Inday TrendingInday Trending
Ipinagmamalaki ng Dalagang Ito na Mabuting Ama ang Tatay Niya, Totoo Nga Ba Ito o Akala Niya lang?

Ipinagmamalaki ng Dalagang Ito na Mabuting Ama ang Tatay Niya, Totoo Nga Ba Ito o Akala Niya lang?

“May problema ka ba, Jennie? Ang aga-aga, umiiyak ka na agad!” puna ni Lassy sa kaniyang kaibigan, isang umaga pagkarating niya sa kanilang silid-aralan at nakita niya itong humagulgol mag-isa sa upuan.

“Nakita ko na naman kasi ‘yong tatay ko na may kasamang ibang babae. Kasing edad lang ng mama ko ‘yong ginang na kasama niya. Iyon din ‘yong ginang na kasama niya noong nakaraang taon na sabi niya, tinigilan na niya!” kwento nito na ikinailing niya saka siya naupo sa tabi nito upang bahagyang pakalmahin.

“Diyos ko, nakakainis naman ‘yang tatay mo! May pamilya na, humahanap pa ng iba! Mabuti pa ang tatay ko, simula pa noon, hindi kami nagkaproblema dahil mahal na mahal niya ang nanay ko,” pagmamalaki niya habang tinitignan ang litrato ng ama sa kaniyang selpon.

“Sana gan’yan din ang tatay ko. Sa tuwing makikita ko kasi siya, naaalala ko lahat ng ginawa niya sa amin ng mama ko. Parang hindi ko na siya kayang makita pa sa bahay namin,” wika pa nito na ikinabuntong-hininga niya.

“Salamat talaga sa Diyos, hindi gan’yan ang tatay ko dahil kung gan’yan ang tatay ko, baka ako mismo ang magpalayas sa kaniya sa bahay namin!” sambit niya pa saka agad na niyaya ang kaibigan na kumain sa kantin upang matigil na ito sa kakaiyak.

Labis na pinagmamalaki ng dalagang si Lassy ang kaniyang ama. Pakiramdam niya, ito na ang pinakamabait, pinakamapagmahal, at pinakatapat na tatay sa buong mundo dahil sa pinapakita nito sa kaniya at sa kaniyang ina.

Kahit na isa itong seaman, hindi ito naging problema para magkaroon ng pagdududa ang kaniyang ina dahil palagi pa rin itong natawag at nangungumusta sa kaniya. Panay pa ang padala nito ng bagahe, mga pagkain, at ilan pang mamahaling mga gamit na labis niyang ikinatutuwa.

Sa tuwing uuwi pa ito sa kanilang bahay, kung hindi sila magbabakasyon sa isang magandang probinsya, kakain naman sila sa isang mamahaling restawran at mananatili sa isang hotel dahilan para ganoon na lang siya makaramdam na sila’y itinatrato nang mabuti ng kaniyang ama.

Kaya naman, ganoon na lang siya napapailing at natatawa sa tuwing makikitang umiiyak na naman ang kaibigan niya dahil sa ginagawa ng ama nitong wala na ngang maibigay na pera, nangbababae pa.

Nang araw na iyon, pagkatapos ng kanilang klase, pansin niyang malungkot pa rin ang kaniyang kaibigan at dahil hindi siya sanay na tahimik ito, minubuti niya itong yayain sa kanilang bahay upang makilala nito ang pinagmamalaki niyang ama.

“Ayoko, nakakahiyang haharap ako sa mga magulang mo nang maga ang mga mata ko!” tangi nito na ikinainis niya.

“Sige na! Mapapangaralan ka no’n nila! Baka matulungan pa nila kayo ng mama mo!” pagpupumilit niya saka agad na itong hinila pasakay ng jeep patungo sa kanilang bahay.

Pagkarating nila sa kanilang bahay, nadatnan nilang nagtutulungang magluto ang kaniyang mga magulang na talagang ikinangiti niya.

“Tingnan mo kung gaano kamahal ng tatay ko ang nanay ko,” wika niya nang makitang nagtatawanan ang dalawa.

“I-iyan ang tatay ko, eh. Kaya pala walang oras at perang maibigay sa amin dahil nandito siya sa inyo!” galit na sambit nito na ikinalaki ng mga mata niya, “Papa! Akala ko ba iniwan mo na ‘yang babaeng ‘yan? Iyon pala, may anak kayo na kasing edad ko! Paano mo nasisikmura ang lahat ng ito?” bulyaw pa nito sa kaniyang ama dahilan para manlambot ang tuhod niya at mapaupo na lang habang inaawat ng kaniyang ama ang kaibigan niya.

Nang isama na pauwi ng kaniyang ama ang kaibigan niya, siya’y nilapitan at niyakap ng kaniyang ina. Labis siyang nagtaka dahil hindi ito umiiyak o kahit nagulat man lang sa nangyari.

“Bakit parang wala lang sa’yo ang nangyari, mama?” tanong niya rito.

“Pasensya ka na, anak. Ako ang kabit ng tatay mo. Mayroon siyang legal na asawa. Pumayag ako sa ganitong sitwasyon dahil mahal na mahal ko siya. Hindi rin siya seaman, anak. Kapag nawawala siya rito sa atin, nandoon siya sa bahay ng kaibigan mo upang punan ang responsibilidad niya,” tapat na wika ng kaniyang ina na labis niyang ikinadurog.

Hindi man niya alam kung papaano muling haharap sa kaibigan, nilaksan niya ang loob upang humingi ng tawad dito kinabukasan.

“Ayos lang, parehas tayong biktima rito,” tipid na wika nito saka siya iniwasan na lalong dumurog sa kaniya.

Hindi man niya magawang mapalayas ang ama sa tuwing nagpupunta ito sa kanila, unti-unti namang lumayo ang loob niya rito dahil alam niyang mali ang ginagawa ng kaniyang mga magulang.

Gustuhin man niyang maibalik ang dating pagsasama nila ng kaniyang kaibigan, wala siyang magawa kung hindi hintaying maghilom ang sugat na dahil sa nag-iisa nilang ama.

Advertisement