Inday TrendingInday Trending
Nahahabag ang Dalaga nang Makitang Namumulot sa Palengke ang Matanda; Matulungan Niya Kaya Ito?

Nahahabag ang Dalaga nang Makitang Namumulot sa Palengke ang Matanda; Matulungan Niya Kaya Ito?

Habang namimili si Kristine ng karne sa palengke ay napansin niya ang isang matandang lalaki na nasa gilid ng tinderong naghihiwa ng karneng binili ng mamimili at kung anuman ang maliit na pirasong matapon sa sahig o matira sa hiwaan ay siyang kinukuha nito at inilalagay sa dala nitong supot.

Sa labis na pagtataka’y hindi niya natiis na tanungin ang matandang lalaki. Labis ang pagkahabag na kaniyang naramdaman nang sagutin nito ang kaniyang tanong.

“Wala kasi akong pambiling ulam, ineng, kaya ito na lang ang ginagawa ko. Nag-aabang ako kung may maliit na pirasong karne na natitira sa pinaghiwaan o kapag may kapirasong laman ang nahulog sa sahig na madalang lang mangyari,” anito, manipis na ngumiti.

“P-pero marumi na po ang karneng nahuhulog sa sahig, tatay,” aniya, ‘di makapaniwala sa sinabi ng matandang lalaki.

“Naku! Sa mga kagaya ko’y hindi totoong may germs, ineng. Kung meron man ay mamamat*y rin iyan kapag niluto na,” pabirong sagot nito.

Napag-alaman ni Kristine na suking tambay na roon si Tatay Tonio. Ayon kay Mang Delfin, ang may-ari ng karnehan ay madalas doon tumatambay si Tatay Tonio, hindi upang manghingi kung ‘di para mag-abang ng karneng mahuhulog sa sahig. Minsan naman daw ay binibigyan nila ito ng sobrang karne upang makauwi na’t makapag-asikaso na sa sarili nitong tahanan at makakain na kasama ang asawang may sakit na tanging ang naiwang apo lamang ang nagbabantay. Ang naipon raw na karneng napulot ni Tatay Tonio ay pagsasaluhan pa nilang tatlo.

Mas tumindi ang naramdamang awa ni Kristine sa sinabi ni Mang Delfin, kaya noong makita niyang paalis na ang matandang lalaki ay hinabol niya ito at inabot ang biniling isang kilong karne ng baboy.

“Naku! Salamat na lang hija, ayos na rin naman ako sa mga napulot kong karne,” ani Tatay Tonio.

“Tanggapin niyo na ang isang kilong karne na ito, Tatay Tonio,” pilit na ibinibigay ni Kristine ang hawak na supot na may lamang karne. “Maliit na bagay lamang po iyan. Pansamantala’y maibsan ang gutom niyo ngayong araw,” dugtong niya.

“P-paano ka?”

Matamis na ngumiti si Kristine at iniangat ang isa pang bitbit na supot. “Mayroon din naman akong binili para sa’min ng pamilya ko, tatay.”

Matamis na ngumiti si Tatay Tonio, bakas ang saya sa kulubot nitong mukha. Malaking bagay na ang karneng binigay ng dalaga sa kaniya. Kahit papaano’y sa araw na iyon ay hindi nila kailangang magtipid sa ulam, dahil may isang kilong karneng baboy siyang lulutuin, para sa kaniyang asawa’t apo.

Maliit na bagay lamang ang ginawa ni Kristine kay Tatay Tonio at alam ng dalaga na hindi sapat ang tulong na iyon. Kaya upang mas matulungan si Tatay Tonio ay lumapit si Kristine sa tanggapan ng gobyerno na tumutulong sa mga kagaya ni Tatay Tonio na nahihirapan nang maghanapbuhay.

Nalaman niyang saisyenta’y singko na ang edad nito at may nag-iisa itong anak na nagtatrabaho sa syudad upang matustusan ang pag-araw-araw na panggastos nila, ngunit hindi pa rin sapat dahil sa gamot ng asawa nitong may sakit. Kaya si Tatay Tonio ang dumidiskarte sa pagkain… sa ganoong paraan.

Mabilis na naaprubahan ang hiling ni Kristine para sa matanda, kaya buwan-buwan nang nakakatanggap ng tulong pinansyal at medikal si Tatay Tonio mula sa gobyerno.

Labis-labis ang naging pasasalamat nito kay Kristine dahil sa pagmamalasakit nito sa kanila at sa tulong na rin nito.

“Maliit na bagay lamang po ang ginawa ko, tatay. Ang totoo’y ang gobyerno po ang tumutulong sa inyo, ako lang po ang naging tulay,” ani Kristine sa umiiyak na si Tatay Tonio.

“Kahit na, ineng,” mangiyak-ngiyak na wika ni Tatay Tonio. “Salamat sa ginawa mo. Isang kang anghel na dumating sa buhay namin ng asawa’t apo ko. Kung hindi dahil sa’yo’y baka hanggang ngayon ay namomroblema pa rin ako kung saan ako didiskarte ng pangkain namin at kung paano ko pagkakasyahin ang gamot na nabili ko para sa asawa ko. Malaking bagay ang ginawa mo, kaya maraming-maraming salamat, ineng,” anito na hindi na napigilan ang pag-iyak.

Niyakap ni Kristine ang umiiyak na si Tatay Tonio. “Walang anuman iyon, tatay. Masaya ako, kasi alam ko na may tumutulong na sa inyo ngayon at alam ko na hindi ka na ulit pupunta ng palengke upang mag-abang doon ng karneng mahuhulog sa sahig,” masaya niyang sambit.

Iyon talaga ang totoong dahilan kaya nais niyang matulungan ang matanda. Ayaw na niya ulit na makita itong animo’y aso na nag-aabang ng tirang karne sa palengke. Wala siyang kakayahang tulungan ito, ngunit alam niyang matutulungan ng gobyerno ang mga kagaya ni Tatay Tonio, kaya ginamit niya ang kaniyang utak upang mangyari ang nais. At ngayong nangyari na nga’y labis ang sayang kaniyang nadarama.

Minsan ay nag-aalinlangan tayong tumulong sa kapwa natin dahil minsan ay wala rin tayong kakayahang tumulong sa kanila. Ngunit kung may paraan naman upang makatulong sa kapwa mo’y huwag mag-alinlangang gawin, gaya na lamang ng ginawa ni Kristine. Hindi man siya ang direktang sumusuporta kay Tatay Tonio, siya naman ang naging instrumento kung bakit may tumutulong na ngayon sa matanda.

Advertisement