Inday TrendingInday Trending
Tinangka Niyang Palayasin ang Bago Nilang Katulong na Hindi Niya Gusto; Ikinagulat Niya ang Naging Sagot Nito

Tinangka Niyang Palayasin ang Bago Nilang Katulong na Hindi Niya Gusto; Ikinagulat Niya ang Naging Sagot Nito

“Aira!” galit na sigaw ni Lani sa anak-anakan niya.

Ilang segundo lang ay nasa harap na niya ang siyam na gulang na bata.

“Mama? Bakit po?” namimilog ang matang tanong nito. Sa mukha nito ay mababakas ang takot.

Uminit na naman ang ulo niya nang marinig ang itinawag nito sa kaniya. Bakit ba kasi kailangang “Mama” ang itawag nito sa kaniya gayong hindi niya naman ito anak?

“Ano ‘tong nakita ko sa report card mo? Bakit second honor ka lang? Bakit hindi ikaw ang nauuna sa klase?” bulyaw niya, na bahagya pang ikinagulat ng bata.

Agad na namasa ang mata nito.

“Sorry po, M-mama. Ginawa ko naman po ang best ko, mas magaling lang po talaga siguro si Ella kaysa sa akin,” nakayukong paliwanag nito.

Mas lalo siyang nagliyab sa galit.

“Inutil ka talagang bata ka! Wala kaming mapala sa’yo! Dapat hindi ka na lang ipinanganak sa mundo!”

Tuluyan nang tumulo ang luha mula sa mga mata ng bata ngunit wala siyang maramdaman na awa at simpatya.

“Ano’ng iiniiyak-iyak mo riyan? Umalis ka na sa harapan ko, at baka masaktan pa kita!” taboy niya bago niya ito bahagyang itinulak palayo.

Umiiyak na tumakbo si Aira patungo sa sarili nitong silid.

Si Aira ay ang anak ng matalik niyang kaibigan na si Minda. Nang masawi ang kaibigan niya mula sa isang sunog, naging malapit siya sa naulila nitong asawa na si Marlon.

Makalipas ang ilang taong pananatili niya sa tabi ng mag-ama ay natupad din ang minimithi ng puso niya. Naalala niya pa ang sinabi ni Marlon noong inalok siya nito ng kasal.

“Lani, maraming salamat sa pananatili mo sa tabi naming mag-ama. Ngayong lumalaki na si Aira ay kailangan niya ng ina. Maaari ba na ikaw ang tumayong ina ng anak ko? Para panatag ako, lalo na’t ikaw ang matalik na kaibigan ng yumao kong asawa. Pakakasalan kita.”

Hindi na siya nagpakipot pa. Ang totoo ay matagal na ang lihim niyang pagtingin kay Marlon. Sadyang nagustuhan lang talaga nito ang kaibigan niya, kaya hindi siya nagkaroon ng tiyansa noon.

Nagpakasal sila, at nagbuhay reyna siya sa piling ni Marlon. Sinubukan niyang mahalin si Aira, ngunit hindi niya magawa dahil kamukhang-kamukha ito ng yumao nitong ina, bagay na ikinasusuklam niya, dahil hanggang ngayon ay hindi niya pa rin mapalitan si Minda sa puso ng kaniyang asawa.

Napakabait man ni Marlon sa kaniya, ibinibigay man nito ang lahat ng kapritso niya, alam niya na ni minsan ay hindi siya nito minahal gaya ng pagmamahal nito sa pumanaw na asawa.

Hindi niya naman ito maiwan-iwan dahil ayaw niya nang bumalik sa mahirap niyang buhay.

Kaya bilang ganti, kapag kaharap ang asawa niya ay ipinapakita niyang mahal na mahal niya ang bata. Ngunit kapag umalis na ito, saka niya lang naipapakita ang kaniyang tunay na kulay.

Naputol ang pagbabalik tanaw niya nang tawagin siya ng mayordoma na si Aling Francia.

“Ma’am Lani, ipapakilala ko lang po sana sa inyo ang bago nating kasambahay. Si Linda.”

Sinipat niya ng tingin ang babae. Sa hindi niya malamang kadahilanan ay tila pamilyar ito sa kaniya, kahit na sigurado siyang iyon ang unang beses na nagkita sila.

“Magandang gabi po, Ma’am Lani,” anito.

Mas lalo siyang napakunot noo. Maging ang tinig kasi nito ay pamilyar, subalit hindi niya matukoy kung saan niya iyon narinig.

Iwinaksi niya na lamang ang kaniyang isipin nang marinig niya ang tinig ng kaniyang asawa.

Gaya ng dati ay sinalubong siya nito ng halik sa noo bago nito hinanap ang anak.

“Nasaan na ang prinsesa ko?” sigaw nito.

Ilang segundo lang ay nakita niya na ang paglabas ni Aira mula sa silid nito bago nito sinugod ng yakap ang ama.

Pinigilan ni Lani na mapaismid. Wala naman siyang magagawa kung sadyang malapit ang mag-ama sa isa’t-isa.

“Kumain na tayo ng hapunan,” yaya niya na lamang sa mag-ama.

Habang kumakain ay pigil ni Lani ang inis. Halos marindi kasi siya sa walang kasawa-sawang kwentuhan ng mag-ama. Tila may sariling mundo ang dalawa na hindi siya kabilang. Hindi niya man lang makausap ang kaniyang asawa.

“Manang, ang sarap naman po ng menudo niyo, saktong-sakto sa timpla,” maya-maya ay puri nito sa luto ng mayordoma,

“Naku, Sir. Si Linda ang nagluto niyan, ‘yung bago nating kasambahay. Mabuti naman at nagustuhan mo, naging mapili ka na kasi sa pagkain simula noong pumanaw si Ma’am Min–”

Natigil ang matanda nang tapunan niya ito ng matalim na tingin. Nakayuko itong umalis sa kainan. Alam kasi nito na ayaw niyang nababanggit pa ang pangalan ni Minda.

Hanggang sa matapos silang kumain ay katahimikan ang namayani.

Nang mga sumunod na araw ay mas lalong bumigat ang dugo niya sa bagong katulong na si Linda. Hindi talaga maganda ang pakiramdam niya sa babae. Masyado itong pabida!

Madalas pinipigilan siya nito sa t’wing nakikita nito na kinukurot o ‘di kaya’y pinapalo niya si Aira.

Noong isang araw ay nakita niya na masaya itong nakikipaglaro kay Aira, na gustong-gusto naman ng bata. Niyakap pa nito ang bata nang minsang umiyak ito, sa pagkagulat niya!

“‘Wag mo ngang hawakan ang anak ko. ‘Wag mong kalimutan ang lugar mo rito, katulong ka lang!” maanghang na paalala niya sa babae bago ipinagbawal dito ang pakikipag-usap kay Aira.

Hindi niya rin gusto na tila gustong-gusto ni Marlon ang lahat ng niluluto ng babae, gayong napaka-mapili ng asawa niya. Iyon ang dahilan kaya hindi niya na pinapatapak pa sa kusina ang bagong katulong.

Isang umaga, nagising siya dahil sa ingay na naririnig niya mula sa labas ng bahay. Nang sumilip siya sa labas, nanlaki ang mata niya sa nasaksihan – si Marlon, Aira, at Linda ay masayang naglalaro sa labas ng bahay, na para bang isa masayang pamilya ang tatlo.

Noon niya tuluyang napagtanto ang intensyon ni Linda. Inaagaw nito ang pamilya na mayroon siya!

Nakaramdam siya ng paninibugho lalo na nang makita ang masayang ngiti ni Marlon. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niyang ngumiti nang ganoon ang lalaki simula noong pumanaw si Minda.

