Kakaiba ang Inaakto ng Kaniyang Ina; May Itinatago Nga Ba Itong Lihim sa Kaniya?

Kakaiba ang Inaakto ng Kaniyang Ina; May Itinatago Nga Ba Itong Lihim sa Kaniya?

FamilyHeartbreakingInspiringStories

“‘Nay, pagka-graduate namin ng grade 6, pwede po ba na sa Saint Mary ako mag-aral?” isang gabi ay wika ni Sasha sa kaniyang ina. 

Huminto ito sa pagkain. “Bakit naman sa Saint Mary, anak? Marami namang eskwelahan,” kunot-noong tugon nito. 

“Kasi doon po mag-aaral ang mga kaibigan ko, eh,” katwiran niya. 

“Ayoko. Hindi ka doon papasok. Maghanap ka ng ibang school. Kahit saan, ‘wag lang doon,” matigas na sagot nito. 

Napasimangot siya. Nakaramdam ng iritasyon. 

“Eh dun nga po papasok ang mga kaibigan ko. Gusto ko po, doon ako. Bakit hindi ako pwede sa school na ‘yun?” muli ay usisa niya. 

Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig niyang nagtaas ng boses ang kaniyang nanay. 

“Kapag sinabi kong hindi pwede, hindi pwede! ‘Wag matigas ang ulo mo!” galit na sabi nito. 

Napayuko na lang si Sasha sa labis na pagkadismaya. Hindi niya namalayang may tumulo na palang luha sa kaniyang mga mata. 

Muling nagsalita ang nanay niya. Mas malumanay na ang tinig nito. 

“‘Wag mo akong iyakan diyan, Sasha. Hindi ko sinabing hindi ka mag-aaral. Ang sabi ko, humanap ka ng ibang eskwelahan.” 

Sa sobrang sama ng loob niya sa kaniyang ina ang hindi na siya muli pang nagsalita hanggang sa matapos silang kumain. 

Nang matapos siyang kumain ay walang kibo siyang tumayo at pumasok sa maliit niyang silid. 

Maging nang mga sumunod na araw ay nanatili siyang tahimik. Gusto niya kasing iparamdam sa kaniyang ina na galit siya rito at hindi niya nauunawaan ang desisyon nito. 

Isang gabi habang kumakain sila ng hapunan ay nag-usisa ito. 

“Anak, nakahanap ka na ba ng eskwelahan? Sabihin mo sa akin nang maasikaso ko na ang mga dokumento na kailangan mo,” anito. 

“May nahanap na po ako. Saint Mary. Pero ayaw niyo naman,” inis na pakli niya. 

Marahas itong napabuntong hininga. Bago pa ito makapagsalita ay inunahan niya na ito ng drama. Alam niya kasi na hindi naman talaga siya matitiis ng kaniyang ina. 

“‘Nay, gusto ko po sa Saint Mary kasi may mga kaibigan na ako kaagad. Ang hirap po kayang maghanap ng bagong kaibigan. Ayoko naman po kumain mag-isa kapag walang gustong makipagkaibigan sa akin,” paliwanag niya. 

Muli itong napabuntong hininga. 

“Bahala ka. Basta ‘wag mo akong sisisihin kapag naroon ka na at may natuklasan kang hindi maganda,” sa wakas ay pagpayag nito. 

Masayang-masaya si Sasha sa naging desisyon ng kaniyang ina ngunit bahagya rin siyang nagkaroon ng agam-agam. 

Mayroon bang itinatago ang kaniyang ina?

Ilang linggo rin silang nag-asikaso at sa wakas, magsisimula na ang kabanata ng buhay niya bilang isang estudyante sa hayskul. Bago rin ang papasukan niyang school!

Sabik na sabik si Sasha. Unang araw niya sa eskwela. Muli niyang makikita ang mga kaibigan niya na hindi niya nakita nang matagal dahil bakasyon. 

Laking tuwa niya nang malaman na ang mga kaibigan niya ay magiging kaklase niya rin sa bago nilang eskwelahan. 

Ngunit nang dumating ang tanghalian, nang pumunta sila sa kantina ay mayroon siyang natuklasan. 

Nakapila sila upang bumili ng pagkain nang kalabitin siya ni Claire, isa sa mga kaibigan niya. 

