Noong Una’y Tuwang Tuwa ang Dalaga Nang Sabihin ng Nobyo Na “Akin Ka Lang”, Kilabot na ang Dulot Nito Matapos Nilang Maghiwalay
“Babe, akin ka lang ha? Akin lang talaga. Hindi pwedeng sa iba.” Wika ng bente tres anyos na si Kenneth.
“Oo naman. Iyong-iyo lang, Kenneth. I love you!” Sagot ng kilig na kilig na dalagang si Betty. Matapos siyang lokohin at saktan ng kaniyang ex-boyfriend, napakasaya niya ngayon dahil ramdam na ramdam niyang patay na patay sa kanya ang dati niyang boyfriend.
Matapos ang halos anim na buwang ligawan, sa wakas ay ibinigay na ni Betty ang matamis niyang oo kay Kenneth. Noong una ay hindi pa handa si Betty dahil kakahiwalay pa lamang nila ng dati niyang nobyo na nanloko sa kanya, ngunit sa matiyagang panunuyo ni Kenneth ay lumambot din ang tumigas nang puso ng dalaga.
Nakilala ng dalaga ang binata bilang isang mabuting anak sa kanyang mga magulang. Dahil kilala ng isa niyang kaibigan ang pamilya ni Kenneth, madalas siyang nagpapakuwento tungkol sa pamilya nito. Tahimik, pribado, mga kagalang-galang, at respetado. Kaya naman labis ang saya ni Betty dahil tila perpektong lalaki na ang nabingwit niya ngayon.
Masayang-masaya ang dalawa matapos mag-celebrate ng kanilang ika-3 monthsary sa isang beach sa Batangas. Ngunit hindi inaasahan ni Betty ang ikinilos ni Kenneth nang sila ay pauwi na.
“Babe? Bakit hindi ka namamansin?” Tanong ng nagtatakang si Betty habang nasa kotse sila pauwi at nagda-drive ang nobyo.
Nagulat ang dalaga nang biglang itinigil ni Kenneth ang sasakyan at sumigaw ng pagkalakas-lakas habang madiin ang pagkakahawak sa kanyang braso.
“Ano ‘yon, ha?! Bakit ganoon ang suot mo kanina? Sinabi kong bang mag two-piece ka?! Pinagpipiyestahan ka na ng mga manyakis kanina! ANO?! Naghahanap ka ba ng iba? SUMAGOT KA!” Sigaw ng gigil na gigil na binata.
Napansin ni Betty na dumudugo na ang braso niya dahil bumaon ang mga kuko ni Kenneth dahil sa diin ng pagkakahawak sa kaniyang braso. Takot na takot ang dalaga. Hindi siya makahingi ng tulong dahil walang ibang tao sa highway na dinadaanan nila.
“Kenneth! Masakit! Please, bitawan mo ako! Dumudugo na oh!” Pakiusap ng kawawang dalaga.
Nang biglang natauhan si Kenneth. Agad nitong binitawan ang braso ng kasintahan at nagpatuloy sa pagmamaneho na parang walang nangyari. Gulat na gulat ang dalaga sa inasal ng kanyang nobyo, ngunit naisip niya ay mainit lang ang ulo ng binata dahil wala pang gaanong tulog. Pinalampas niya ang unang pagkakataon.
Sa kasamaang palad, magmula noon ay dumalas na ang paglabas ng tunay na pag-uugali ni Kenneth. Dahil sa matinding pagkabaliw sa nobya, naging napaka-protective nito. At sa tuwing nagagalit siya sa pag-aakalang lumalandi sa iba si Betty, agad niya itong sinasaktan habang sinasabi ang tatlong salitang “akin ka lang”.
Isang araw, habang nakaupo sa kanilang bahay si Betty ay nilapitan siya ng kanyang ina. Tinanong siya nito kung saan nanggaling ang malaking pasa niya sa binti at braso. Dahil ayaw ni Betty na naglilihim sa mga magulang, agad niyang sinabi ang mga pang-aabuso ng nobyo. Nag-apoy sa galit ang mag-asawa dahil kailanma’y hindi nakaranas ng panggugulpi ang kanilang anak sa kanila, tapos ibang tao pa ang gagawa nito sa kanya.
“Hiwalayan mo na ‘yan, anak! Magsasampa ako ng kaso d’yan! Tarantado ‘yan ah! P*tang*na niya ha?!” Gigil na sambit ng ama ni Betty nang marinig ang sumbong ng anak.
Agad namang sumunod si Betty sa kagustuhan ng mga magulang. Ayaw na rin niyang tuluyan pa siyang saktan ng kaniyang mapanakit na nobyo. Kinuha niya ang kaniyang cellphone at nagtext sa binata. Ayaw na niyang makipagkita ng personal dito sa takot na kung ano ang magawa sa kaniya kapag nakipaghiwalay siya.
“Kenneth? Nag-usap kami ng mga magulang ko. Nakita nila ang mga pasa sa katawan ko. Hindi ko na kayang pakisamahan ang pag-uugali mo. Kahit wala akong ginagawang masama, panay pa rin ang pagbibintang mo. Masyado kang seloso, kahit alam mong ikaw lang naman sana ang mahal ko. Pero pinagbigyan na kita. Nakaka-ilang pagkakataon na nga na pinalampas ko ang pambubugbog mo. Ngayon, hindi ko na talaga kaya. Kaya please lang, maghiwalay na tayo. Kapag hindi ka raw lumayo, idedemanda ka ng mga magulang ko. Goodbye, Kenneth. Salamat sa lahat ng magagandang alaala.” Mahabang mensahe ni Betty sa hinihiwalayang nobyo.