Dahil sa nasaksihan ay isang plano ang nabuo niya. Palalayasin niya si Linda sa lalong madaling panahon.

Kinausap niya ang asawa. Humabi siya ng kasinungalingan na alam niyang ikagagalit nito.

“Kailangan na nating paalisin si Linda rito. Nakita ko siya noong isang araw, sinasaktan niya si Aira,” sumbong niya sa asawa.

Agad na bumakas ang galit sa mukha ng asawa. Ipinatawag nito si Linda.

“Totoo ba ang sinabi ng asawa ko? Sinasaktan mo raw ang anak ko?” galit na galit na tanong nito sa pobreng katulong.

Nanlaki ang mata ng babae. “Sir? Sir, hindi po totoo ‘yan! Hinding-hindi ko po magagawang saktan si Aira!” agarang pagtanggi nito sa paratang niya.

Bumaling sa kaniya si Marlon. “Ano ba talaga ang totoo?”

“Kanino ka maniniwala? Sa akin na asawa mo? O sa katulong na hindi naman natin kilala?” hamon niya sa asawa.

Natigilan ito. Agad na nakuha ang pinupunto niya.

Nilingon nito si Linda.

“Mag-empake ka na. Matatanggap ko ang lahat ng klase ng kasalanan, pero hindi ko mapapatawad ang sinumang mananakit sa anak ko!” matigas na desisyon ng lalaki.

Nagulat si Lani dahil imbes na magmakaawa ay isang matalim na tingin ang ipinukol ng babae sa kaniya.

“Kung ganoon, hindi ako ang dapat umalis kung hindi ang babaeng ‘yan! Sinasaktan niya ang anak ko!” anito bago siya itinuro.

“Ano’ng pinagsasasabi mo? Nababaliw ka na!” hindi mapigilang hiyaw niya.

“Bakit ko naman sasaktan ang anak ko? Kaya nga ako narito para protektahan siya. Gusto ko siyang protektahan sa halimaw na kagaya mo, Lani. Akala mo ba hindi ko matutuklasan na ikaw ang nagpasunog sa bahay, para mawala na ako sa landas mo? Ipinapat*y mo ang matalik mong kaibigan, para lang maagaw si Marlon!”

Tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. Paano nito nalaman ang isang lihim na siya lamang ang nakakaalam?

Nang lingunin niya si Marlon ay kitang-kita niya ang gulat sa mga mata nito.

“Oo, ako nga ito. Si Minda, ang matalik mong kaibigan. Nagbago man ang mukha ko dahil sa sunog ay mapapatunayan ko na ako ang ina ni Aira,” matigas na pahayag ng babae.

Nagimbal siya sa nalaman. Kaya pala may pakiramdam siya na pamilyar ang babae!

Nilingon nito si Marlon.

“Kung hindi ka naniniwala, magpa-DNA test tayo,” hamon nito sa lalaki.

“Hindi na kailangan. Naniniwala ako sa’yo, Minda. Sa luto mo, at sa pagtrato mo kay Aira, alam na alam ng puso ko na ikaw ang asawa ko,” lumuluhang bulalas ni Marlon.

Noon ay napagtanto ni Lani na nabunyag na ang lihim niya, at talo na siya.

Sinubukan ni Lani na takasan ang kaniyang mga kasalanan ngunit hindi iyon pinayagan ni Minda at Marlon. Alam ng mag-asawa na ang mga kagaya ni Lani na punong-puno ng kasakiman ang puso ay nararapat lamang na mabulok sa kulungan.

Ang dating mag-asawang Marlon at Minda ay muling nagsimula kasama ang anak nila. Binawi nila ang lahat ng panahong nawala sa kanila dahil sa kagagawan ni Lani.

Si Lani ay pinatawan ng habambuhay na pagkakakulong. Sising-sisi man siya ay wala siyang ibang magawa. Doon ay araw-araw niyang pagbabayaran ang lahat ng kasamaan na nagawa niya.

Advertisement