
Pinagtawanan ng Dalaga ang Kaibigang may Istriktong Magulang, Naiyak Siya sa Nalamang Katotohanan sa Kaniyang Ina
“Kawawa ka naman, Gina, katanda-tanda mo na, pinagbabawalan ka pa rin ng mga magulang mo! Hanggang ngayon tuloy, wala kang nararanasang masasayang tagpo kasama ang buong tropa!” panunukso ni Liza sa kaibigan, isang tanghali nang sabihin nitong hindi na naman ito pinayagan ng mga magulang.
“Oo nga, eh. Minsan nga, nagrereklamo na rin ako sa mga magulang ko. Pinapaliwanag ko sa kanila na bente singko anyos na ako at kailangan kong sariling lakbayin ang buhay pero kapag sumimangot na ang tatay ko, bigla na lang talagang sasara ang bibig ko, eh,” patawa-tawang sagot nito na ikinatawa naman ng kanilang buong tropa.
“Naku, kung ako ‘yan, magagalit na talaga ako. Hindi ka kasi nagpapakita ng galit sa mga magulang mo kaya hindi ka pinapayagan! Nasasa’yo pa rin naman kung susunod ka, eh!” tugon niya na ikinangiti nito.
“May punto ka riyan pero naisip ko kasi, wala namang masama kung susundin ko sila. Para rin naman ‘yon sa kaligtasan ko,” seryosong wika nito na ikinahagalpak niya ng tawa.
“Baby ka ba? Nakakatawa ang mga rason mo!” sabi pa niya na ikinainis na nito dahilan para siya’y pigilan na ng iba nilang kaibigan, “Totoo naman, ha? Baka kapag pumanaw na ang mga magulang niya roon lang siya makasama sa atin!” dagdag niya pa dahilan para layasan sila nito.
Sa tuwing magsasama-sama ang mga kaibigan ng dalagang si Liza, palagi niyang pinapahiya ang kaibigang si Gina na malimit hindi nakakasama sa kanilang mga gala dahil ayaw itong payagan ng mga magulang.
Palagi niya itong ginagawang katatawanan dahil ibang-iba ang pakikitungo ng mga magulang nito sa kung paano siya palakihin ng kaniyang mga magulang.
Siya kasi, kahit hindi siya magpaalam sa kaniyang mga magulang o kahit isang linggo siyang hindi umuwi sa kaniya, hinahayaan lang siya ng mga ito na labis niyang ikinatutuwa dahil mayroon siyang kalayaan.
Kaya naman, ganoon niya na lang pinagtatawanan at pinapainggit ang buhay na mayroon siya sa kaibigan niyang ito na para sa kaniya, kawawa at sunod-sunuran sa mga magulang kahit nasa tamang edad na.
Nang araw na ‘yon, dahil nga nainis ang kaibigan nilang si Gina, agad na rin silang nag-uwian upang maghanda sa kanilang gala kinabukasan. Inis man ang ilang dalaga sa kaniya, wala siyang pakialam dahil katwiran niya, “Totoo naman ang sinabi ko!”
Kinabukasan, bago siya tuluyang umalis ng kanilang bahay, minabuti niyang puntahan sa silid ang kaniyang mga magulang upang manghingi ng pera.
“Aalis ka? Magkano ang kailangan mo?” tanong ng kaniyang ina na abala sa paggamit ng laptop dahilan para mapangiti siyang maigi.
“Ang sarap po talaga sa pakiramdam na gan’yan niyo ako suportahan sa mga gusto ko,” masaya niyang wika saka naupo sa tabi ng ina.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noong wika nito.
“Iyong kaibigan ko po kasi, kahit anong paalam niya, hindi siya pinapayagang umalis ng kaniyang magulang, lalo na kung aabutin ng ilang araw. Tapos po kayo ni daddy, simula noong bata pa lang ako, agad niyo akong pinapayagan sa mga gala ko,” kwento niya pa saka ito niyakap.
“Bakit ka naman namin pagbabawalan, eh, hindi ka naman namin tunay na anak,” seryosong sagot nito na ikinalaki ng mga mata niya.
“Honey! Ano ba?” saway ng kaniyang ama dahilan para siya’y mapakalas sa pagkakayap dito.
“Malaki na siya, kailangan na niyang malaman ang katotohanan! Hindi rin naman natin siya natututukan, eh!” sigaw pa nito kaya tuluyan na siyang napaiyak.
Doon din tuluyan nang inamin ng kaniyang ama na siya’y napulot lamang nito sa tapat ng kanilang bahay at noon pa man, ayaw na sa kaniya ng tinuturing niyang ina dahilan para labis itong matuwa kapag wala siya sa kanilang bahay.
Dahil sa katotohanang iyon, napagtanto niyang maswerte pala ang pinagtatawanan niyang kaibigan dahil may pakialam dito ang mga magulang nito.
Napag-isip-isip niya ring wala pala siyang dapat ipagmalaki dahil noon pa man, wala nang gustong tumayong magulang sa kaniya.
Kahit pa ganoon, labis pa rin siyang nagpasalamat sa mag-asawang ito na tumayong mga magulang niya sa dalawangpu’t limang taon.
Ngayong alam na niyang ayaw siyang nasa bahay ng tinuturing niyang ina, minabuti na niyang magtrabaho at maghanap ng matitirhan at siya’y agad na kinupkop ng mga magulang ng kaibigan niyang si Gina.
At doon lang siya nakaramdam ng tunay na pagmamahal ng mga magulang. Dito niya labis na naintindihan kung bakit masunurin sa mga magulang ang kaniyang kaibigan.
“Kaya naman pala masunurin ka, kasi sobra sila mag-alaga at magmahal. Pasensya ka na kung pinagtawanan kita noon at salamat dahil kinupkop niyo ako,” iyak niya rito, isang araw habang sila’y salu-salong kumakain sa hapag-kainan.