Tumakas sa Responsibilidad ang Lalaking Ito nang Magdalantao ang Nobya, Laking Pagsisisi Niya sa Ginawang Ito

Tumakas sa Responsibilidad ang Lalaking Ito nang Magdalantao ang Nobya, Laking Pagsisisi Niya sa Ginawang Ito

InspiringKarmaStories

“Ronald, mahal ko, para sa’yo!” masayang sambit ni Chloe sa kaniyang nobyo, isang gabi nang magpasiya silang magkita sa parke. 

“Regalo? Ano na bang petsa ngayon? May importante bang okasyon? Naku, pasensya na, mahal, wala akong regalo sa’yo,” natataranta wika ni Ronald habang pinagmamasdan ang binigay na regalo ng dalaga. 

“Nakakatawa ka talaga! Walang okasyon ngayon, nais lang kitang bigyan ng regalo! Sige na, buksan mo na ‘yan!” payo nito na agad naman niyang sinunod. 

“O, damit at sapatos ng baby? Bakit mo ako binibigyan ng ganito? May pupuntahan ba tayong binyag ngayon?” pagtataka niya nang makita ang laman ng naturang kahon. 

“Naku, ang asawa ko talaga!” sambit nito na ikinakunot ng noo niya. 

“Asawa? Teka, huwag mong sabihing buntis ka?!” galit niyang tanong dito na ikinatungo nito, “Diyos ko! Hindi pupwede! Alam mo namang marami pa akong responsibilidad sa pamilya ko!” bulyaw niya rito saka itinapon ang hawak na kahon. 

“Anong ibig mong sabihin? Akala ko pa naman matutuwa ka sa balitang ito,” mangiyakngiyak na tugon nito. 

“Sino’ng matutuwa riyan? Baka nga hindi pa akin ‘yan, eh! Ipalaglag mo na lang ‘yan o makipaghiwalay ka sa akin dahil wala akong ipapangtustos d’yan!” bulyaw niya pa rito saka agad na iniwan ang dalaga roon. 

“Wala kang kwentang ama!” hagulgol nito. 

“Wala talaga!” sigaw niya pa saka tuluyang umalis sa parkeng iyon. 

Si Ronald na lang siyang tumataguyod sa kaniyang buong pamilya. Isang dekada na ang nakararaan simula nang mawala ang kaniyang ama at mabaldado ang kaniyang ina dahil sa isang aksidente. Iyon din ang pagkakataon kung kailan nagsimulang bumulusok pababa ang kanilang buhay. 

Dahil siya ang panganay at ang mga kapatid niya ay pawang mga nasa elementarya at hayskul pa lamang, wala siyang ibang pagpipiliin kung hindi ang magbanat ng buto dahil kung hindi, pare-parehas kakalam ang kanilang mga sikmura. 

Nahihirapan man siya sa bigat ng responsibilidad na nakadagan sa kaniyang mga balikat, lahat ito ay napapawi sa tuwing makikita niya ang maganda niyang nobya na pinapantasya ng mga kalalakihan. 

Sa tuwing kasama niya ito, tila ba wala siyang problema. Ito pa minsan ang nagbibigay sa kaniya ng bigas o de lata sa tuwing masasagad ang bulsa niya dahilan para siya’y ganoon na lang ganahan sa buhay. 

Ngunit ngayong binalita nitong nagdadala ito ng sanggol, agad siyang natakot sa dagdag responsibilidad. Mahirap lang din naman kasi ang dalaga katulad niya at alam niyang kapag pinagpatuloy nito ang pagdadalang-tao, lalo lamang siyang maghihirap.

Pero dahil ayaw ipalaglag ng dalaga ang sanggol, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang hiwalayan ito at ito’y taguan. Ilang beses man siyang padalhan ng mensahe nito at tawagan, lalo pa no’ng mga araw na nalalapit na itong manganak, ni isang tugon, wala itong natanggap mula sa kaniya. 

Wika niya pa, “Gusto mong ipagpatuloy ang pagbubuntis mo, ‘di ba? Bahala ka sa buhay mo!” 

Lumipas ang ilang buwan, tuluyan na siyang nawalan ng balita sa kaniyang mag-ina na talagang ikinatuwa niya dahil wala nang nangangambala sa kaniya. 

Mas gumaan din ang buhay niya dahil siya’y nakahanap ng isang magandang trabaho sa Maynila dahil sa tulong ng isa niyang kaibigan. 

Isang araw, habang siya’y nasa biyahe, narinig niya ang boses ng naturang dalaga. 

“Diyos ko, sana hindi siya iyon. Ngayon pa lang ako nakakapag-ipon para sa pamilya ko!” inis niyang wika sa sarili habang hinahanap kung saan nanggagaling ang boses na iyon. 

At halos lumuwa ang mga mata niya nang makitang nasa telebisyon ang mag-ina niya. 

“O, bakit parang nakakita ka ng multo?” tanong ng kaniyang kaibigan, nang makita nitong nakatingin siya sa telebisyon, wika nito, “Hindi mo ba alam na sumikat ‘yang mag-ina mo sa social media dahil sa kwento ng buhay nila? Tumira ‘yan sila sa ilalim ng tulay at nakita sila ng mga pulis doon. Kumalat ‘yong larawan nila sa internet at sila’y kinahumalingan ng mga tao dahil sa itsura nila. Pogi ng anak mo, ano? T*nga ka, eh! Akala ko naman alam mo ‘yan!” dahilan para siya’y mapasandal na lang habang pinapanuod ang commercial ng kaniyang mag-ina. 

Dahil doon, pinilit niyang makipag-ugnayan sa kaniyang dating nobya at laking gulat niya nang payagan siya nitong makita ang kanilang anak. 

Hindi na niya sinayang ang pagkakataon at agad na humingi ng tawad dito. 

“Matagal na kitang pinatawad, pero pasensya ka na, kung iniisip mong maibabalik pa natin ang dating relasyon natin dahil sa bata, nagkakamali ka,” wika nito na talagang bumiyak sa puso niya. 

Labis na pagsisisi ang bumagabag sa kaniya ng araw na iyon. Pilitin man niyang suyuin ang babae, wala siyang magawa kung hindi ang maging masaya para sa buhay na mayroon ang kaniyang mag-ina habang siya, patuloy na naghihirap para sa kaniyang buong pamilya.

More Stories