Inday TrendingInday Trending
Dahil Malaki ang Sahod ng Lalaki ay Nabuhay sa Luho ang Pamilya Niya, Nang Mawala Siya ay Kawawa ang mga Ito

Dahil Malaki ang Sahod ng Lalaki ay Nabuhay sa Luho ang Pamilya Niya, Nang Mawala Siya ay Kawawa ang mga Ito

Kaka-promote lang ni Arman sa trabaho. Mataas na ang kanyang katungkulan sa kompayang pinagtatrabahuhan sa Makati kaya lumaki rin ang kanyang sahod.

“Bodjie, anak, may pasalubong ako sa iyo!” bungad na sabi ni Arman sa bunsong anak nang dumating sa bahay galing sa opisina.

“Pa, naibili mo na ako ng iPad?” tanong agad ng kanyang panganay na si Aika.

“Siyempre naman, basta ikaw, nanginginig pa. Ngayong malaki na ang sahod ko ay palagi ko na kayong bibilhan ng mga pasalubong,” sagot naman niya.

Napuno ng kasiyahan ang buong bahay, tuwang-tuwa sa kanyang mga ipinasalubong ang apat na anak nila ng kanyang asawa na si Stella. Sari-saring damit at gadget para kay Aika at sa dalawa pa nitong kapatid na sina Julius at Lysa. Mga laruan naman para sa bunso nilang anak na si Bodjie. Siyempre, alahas at make-up para sa misis niya.

Pero napansin ni Stella na tila matamlay ang asawa. Habang nakaupo ito sa sofa at pinapanood ang mga anak na tuwang-tuwa sa mga pasalubong na bitbit ay para itong namumutla at pawis na pawis. Bigla siyang nakaramdam ng pag-aalala sa mister, pero naisip niya na baka dala lang iyon ng matinding pagod sa biyahe.

Habang nakahiga silang mag-asawa sa kama ay naglambing si Stella kay Arman.

“Darling, baka naman puwede na sa susunod mong sahod ay ibili mo ako ng mamahaling bag para may ipang-inggit ako sa mga kumare ko, please!”

“Teka, bakit kailangan na mamahalin pa? Marami namang magagandang klaseng bag pero mura lang,” wika ni Arman.

“Basta gusto ko mamahalin! Sige na naman, darling!”

“Okay, sige. Sa susunod kong sahod ibibili kita ng gusto mong bag,” aniya at mahigpit na niyakap ang asawa.

“Ayan! Thank you, darling!” masayang sabi ni Stella habang pinaghahalikan siya.

Isang araw ay ibinalita ni Arman na mede-destino siya sa bagong branch ng kanilang kompanya sa Cebu. Bilang manager ay siya ang mamamalakad doon. Dahil sa malayo ito na-assign ay dinagdagan ng kompanya ang kanyang sahod.

Tinanggap ito ni Arman para mas lalong mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Mahirap man para kay Stella na umalis ang kanyang asawa ngunit kung ang kapalit naman nito ay ang mas malaking kita ng mister ay ayos na rin sa kanya.

Kahit ilang buwang hindi nakakauwi si Arman ay napawi naman ang hirap ng kanilang loob nang sumahod ito at magpadala ng pera. Tuwing tatawag ito ay pabili nang pabili ng kung anu-ano ang kanilang mga anak.

Dahil sa malaki na ang kita ng asawa ay tumigil na sa pagtatrabaho si Stella at pumirmi na lang sa bahay. Kapag sumasahod si Arman at ipinapadala sa kanya ay agad siyang dumidiretso sa mall. Kung dati ay sa palengke lang siya bumibili ng mga kailangan sa Bahay, gaya ng mga pagkain; ngayon ay sa sosyal na grocery na siya nagtutungo para mamili.

Ang sobrang pera ay ipinambibili niya ng mga pampaganda at mamahaling sabon at lotion para sa mas ikakikinis pa ng kanyang kutis. Buwan-buwan din siyang bumibili ng mamahaling bag para ipagyabang sa kanyang mga kumare. Kahit hindi mahalaga ay binibili niya para sa sariling luho.

Akala ni Stella ay wala nang katapusan ang nararanasan nilang kariwasaan sa buhay. Inakala niya na tuluy-tuloy ang suwerte ni Arman sa trabaho nito kaya hindi niya naisip na mag-ipon. Sa dami ng materyal na bagay na pinagbibibili ng mag-iina ay hindi na siya nakakapagtabi.

Isang araw ay kausap niya ang mister sa cellphone.

“Darling, sabi ni Julius ay gusto niya ng bagong sapatos,” paalam niya sa asawa.

“Walang problema! Sa sahod ay lalakihan ko ang padala para maibili mo siya ng mamahaling sapatos,” walang gatol na sagot ni Arman.

Halos sampung libong piso ang nagastos sa pagbili lamang ng sapatos ni Julius. Hindi pa natapos doon ang luho ng mga anak nila. Nakiusap din si Lysa na gastusan ng malaki ang birthday nito dahil gusto nito na may mga clowns at magician pa. Malaking pera ang nailabas ni Arman sa hiling na iyon ng anak.

Isang araw, may biglang tumawag kay Stella. Hindi niya kilala kung sino ang nagmamay-ari ng numerong naka-rehistro. Agad naman niyang sinagot ang tawag.

“Hello, sino ito?” tanong niya.

“Kayo po ba ang asawa ni Sir Arman?” panimula nito.

“A-ako nga. May problema ba sa asawa ko?” tanong niya sa kausap.

“Ako po si Norman, staff ni Sir Arman. Huwag po kayong mabibigla, inatake po siya sa puso. Isinugod namin siya sa ospital pero hindi na siya pinalad na mabuhay,” malumanay na sabi nito.

Hindi siya nakapagsalita. Namalayan niya na napasalampak na siya sahig.

“Diyos ko! Bakit mo naman kami iniwan, Arman? Hindi ka man lang namin nakita ng mga anak mo! Paano na kami ngayon?” Kasabay niyon ay pumalahaw na siya ng iyak. Nagsi-iyakan na rin ang mga anak niya nang malaman ang sinapit ng kanilang ama.

Lingid sa kaalaman ni Stella, matagal na palang dinidibdib ni Arman ang sakit sa puso. Hindi nito sinasabi sa kanya dahil ayaw nitong mag-alala siya rito. Kahit masama ang pakiramdam ng asawa ay pinipilit pa rin nitong magtrabaho para masuportahan ang kanilang luho. Hindi rin niya matanggap na wala rin itong naipon dahil lahat ng kinikita nito ay binibigay sa kanya.

Malaki ang nabago sa kanilang buhay nang mawala si Arman. Hindi matanggap ng kanyang mga anak na wala na rin ang luho na tinamasa nila. Nahinto rin sa pag-aaral ang mga ito. Ipinagbili na rin niya ang mga gamit nila sa bahay para may panustos sila sa pagkain at maibayad sa mga gastusin.

Naisip ni Stella na sana ay nag-ipon siya. Sana, hindi puro luho ang inatupag nilang mag-iina. Sana hindi niya sinanay sa luho ang mga anak. Magsisi man siya ay huli na ang lahat.

“Kung nag-ipon sana ako, di sana kami maghihirap ng ganito,” sabi niya sa sarili.

Bumalik siya sa pagtatrabaho para mabuhay silang mag-iina. Ngayon ay nararamdaman na nila ang hirap na wala man lang naitabing pera.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement