Nagalit ang Nanay ng Dalaga nang ‘Di Niya Sagutin ang ‘Kanong Manliligaw, Katapusan na Nga Ba ng Pagtatagumpay Niya?

Nagalit ang Nanay ng Dalaga nang ‘Di Niya Sagutin ang ‘Kanong Manliligaw, Katapusan na Nga Ba ng Pagtatagumpay Niya?

FamilyInspiringStories

“Bumalik na ba sa ibang bansa ‘yong ‘Kano mong manliligaw, anak?” pang-uusisa ni Madelina sa anak habang sila’y naggagayat ng mga gulay na isasahog niya sa meryendang tinitinda niya. 

“Hindi pa po, mama. Nariyan pa rin po siya sa inuupahan niyang apartment sa kabilang barangay,” mahinahong sagot ni Athena habang patuloy sa paggagayat ng mga gulay. 

“O, nand’yan lang pala siya sa kabilang barangay, bakit hindi na siya napunta rito? Magkaaway ba kayo? Naku, hindi niyo dapat pinapalampas ang araw na magkaaway kayo! I-text mo, dali, papuntahin mo rito! Nami-miss ko na kamo ang dala niyang donut at pizza!” nasasabik na sambit ng kaniyang ina na ikinakunot ng noo niya. 

“Mama, hindi naman po yata tama ‘yang gusto niyong mangyari, parang hinuhuthutan po natin siya. Saka, pinatigil ko na po siya sa panliligaw sa akin. Hindi ko po talaga siya kayang mahalin, eh. Kay Joseph po talaga ako masaya,” tapat niyang tugon dito dahilan upang manlaki ang mga mata nito at padabog na bitawan ang hawak na kutsilyo. 

“Ano? Nahihibang ka na ba? Nasa malambot na kama ka na, gusto mo pang mahiga sa papag! Anong maipapakain sa’yo ni Joseph, ha? Mag-isip-isip ka nga, Athena! Tat*nga-t*nga ka talaga sa lahat ng bagay!” sigaw nito sa kaniya saka siya agad na layasan dahil sa labis na pagkainis. 

Laki sa gipit na buhay ang dalagang si Athena. Bata pa lamang siya nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama dahil sa isang delubyo at simula noon, binuhay na siya ng kaniyang ina sa pagtitinda ng mga meryenda sa kanilang barangay. 

Sobrang gipit man sila sa buhay, hindi ito naging hadlang para hindi siya makapagtapos sa pag-aaral na talaga nga namang naging dahilan upang kahit papaano, maging maalwan ang kanilang buhay mag-ina. 

Sa trabaho niya natagpuan ang isang Amerikanong agad na nabihag sa kagandahan niya. Sa sobrang pagkagusto nito sa kaniya, pumunta ito sa bahay nila nang hindi niya alam upang magpaalam sa nanay niya. 

At nang malaman ng kaniyang ina na bilyonaryo ito, siya’y labis na tinulak nitong sagutin na ang binata para raw umasenso na ang buhay nila at baka sa ibang bansa pa sila manirahan. 

Ngunit dahil may iba nang nagpapasaya sa kaniya, kahit na alam niyang magagalit ang nanay niya kapag hindi niya sinagot ang ‘Kanong iyon, sinunod niya ang bugso ng kaniyang damdamin. 

Sa galit ng kaniyang ina sa ginawa niya nang araw na ‘yon, siya’y pinalayas nito. Wika pa nito, “Hindi ko kailangan ng t*ngang anak! Kaya kong buhayin ang sarili ko! Kung gusto mo sa pedicab drayber na si Joseph, maghirap ka habang-buhay!” na naging rason para siya’y mapahagulgol sa kalsada. 

Dahil wala naman siyang ibang mapupuntahan, sa barung-barong na pagmamay-ari ng binatang si Joseph siya nanirahan. Masikip, mainit, at puro daga man dito, lahat iyon ay tiniis niya dahil sa kasiyahang nararamdaman niya kasama ito. 

Pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pagtitinda ng kung anu-ano sa social media upang makaipon ng pera pangpatayo ng kanilang bahay. 

Tila sinuwerte naman ang kaniyang kasintahan dahil nang isama niya ito sa isang pagdiriwang sa pinapasukan niyang kumpanya, nakuha nito ang loob ng kanilang boss dahil sa pagiging bolero at palatawa nito at ito’y binigyan ng trabaho kahit wala itong pinag-aralan.

Sa ganoong paraan, mas napabilis ang kanilang pag-iipon hanggang sa tuluyan na silang magpasiyang magpaayos ng bahay at magpagawa ng isang maliit na tindahan ng kaniyang mga tinitindang pangmagandang produkto na talaga nga namang dinadaksa ng kanilang mga kabarangay, kaibigan, at kapwa tindera. 

At dahil nga lumalaki na ang kaniyang negosyo at hindi na niya ito kayang pagsabayin sa pagtatrabaho, siya’y naghanap sa social media ng mapagkakatiwalaang empleyado. Laking gulat niya, wala pang isang oras, nasa tapat na ng kanilang tindahan ang kaniyang ina. 

Umiiyak ito habang siya’y pinagmamasdan dahilan para siya’y mapaiyak na rin at agad na lumapit dito. Pagkayap niya rito, lalo itong humagulgol sa balikat niya. 

“Pasensya na, anak, wala akong bilib sa’yo. Nakakatuwa lang na nagtagumpay ka kahit wala ang patnubay ko. Ganoon mo pinatunayan sa akin na hindi mo kailangan ng mayamang lalaki para magtagumpay sa buhay,” sambit nito na talagang nagpataba ng puso niya. 

Ito ang naging simula upang manumbalik ang dating relasyon nila ng kaniyang ina. Pinatira na niya ito sa bahay nila ni Joseph at labis itong natuwa sa sipag at ugaling mayroon ang binata. Ito na rin ang naging tagapagbantay niya sa kanilang tindahan na ganoon niya ikinatuwa. 

“Walang imposible kapag talaga may sipag at tiyaga ang isang tao,” wika niya sa sarili habang pinagmamasdan ang pagdumog ng mga tao sa kaniyang tindahan, isang umaga bago sila pumasok sa trabaho ng kaniyang kasintahan.

More Stories