Nais ng Dalagita na Masunod ang Kapritso Niya; Nang Makuha Niya ang Nais, Bakit Hindi Siya Lubos na Masaya?

Nais ng Dalagita na Masunod ang Kapritso Niya; Nang Makuha Niya ang Nais, Bakit Hindi Siya Lubos na Masaya?

FamilyHeartbreakingKarmaStories

Hindi mapuknat ang ngiti ni Maxine habang nakapako ang tingin niya sa telebisyon. Kasalukuyan niyang pinapanood ang paborito niyang banda na nag-guest sa isang sikat na TV show. 

Napasimangot lang siya nang marinig ang tinig ng kaniyang ina mula sa kusina.

“Maxine, tulungan mo akong magluto rito! Parating na ang tatay mo!” 

Asar na sumigaw siya pabalik. 

“‘Nay! Pinapanood ko nga po ‘yung paborito kong banda ‘di ba? Ikaw na lang muna ang magsaing!”

Katakot-takot na sermon ang narinig niya sa kaniyang nanay, ngunit sa huli ay hindi rin siya nito inobliga. Nasanay na lang ang kaniyang ina kung gaano siyang katutok sa t’wing nasa TV ang paborito niyang banda.  

“Ano ka ba namang bata ka, sinasayang mo ang oras mo riyan!” komento nito, na hindi niya na pinansin.

Makalipas ang humigit-kumulang isang oras ay tutok na tutok pa rin ang mata niya sa TV. Halos hindi niya na namalayan ang pagdating ng kaniyang ama. 

Napapitlag na lang siya nang marinig niya ang pagod na tinig ng kaniyang ama. 

“Iyan ba ‘yung sinasabi mong paborito mong banda, anak? “Stars” ba ang pangalan niyan?” 

Gulat na nilingon niya ang nagsalita. 

“‘Tay! Nandiyan ka na pala! Hindi ko namalayan! Opo, Stars nga po ang pangalan ng banda,” aniya.  

Ngumiti ito. “Eh paano mo mamamalayan, hindi mapuknat ang tingin mo doon sa poging bokalista!” kantiyaw nito. 

Nagningning ang mata ng dalagita. 

“Grabe naman kasi ‘Tay! Ang galing-galing kumanta, tapos ang pogi-pogi!” kinikilig na komento niya. 

Pabirong ginulo nito ang buhok niya. “Dalaga na talaga ang anak ko,” naiiling na sabi nito. 

Nang matapos ang pinapanood niya ay bumaling siya sa ama na noon ay nakasandig sa sofa, nagpapahinga. 

“‘Tay, baka naman po pwedeng ibili mo ako nung album? 500 lang naman po. Saka malapit na naman po ang birthday ko, ‘yun na lang po ang regalo niyo sa akin,” ungot niya.

Bago pa man ito makasagot ay narinig niya na ang kaniyang ina. Nasa likod pala nila ito at nakikinig. 

“Tigil-tigilan mo ‘yan, Maxine ha! Hindi mo makakain ‘yan! Wala tayong pera,” nakairap na angil nito. 

“Pasensya na, anak. Wala tayong pera para sa gusto mong bilhin. Sa susunod na lang,” anito. 

Hindi na siya tumugon ngunit nakasimangot siyang dumulog sa hapag. Hindi siya nagsalita buong hapunan. 

Nang sumunod na araw ay matamlay si Maxine habang pauwi mula sa eskwelahan. Magkakasama kasi silang magkakaibigan. Lahat sila ay fan ng bandang Stars. Ngunit hindi gaya niya, may pangtustos ang mga ito sa pagpa-”fan girl.” Ang mga kaibigan niya ang kumpleto ang koleksyon ng mga album, T-shirt, at parati silang nakakapunta sa t’wing may concert ang banda.

Samantalang siya ay nagkakasya lamang sa panonood sa kaniyang mga idolo sa TV. 

“Uy, alam niyo ba may concert ulit ang Stars sa susunod na buwan? Punta tayo ha!” wika ni Tina. 

“Oo naman! Hindi pwedeng hindi tayo makapunta!” sagot naman ni Andrea. 

Nang hindi siya magsalita ay bumaling sa kaniya ang dalawa. 

“Uy, ano, ikaw? Hindi ka ba sasama? Siguro naman bibigyan ka na ng pambili ng tatay mo, birthday mo naman ‘yung araw ng concert eh, bale regalo na nila sa’yo,” ani Tina. 

