sa anak na sinasabayang maglakad pagpuntang altar.
Napakaganda ni Abby sa suot na puting bestidang pangkasal. Napatingin din siya kay Luigi, na halos mapunit na ang labi sa laki ng ngiti.
“Magmula ngayon, ako na ang mag-aalaga sa puso mo,” bulong ni Luigi sa asawa.
“At ako na rin ang magiging sandalan mo sa mga panahong manghihina ka,” tugon naman ni Abby.
“You may now kiss the bride!” nakangiting sabi ng pari.
Tuluyan nang tinuldukan ng dalawa ang kanilang pagiging magkaibigan at sinimulan ang buhay sa pagiging mag-asawa. Sino nga bang mag-aakala na ang dating pagkakaibigan ay mauuwi pala sa tunay na pag-iibigan?