
Nakiusap ang Binata sa Lalaki, Imbes na Maawa ay Itinaboy Siya Nito at Pinagalitan; Siya pa Pala ang Magliligtas Dito Mula sa Kapahamakan
Tanghali na ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring benta si Alfred. Sayang naman ang araw at pagod niya kung wala man lang bibili ng nilalako niyang damit. May nakita siyang lalaki at babae na masayang nag-uusap sa gilid ng plaza at mukhang nagdi-date ang dalawa, kaya naisip niyang pagbentahan ang mga ito.
Maraming klase ang nilalako niyang damit. May panglalaki, may pangbabae rin at may mga pares na tamang-tama para sa mga mag-asawa o magkasintahan, baka sakaling magustuhan ng dalawa, kaya nilapitan niya ang mga ito at inalok ng kaniyang paninda.
“Pasensya na kuya, pero hindi kami bibili,” mahinahong sambit ng babae.
“Sige na, madam, buena mano lang po. Magagandang klase ang mga ibinibenta ko, hindi po kayo magsisisi,” pamimilit ni Alfred.
Umiling-iling ang babae at tila ayaw na lamang siyang pansinin. Kaya ang lalaki naman ang kaniyang pinakiusapan.
“Sige na po, sir, malapit nang maghapon, pero hanggang ngayon wala pa rin akong benta. Baka swerte po kayo, sir, sige na po. Totoong mag—”
“Alis na!” singhal nito. “Bingi ka ba? Hindi ka nakakaintindi na hindi kami bibili sa paninda mo? Bakit mo ba kami pinipilit dito? Ialok mo ‘yan sa iba at huwag sa’min. Alis!” taboy nito sa kaniya.
Nasaktan man ang damdamin ni Alfred, dahil animo’y isa siyang aso na tinataboy ng lalaki’y wala siyang magawa kung ‘di sundin ang sinabi nito. Gusto lang naman niyang makabenta, wala naman siyang masamang intensyon, pero bakit kailangan siyang singhalan at itaboy nito.
Bitbit ang mga paninda ay naglakad siya palayo sa kinaroroonan ng dalawa at nagpasyang umupo na lamang muna sa upuan kung saan nasa may tabing daan kung saan mararaanan ng mga taong namamasyal sa Plaza. Naglatag siya ng iilang damit upang simulan na ang pagbebenta. Nang biglang may sumigaw na malakas at humihingi ng saklolo.
“Tulong, may magnanakaw!” naghehestirikal na sigaw ng babae.
Paglingon niya’y nakita niyang umiiyak ang babae habang panay ang pakiusap sa magnanakaw na huwag kunin ang bag nito. May hawak itong patalim, na nakatutok naman sa tagiliran ng lalaking sininghalan siya kanina.
Hindi matao ang bahaging iyon ng plaza, kaya kahit magsisisigaw ang babae’y walang makakarinig sa kaniya, maliban kung tatakbo ito sa gitna kung saan siya nakapwesto at doon magsisisigaw upang humingi ng tulong. Pero paano nito gagawin iyon kung hawak-hawak nito ang bag na hawak na rin ng k@watan at panay ang pakiusap rito?
Hindi na sana papansinin ni Alfred ang nangyayari at hayaan na lamang ang mga ito. Baka sakaling may dumating na nag-rorondang pulis at matulungan ang dalawa— na imposible ring mangyari.
Ngunit talagang kinakain siya ng kaniyang konsensya, kaya humanap siya ng batong sa kaniyang tantiya ay saktong tatama sa ulo ng k@watan. Asintado siya sa gano’ng bagay, at alam niyang hindi pa siya kailan sumablay, dahil praktisado ang pulso niya. Saglit niyang tinantiya kung tatama ba ang batong hawak sa noo ng k@watan at nang matantiya iyon ay malakas niya iyong inihagis at sakto ngang tumama iyon sa nais niyang patamaan!
“Bingo!” buong pagmamalaki niyang sambit saka tumakbo sa pwesto ng dalawa. “Humingi ka ng tulong doon sa gitna, madam, may mga dumadaang tao roon at sabihin niyo na rin na tumawag ng pulis,” utos ni Alfred sa babaeng, hanggang ngayon ay tila naguguluhan pa rin sa nangyayari.
Tinulungan naman ni Alfred na tumayong tuwid ang lalaking kanina’y sininghalan siya.
“Salamat, pare,” anito, saka tinulungan siyang bitbitin ang lalaking ngayon ay nawalan ng malay sa lakas nang pagkakatama ng bato sa noo nito.
Nang dumating ang pulis ay sakto namang nagising ang lalaking k@watan, kaya binitbit na ng mga ito ang lalaki. Matapos magpasalamat ng lalaki sa kaniya’y nagdesisyon na rin si Alfred na bunalik sa pwesto upang ipagpatuloy ang pagbebenta.
“Pare, pasensya ka na sa inasal ko kanina ah,” anang lalaki. “At salamat na rin sa ginawa mo. Kung hindi dahil sa’yo, baka ano na ang nangyari sa’min ng asawa ko.”
“Naku! Walang anuman po iyon, sir. Ginawa ko lang po ang sa tingin ko’y tama,” ani Alfred.
“Kahit na, kung tutuusin ay pwede mong balewalain ang nangyari kanina at hayaan ang magnan@kaw na iyon na gawan kami nang masama dahil sa ginawa ko sa’yo kanina. Sininghalan kita at itinaboy,” nakayukong wika ng lalaki.
Gustong manikip ng dibdib ni Alfred sa sinabi ng lalaki. Sa totoo lang ay iyon talaga ang una niyang naisip, na hayaan ang mga ito at wala siyang pakialam kung mapahamak ang dalawa, kaso hindi talaga kaya ng konsensya niya, kaya ginawa na lamang niya ang sa tingin niya’y tamang gawin.
“Salamat, pare, utang namin ng asawa ko ang buhay namin sa’yo,” anito saka nag-abot ng pera.“Para saan po ito? Suhol?” kunot noong tanong ni Alfred sa lalaki.
Agad naman itong umiling. “Sabi mo kasi kanina na wala ka pang benta, kaya iyan, pare. Tanggapin mo, isipin mo na iyan ang buena mano mo sa araw na ito. Alam ko na susuwertihin ka dahil may mabuti kang puso at hindi ka mapagtanim ng galit. Salamat ulit,” anito saka humakbang palapit sa kaniya at binigyan siya ng magaan na yakap.
Hindi na napigilan ni Alfred ang pagtulo ng luhang kanina pa pinipigilan. “Salamat po, malaking bagay ang ibinigay niyong ito. Kanina pa po akong umaga walang kain dahil wala pa akong benta. Salamat po,” hagulhol ni Alfred.
Isang magaan na tapik lang ang itinugon ng lalaki sa kaniya.
Minsan sa buhay, may mga tao tayong nasasaktan sinasadya man o hindi. At madalas, hindi natin naiisip na sila pa pala ang tutulong sa’tin sa oras ng kagipitan.
Kakaiba talagang kumilos si karma upang ipatanto sa’yo ang mali mong ginawa sa iyong kapwa.