Kabang-kaba si Betty sa isasagot ng binata. Alam niyang labis itong magagalit at baka kung ano ang gawin sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Gulat na gulat siya sa reply ng dating nobyo.
“Okay. But I will keep my promises.”
Nakahinga ng maluwag si Betty dahil tila hindi naman galit si Kenneth sa reply nito. Kaya nagpatuloy na siya at ang kaniyang pamilya sa normal nilang pamumuhay.
Lumipas ang halos isang taon, at kahit papaano ay nagtataka si Betty dahil hindi na niya nakikita ang binatang si Kenneth sa kanilang lungsod. Ngunit ‘ika niya, patuloy nga ang buhay at nakapag-move on na siya sa matinding pisikal na pananakit ni Kenneth.
Isang taon pa muli ang lumipas, at mayroon nang bagong nobyo si Betty. Ngayon ay siniguro niya munang tunay na mabuti ang kalooban ng bagong nobyong si Erwin. Pati ang kanyang mga magulang ay agad na kinilala ang lalaki upang maiwasan ang mga pangyayaring kagaya noon. Napatunayan naman nilang mabuting tao si Erwin.
Dahil kaarawan na ni Betty, napag-isipan nilang magnobyo na mag out-of-town vacation sa Baguio upang makapasyal naman.
“Baby! Nakalimutan ko yung jacket mo. Sobrang lamig!” Wika ni Betty nang makababa na ng sasakyan matapos ang ilang oras na biyahe.
“Ano ka ba, baby? Pababayaan ba kita? Siyempre may jacket ako para sa’yo. At saka, siyempre yayakapin kita ng mahigpit buong magdamag para hindi ka na lamigin. Hehehe.” Nakangising sagot nito sa magandang nobya na labis niyang mahal.
Matapos ang buong araw na pamamasyal, pagod na pagod ang mag-nobyo kaya’t naisipan nilang maagang mamahinga sa hotel na kanilang tinutuluyan. Alas dos na ng madaling araw at mahimbing na mahimbing ang tulog ng dalawa nang may biglang kumatok sa kanilang pintuan.
Tok. Tok. Tok.
Paulit-ulit. Akala nila ay room service lamang kaya pinilit na ni Erwin na bumangon para hindi na mapagod ang kaniyang nobya. Kagimbal-gimbal ang gumulat sa kaniya nang buksan ang pintuan.
Isang lalaki na may dalang patalim ang nagpumilit pumasok at biglaang sinaksak sa tagiliran si Erwin. Agad itong tumumba sa pagkakatayo. Nagulat naman sa kalabog ang nakahigang si Betty. Babangon pa lamang siya, nang biglang nagpakita sa kaniya ang lalaking sumaksak sa nobyo niya.
“Kenneth?! Anong ginagawa mo dito?” Sigaw ni Betty. Gulat na gulat siya dahil matapos ang ilang taon, ngayon na lamang ulit sila nagkita ng binata. Ang kamay nito ay may hawak na kutsilyo, na may dumadaloy na dugo. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil hindi na niya naririnig ang boses ng nobyong si Erwin.
“Anong ginawa mo sa boyfriend ko?! G*go ka! Kriminal ka!” Hindi na makahinga sa pagsigaw at pag-iyak si Betty.
“Di ba sinabi ko sa’yo, akin ka lang? AKIN LANG. Kapag sinabi kong akin ka lang, AKIN KA LANG. Kaya kung hindi ka mapapasa-akin? Mabuti pang mamatay ka na lang!” Paulit-ulit na sambit ng binata.
Kinikilabutan na si Betty sa nanlilisik na mata ni Kenneth habang papalapit sa kanya at nakaambang sasaksakin ng mahabang patalim. Takot na takot siya, at sigurado siyang ito na ang katapusan ng kanyang buhay.
Nang biglang may humampas ng baseball bat sa ulo ng tarantadong lalaki. Laking gulat ni Betty nang makita ang duguang nobyo na pilit na nakabangon para lamang sagipin siya. Namumutla na ito ngunit paulit-ulit niya pa ring hinampas si Kenneth upang makasigurong hindi na ito makakatayo. Nang makasiguro na siya, bigla nang tumumba at tuluyang nawalan ng malay si Erwin.
“Baby! Erwin! Erwin! O, Diyos ko!” Pagpa-panic ni Betty habang sinusubukang tulungan ang nobyo, at tumatawag na rin ng tulong at ambulansya.
Sa kabutihang palad, maagang naisugod sa ospital si Erwin. Nakaabot pa ito at naisalba ang kaniyang buhay. Ganoon rin naman ang tarantadong lalaking si Kenneth.
Nang magkaroon nang malay ang binatang si Kenneth, agad siyang inaresto ng pulisya.
Iyak nang iyak si Betty sa sinapit ng nobyong si Erwin nang dahil kay Kenneth. Kaya magmula noon ay siniguro niyang hindi na makakabalik sa buhay niya ang dating nobyo. Siniguro rin ng mga magulang ng dalaga na mabubulok sa kulungan ang baliw na si Kenneth.
Matapos ang tatlo pang taon, nagpakasal na ang mag-nobyong si Betty at Erwin. Habang nabubulok sa kulungan ang nakakakilabot na si Kenneth. Ang bali-balita ay tatlong salita lamang ang paulit-ulit na sinasabi nito.
“Akin ka lang.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.