Malungkot siyang umiling. 

“Wala, eh. Wala raw pera sila Tatay,” malungkot na pagbabalita niya. 

Lumungkot ang mukha ng dalawa. “Hayaan mo na, kwento nalang namin lahat sa’yo!” pangako ni Andrea, pilit na pinapasaya ang atmospera. 

Natigil ang magkakaibigan sa pag-uusap nang may tumawag sa pangalan ni Maxine. Nang lingunin niya ang may-ari ng tinig ay nakita niya ang ama na nakatayo sa harap ng minamaneho nitong taxi. Sinusundo na siya ng ama. 

Mabilis siyang nagpaalam sa mga kaklase. Habang pauwi sila ay hindi siya nagsasalita. Bahagya pa rin kasi siyang nakakaramdam ng tampo sa ama. 

“Magkano ba ‘yung pinapabili mong album, anak?” maya-maya ay basag nito sa katahimikan. 

“‘Wag na po, ‘wag niyo na pong isipin ‘yun, gastos lang ‘yun,” malamig na tugon niya. 

Habang lumalapit ang araw ng concert ay lalong tumatamlay ang pakiramdam ni Maxine. Inggit na inggit kasi siya sa mga kaibigan niya na walang patid ang pag-uusap tungkol sa naturang concert.

Isang gabi bago ang kaniyang kaarawan at ang ang araw ng concert, isang sorpresa pala ang naghihintay sa kaniya. 

“Anak, anong gusto mo? Birthday mo na bukas…” sabi ng kaniyang tatay. 

Pinigilan niyang mapasimangot habang kumakain. 

“Wala po. Hindi niyo naman po kayang ibigay ‘yung gusto ko,” masama ang loob na bulong niya. 

Ngunit nagulat siya nang isang sobre ang iniabot nito sa kaniya. 

“Ano po ito?” kunot noong tanong niya sa ama.

“Buksan mo, anak. Regalo ko ‘yan sa’yo.” 

Nang buksan niya ang sobre ay napaluha siya sa nakita. 

“Saan po kayo nakabili ng ticket para sa concert? Matagal na po itong na-sold out, hindi ba?” 

Ngumiti ang kaniyang tatay. “Mas mahal lang ang bili ko. Pero sulit naman, dahil alam ko na sasaya ka sa panonood lalo na’t kasama mo ang mga kaibigan mo,” anito. 

“Happy birthday, anak,” dagdag pa nito. 

Tuwang-tuwang napayakap siya sa ama. Sa wakas, makakanood na siya ng concert! Masaya niyang ibinalita iyon sa mga kaibigan. Gaya niya ay masayang-masaya rin ang dalawa. 

Nang gabing iyon, matutulog na sana siya nang mapadaan siya sa silid ng kaniyang magulang. Nadurog ang puso niya nang marinig ang usapan ng dalawa. 

“Ano, masakit ang katawan mo? Sino ba kasi ang nagsabi na pumasok ka bilang kargador? Hindi mo naman talaga ginagawa ‘yun. Nabigla tuloy ang katawan mo,” sermon ng kaniyang ina.  

“Alam mo naman na hindi ko matitiis ang anak natin. Kung narinig mo lang ang pag-uusap nila nung mga kaibigan niya, madudurog ang puso mo. Siya lang ang hindi makakapanood sa kanilang tatlo. Kaya talagang pinag-ipunan ko. Kung kaya ko lang ibigay ang lahat ng gusto ni Maxine. Hindi niya naman kasi kasalanan na taxi driver lang ang ama niya.” 

Sa narinig ay napaluha si Maxine. Nang dahil kasi sa kapritso niya ay nahirapan pa ang kaniyang ama. 

Wala sa loob na sumugod siya sa ama upang bigyan ito ng isang mahigpit na yakap. 

“Tatay, sorry po! Hindi ko po malilimutan ang regalo na ito!” umiiyak na bulalas niya. 

Nang araw na iyon ay ipinangako niya sa sarili na iyon na ang huling beses na hihingi siya nang higit sa kakayanan ng kaniyang mga magulang. Dahil ang hindi niya alam, sa maliit na bagay na hinihingi niya, ay malaking sakripisyo pala ang kapalit. 

Gaya ng pagiging napakabuting ama ng kaniyang Tatay, sisimulan na rin ni Maxine ang pagiging mabuting anak!

More Stories