Hindi Itinuturing na Anak ng Ginang na Ito ang Binata, Naiyak Naman Siya nang Sundin Nito ang Kagustuhan Niya

Hindi Itinuturing na Anak ng Ginang na Ito ang Binata, Naiyak Naman Siya nang Sundin Nito ang Kagustuhan Niya

FamilyHeartbreakingStories

“Ano? Hanggang ngayon, wala ka pa ring nahahanap na trabaho? Sabi na, eh, dapat hindi na kita pinag-aral! Sayang ang pera ko sa’yo!” sigaw ni Vicky sa kaniyang nag-iisang anak, isang hapon nang aminin nitong hindi na naman ito nakahanap ng trabaho. 

“Mama, gusto ko rin naman pong magkaroon na ng trabaho, sadyang mahirap lang po talagang makahanap ang isang bagong graduate na katulad ko,” katwiran pa nito na labis niyang ikinainis. 

“Kung magaling ka, kahit bagong graduate ka, may kukuha sa’yong kumpanya! Eh, mahina ‘yang kokote, kaya walang gustong kumuha sa’yo!” bulyaw niya rito habang dinuduro-duro pa ito. 

“Mama naman,” mahinang sambit nito habang nakatungo. 

“Huwag mo akong tawaging mama, Chad, dahil noon pa man, hindi na kita tinuring na anak dahil sa kab*bohan mo! Gusto ko nga mawala ka na, eh, para mapayapa na ang buhay ko!” sigaw niya pa saka ito pinagtututulak palabas ng kanilang bahay habang ito ay unti-unti nang umiiyak. 

Noon pa man, hindi na malapit ang loob ng ginang na si Vicky sa nag-iisa niyang anak. Bukod kasi sa galit siya sa ama nitong pinagpalit siya sa isang mas magandang babae, nakuha pa nito ang pagkapurol ng utak ng ama na labis niyang ikinaiinis. 

Matalino at madiskarte kasi siya, simula elementarya hanggang kolehiyo, siya’y palaging nakatatanggap ng medalya. Pagkatapos niya pang makapag-aral, agad siyang nakakuha ng trabaho sa isang sikat na kumpanya sa Maynila, malayong-malayo sa kung paano kumilos at mag-isip ang kaniyang anak sa buhay na tinatahak nito. 

Ito ang dahilan kung bakit simula pa lang nang elementarya ito at palaging walang natatanggap na parangal, palagi na niya itong tinatakwil at sinasabihan na, “Magsama na kayo ng tatay mo, parehas kayong b*bo! Kung ayaw mo sa kaniyang sumama, uminom ka na ng lason! Ayoko sa’yo!”

Ngunit kahit pa ganoon, dahil nga obligasyon niyang pag-aralin at alagaan ang anak niyang ito, ginawa niya pa rin itong pag-aralin hanggang kolehiyo kahit na labag na sa loob niya. 

Kaya naman, ngayong dalawang buwan na ang nakalipas simula nang makapagtapos ito at hanggang ngayo’y wala pa rin itong trabaho, doble ang galit at inis na kaniyang nararamdaman. 

Nang araw na ‘yon, buong magdamag niyang hindi pinapasok sa kanilang bahay ang kaniyang anak. Ni hindi niya ito inabutan ng pagkain o kahit tubig upang maibsan ang gutom na nararamdaman. Katwiran niya, “Dapat lang sa kaniya ‘yan para madala sa kat*ngahan niya!” 

Kinabukasan, nagising siya dahil sa nagsisigawan niyang mga kapitbahay. Galit siyang sumilip sa kaniyang bintana upang sawayin ang mga ito ngunit nang makita niya kung anong pinagkakaguluhan ng mga ito, napakaripas siya ng takbo palabas ng kanilang bahay dahil nakita niyang nakabulagta at bumubula na ang bibig ng kaniyang anak. 

“Diyos ko! Tulungan niyo akong dalhin sa ospital ang anak!” sigaw niya sa mga nakikiisyosong kapitbahay habang umiiyak. 

“Hindi ba’t ‘yan naman ang gusto mo? Ayan, uminom na ng lason ang anak mo!” taas kilay na sambit ng isa niyang kapitbahay. 

“Hindi! Hindi! Tulungan niyo ako!” pagmamakaawa niya at doon na nga siya tinulungan ng mga kalalakihang naroon. 

Pagkarating nila sa ospital, agad siyang nakiusap sa mga nars at doktor doon na gawin ang lahat upang madugtungan ang buhay ng kaniyang anak. 

Doon niya labis na napagtantong kahit pala naiinis siya palagi sa anak niyang ito, hindi niya ito kayang mawala.

“Ikaw na lang ang pamilya ko, anak, huwag mong iwan si mama,” sambit niya rito habang dinadala ito sa emergency room. 

Habang naghihintay sa anak, minabuti niyang magtungon sa kapilya ng naturang ospital. Doon siya lumuhod, umiyak, at nanalangin sa Diyos.

“Pangako, magiging mabuti na po akong ina. Bigyan niyo po ako ng isa pang pagkakataon,” iyak niya. Sa kabutihang palad, pagkalipas ng ilang oras, tuluyan nang gumising ang kaniyang anak. Sinalubong niya ito nang mahigpit na yakap habang umiiyak. 

“Huwag mo na ulit gagawin ‘yon, ha?” pakiusap niya rito, tumango-tango lang ito saka siya unang beses na nayakap. 

Simula noon, itinuring na niyang tunay na anak ang binatang ito. Pumalpak man ito sa buhay nang paulit-ulit, mas pinili niya itong gabayan at bigyan ng lakas ng loob kaysa bungangaan at itakwil katulad ng ginagawa niya noon. 

Dito niya agad na nakita kung paano magbago ang kaniyang anak. Hindi man nito nakuha ang talino niya, natutunan naman nito kung paano siya dumiskarte dahilan para paglipas lang ng isang buwan, makahanap na ito ng trabaho sa Maynila. 

“Ang galing mo, anak!” papuri niya rito sa unang pagkakataon na ikinaiyak nitong maigi.

More Stories