“Sasha, hindi ba nanay mo ‘yun? Bakit siya nandito?” takang tanong nito bago inginuso ang isang babae na kasalukuyang nagpupunas ng lamesa. 

Nakasuot ito ng uniporme na kagaya ng sa mga nagtatrabaho sa loob ng kantina. 

Nang humarap ang babae ay nakumpirma niya ang sinabi ni Claire. Tama ito, ang babae nga ay ang kaniyang ina!

Pero bakit ito naroon? Hindi ba’t sa isang restawran nagtatrabaho ang kaniyang nanay? Iyon ang katanungang nabuo sa isip ni Sasha. 

Nagtama ang mata nila. Kumaway siya sa ina. Lalapitan niya sana ito, ngunit sa pagkagulat niya ay nag-iwas ito ng tingin na para bang hindi siya nito kilala bago siya nilampasan. 

Gulong-gulo na naiwan siyang naiwang nakatayo sa gitna ng kantina. 

“Sasha, ayos ka lang ba? Nag-away ba kayo ng nanay mo? Bakit hindi ka pinansin?” takang-takang usisa ni Claire, na nasaksihan ang buong pangyayari. 

Hindi niya masagot ang tanong ng kaibigan. Dahil siya mismo, hindi niya alam kung bakit ganoon ang inakto ng nanay niya. 

Nagmamadaling umuwi si Sasha nang araw na iyon. Gulong-gulo kasi siya, at nais niyang tanungin ang kaniyang ina. 

Naabutan niyang nakaupo sa sala ang kaniyang ina, tila hinihintay ang pagdating niya.

Umupo siya sa tabi nito. 

“‘Nay, nakita kita sa canteen kanina, lumipat ka na pala ng trabaho. Bakit hindi mo man lang nabanggit sa akin?” nakasimangot na usisa niya sa ina. 

Sa kaniyang dibdib ay may mumunting tampo na nabuo. Malapit kasi silang mag-ina. Nagtataka siya kung bakit hindi man lang nito sinabi sa kaniya ang bagay na ‘yun. 

“Sasabihin ko na sana sa’yo, anak. Ang kaso ‘yun ‘yung araw na sinabi mo sa akin na gusto mong mag-aral sa Saint Mary.” 

Nanlaki ang mata ng dalagita sa narinig. 

“‘Yun po ba ang dahilan kaya ayaw niyo na sa Saint Mary ako mag-aral?” pagkumpirma niya. 

Marahan itong tumango. 

“Pero bakit po? Ayaw niyo po ba noon? Kung saan ako nag-aaral, doon din kayo nagtatrabaho?” naguguluhang usisa niya. 

Lumungkot ang mukha nito. “Ayaw ko sana, anak. Ayokong malaman ng mga kaklase mo na sa kantina nagtatrabaho ang nanay mo. Ayaw ko na pagtawanan ka nila.” 

Lalo lamang lumalim ang gatla sa noo ng dalagita. Ano bang pinagsasasabi ng nanay niya?

“‘Nay, bakit naman kita ikakahiya? Bakit niyo naman po naiisip ‘yan?” 

“Syempre, isa lang akong taga-silbi sa canteen, hindi kagaya ng magulang ng mga kaklase mo. Hindi mo ako pwedeng ipagmalaki,” nakayukong pahayag nito. 

Naiiling na niyakap niya ang ina. 

“‘Nay, ano ba naman ‘yang iniisip mo? Kahit ano ka pa, proud na proud ako sa’yo. Masaya ako na ikaw ang nanay ko. Mag-isa mo akong itinaguyod. Ibinigay mo ang lahat ng kailangan ko at lahat ng gusto ko. Hindi lahat ng nanay kayang gawin ang lahat ng nagawa mo. Sa susunod na buhay, kung pwede akong mamili, ikaw pa rin ang pipiliin ko,” wala sa loob na litanya niya.

Narinig niya na lang ang malakas na paghikbi ng kaniyang ina. 

Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap dito. 

“Sorry, Nanay, kung hindi ko madalas masabi sa’yo kung gaano ako nagpapasalamat na ikaw ang nanay ko.” 

Namasa ang mata ni Sasha habang naririnig ang pagluha ng kaniyang ina. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na nito mararamdaman na hindi ito mabuting ina.

More Stories